NAGSAGAWA ng dalawang araw na planning workshop ang City Youth Development Council (CYDC) kamakailan sa layuning makapagbuo ng isang komprehensibong plano o road map na mangangalaga sa pangkalahatang kapakanan ng mga kabataan, tututok sa kanilang pag-unlad at magsusulong sa youth empowerment.
Ito ay bilang paghahanda sa kanilang mahalagang papel na gagampanan sa pagbuo ng isang matatag na bansa. Ang CYDC ay pinamumunuan ni SK Federation President Marcus Castillo.
Ang Local Youth Development Plan (LYDP) 2024-2026 ay nakabase sa Philippine Youth Development Plan 2023-2028 Ten Centers for Youth Participation.
Kabilang dito ang health, education, economic empowerment, social inclusion and equity, peace building and security, governance, active citizenship, environment, global mobility at agriculture.
Magbabalangkas ng resolusyon ang CYDC para mai-endorso sa Sangguniang Panlungsod (SP) ang naturang plano upang mapag-aralan ng konseho bago ito maging isang ganap na ordinansa.
Ang LYDP ang magiging basehan ng mga Sangguniang Kabataan upang makagawa ng kanilang 3-year Comprehensive Barangay Youth Development Plan (CBYDP).
Nagsilbing resource speaker at trainor si LYD Officer Nel Magbanua na isang Accredited Training Manager ng National Youth Commission (NYC).
Ang end-term assessment at planning workshop ay pinamahalaan ng LYDO na tumatayong secretariat ng CYDC na isinagawa noong Disyembre 18 hanggang 19. (PIO – Batangas City)