INIULAT ni Senador Joel Villanueva sa kanyang Facebook page na isinabatas na ang pagtatatag ng karagdagang apat na School of Medicine sa mga State Universities and Colleges (SUCs).
Post ni Villanueva, “Bilang Principal Sponsor at Author ng Doktor Para sa Bayan Act, masaya po nating ibinabalita ang pagsasabatas ng pagtatatag ng karagdagang apat na Schools of Medicine sa mga State Universities and Colleges (SUCs) sa iba’t ibang lugar sa bansa.”
“Mas marami na pong mga kabataan ang mabibigyan ng oportunidad na makapag-aral ng kursong medisina para mapunan ang kakulangan ng doktor sa ating bansa,” dagdag paliwanag ng senador.
Dagdag pa niya, “Bukod po rito, isinabatas na rin po ang pag-upgrade ng dalawang mga extension/satellite campus bilang mga regular campus ng Bataan Peninsula State University at Leyte Normal University gayundin po ang pagtatatag ng College of Veterinary medicine sa Bicol University.”
Paliwananag pa ni Villanueva, “Layunin po natin bilang isa sa mga commissioner ng @edcom2ph na magsulong ng mga panukalang batas na magtataas ng antas ng edukasyon sa bansa.”
Nauna rito, pinirmahan ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang 2024 General Appropriations Act.
Sabi ni Villanueva, “Bilang principal sponsor at author ng Doktor Para sa Bayan Act, isinulong po natin ang dagdag pondo para sa seed fund at kapasidad para sa mga Schools of Medicine ng ating mga State Universities and Colleges (SUCs). Ilan rin po sa ating inisyatibo ay pagtitiyak na may sapat na pondo para sa implementasyon ng ating mga Pet bills na Trabaho Para sa Bayan Act at Philippine Qualifications Framework.”