SA wakas, malaya na ang isang matandang Muslim na inaresto noong 2023 dahil sa “mistaken identity” – 176 araw matapos siyang kinulong, ani Sen. Robinhood “Robin” Padilla nitong Miyerkules, Pebrero 7, 2024.
Ani Padilla, si Mohammad Maca-Antal Said na inaresto noong Agosto 10 at tinutukan niya, ay pinalaya mula Taguig City Jail matapos atasan ng korte ang kanyang kalayaan.
Nguni’t ipinunto ni Padilla na may isa pang biktima ng mistaken identity ay naghihintay ng kalayaan. Nanawagan muli siya sa koordinasyon at information-sharing sa ahensya ng gobyerno para wala nang makararanas sa hirap na dinaanan ni Tatay Said.
“Matapos po ang mahabang paghihintay at pagtitiis, si Tatay Said po ay nakalaya na. Ginoong Pangulo, dahil po sa ipinakitang pagmamahal ng Senado at ipinaglaban ng Senado na makalaya si Tatay, ngayon po mahal na G Pangulo, nandito si Tatay nakalabas na po siya. Maraming maraming salamat po,” aniya.
“Ito ay tagumpay sapagkat dito pinakita ang boses ng Senado. Pag nag-ingay at pinaglaban ng Senado talagang merong demokrasyang mararamdaman ang ating kababayan,” dagdag niya.
Ani Padilla, inaresto si “Tatay Mohammad” sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 habang papuntang Malaysia. Si “Tatay Mohammad,” na galing Balo-i, Lanao del Norte, ay kapangalan lang ng isang Mohammad Said a.k.a. Ama Maas na may siyam na arrest warrant.
Nguni’t ani Padilla, may isa pang biktima ng mistaken identity – Mohammad Pangcoga Said – na kailangan ng tulong.
“Ito po ay hindi makatwiran, makatarungan at makatao. Hindi na po ito katanggap tanggap lalo na sa panahon na bumubuhos ang teknolohiya at innovation,” aniya.
Samantala, tinulak ni Padilla ang pag-ayos sa information-sharing sa ahensya ng gobyerno, dahil may Bill of Rights sa 1987 Constitution.
“Kung nais nating ibalik ang tiwala ng publiko patatagin ang pundasyon ng isang makatarungang lipunan, sana po wala nang matulad kay Tatay Mohammad at Mohammad Said,” aniya.
Humingi ng tawad si Senate majority leader Joel Villanueva kay Said at nangakong aaksyon ang Senado para tiyakin na ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ay gagawa ng pagtuwid sa mga mali sa justice system.
Sang-ayon naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na sinabihan si Padilla na: “continue to fight for the needs of our kababayan particularly our Muslim brothers in Mindanao.”