ANO ang dahilan ng pagtaas ng economic growth rate ng Pilipinas mula sa average na 4 porsiyento mula 1960 hanggang 2010 at umabot sa average na 6.5 porsiyento mula 2010 hanggang 2019? Anong reporma ang malaki ang nai-ambag sa biglang paglago ng ekonomiya ng bansa?
Ang fiscal reform ang isa sa pinakamalakas na dahilan ng pagtungo ng Pilipinas sa mas mabilis na paglago ng ekonomiya. Ang fiscal reform ay sinimulan noong 1985 pagkatapos nating madama ang pinakamalalim na recession pagtapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, itinuloy pagkatapos ng EDSA revolution, at yumabong hanggang 2022 kung kailan ipinatupad ang comprehensive tax reform program (CTRP).
Dahil sa pagtumba ng tatlong government financial institutions noong 1984-1985, ipinatupad ang government corporate reform at privatization at pinalakas ang pag-monitor sa finances ng 13 major nonfinancial government corporations (GOCCs). Itinatag ang Government Corporate Monitoring at Coordinating Committee (GCMCC) na mag-monitor sa mga finances ng 13 GOCCs na gumagamit ng 70 porsiyento sa investible savings ng pamahalaan para sa kanilang operasyon at para sa infrastructure projects gaya ng power plants, ports atbp. Kasama sa 13 GOOCs ang mga korporasyon gaya ng National Power Corporation (NPC), National Electrification Administration (NEA), National Food Authority (NFA), Philippine Ports Authority (PPA), at Local Water Utilities Administration (LWUA). Nagpatupad ang GCMCC ng reporma gaya ng pagtatatag ng corporate planning at performance evaluation. Para gamitin nang mas efficient ang kanilang kapital, nagtalaga ang pamahalaan ng interest para sa mga pautang nito sa mga GOCCs at nag-require ng pagdeklara ng 50 porsiyento ng kanilang linis na kita para sa National Government (NG).
Noong 2011, itinatag ang Government Commission on Government-Owned and Controlled Corporations (GCG) para maging permanenteng opisina ang magsasagawa ng performance evaluation at iba pang reporma at di lamang isang temporaryong committee. Binigyan ito ng regulatory powers sa mga GOCCs para ipatupad ang ownership rights ng pamahalaan at maimplement ang transparency at accountability sa operasyon ng mga korporasyong ito.
Ang tax reform naman ay nagsimula pagkatapos ng EDSA revolution noong 1986. Dahil ang pamahalaan ay may revolutionary powers, nag-isyu si Pangulong Corazon Aquino ng Executive Orders na may bisa ng batas ng bagong tax laws. Sa unang pagkakataon sa Asean, isinabatas ang Value-Added Tax (VAT) na may uniform rate na 10% sa pamamagitan ng Executive Order No. 273 s. of 1987 na nagpalit sa napakakumplikadong percentage taxes na may iba’t ibang rates, at napaka-distortionary. Dahil sa specialization ng ekonomiya, masyadong mataas ang binabayarang percentage tax ng mga gumagawa ng maliliit na piraso ng makinarya o maliliit na sangkap ng produkto. Dahil sa VAT, maaari nang makapag-compete ang gumagawa ng mga specialized na sangkap ng mga produkto at di na kailangan ng higanteng pagawaan na gagawa sa lahat ng mga sangkap ng isang produkto.
Isinabatas din ang pagpalawak ng tax base, pag-enhance ng equity at pagpabilis ng administrative efficiency sa pamamagitan ng pagpasa ng bagong income taxes (EO No. 37, s. of 1986) at pag-withdraw sa lahat ng tax exemptions at pagtatag ng Fiscal Incentives Review Board (FIRB) para pag-aralan at ibalik ang anumang fiscal incentive na kailangan ng ekonomiya (EO No. 93 s. of 1986).
Noong 2003, pinalawak ang VAT para isali ang services (RA 9010 dated 2003), mga produktong petrolyo at itinaas ang antas sa 12 porsiyento (RA 9337, 2005-2006), ang pagreporma sa sin taxes para ma-finance the universal health care program (unang ginawa noong 2012 at pinalawak noong 2019) ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN), at ang reporma ng corporate income tax at fiscal incentives rationalization na tinatawag na CREATE (2022).
Dahil sa government corporate reforms at privatization, Nawala ang malalaking deposit at pangungutang ng mga GOCCs na umabot sa 6.7 porsiyento ng nominal GDP ng sampung taon mula 1976 hanggang 1985.
Dahil sa fiscal reforms, umakyat ang revenue effort mula 10.7 porsiyento in 1980 sa pinakamataas nitong antas na 17.6 porsieynto noong 1997 na bumaba nang bahagya sa 16.1 porsiyento noong 2022. Dahil sa tax reforms, lumukso ang tax effort mula 9.7 porsiyento noong 1980 sa 17 porsiyento noong 1997 (na na-adjust sa 15.4 porsiyento pagkatapos maglabas ng bagong 2010 GDP series ang NEDA) at nag-normalize sa 14.6 porsiyento noong 2022.
Dahil sa mas efficient na revenue mobilization, debt management ng National Government (NG), at mas mabuting pagmaneho sa mga operasyon ng mga GOCC, umigsi ang debt ratio mula sa 74.5 porsiyento noong 2004 sa pinakamababang antas nito na 39.6 porsiyento ng GDP noong 2019 bago umakyat ul isa 60.9 porsiyento noong 2022. Lumagapak din ang mas komprehensibong general government (GG) debt mula 121.7 porsiyento noong 1986 sa 34.1 porsiyento noong 2019 bago umakyat uli sa 55.6 porsiyento noong 2022.
Mabuti na lang at nagawa natin ang mga repormang ito bago nagka-Covid-19 crisis simula sa 2020 dahil kinailangan natin ng pondo para bakahin ang pandemya at suportahan ang mga manggagawang nawalan ng hanapbuhay noong kasagsagan ng Covid-19. Umutang tayo ng mahigit sa P3 trilyon at kumuha tayo ng P160 bilyon na dibidendo mula sa GOCCs para ma-finance ang anti-Covid-19 programs na ito.
Dahil sa fiscal reforms, naitaas ng NG ang ating expenditure outlay mula 12.6 porsiyento ng GDP noong 1985 sa halos dobleng antas na 24.1% noong kasagsagan ng COVID19. Ang pinakamagandang bahagi ng outlay ay ang infrastructure program na rumatsada mula 1 porsiyento ng GDP noong 1991 sa 6 porsiyento noong 2022. Yumabong din ang badyet ng edukasyon mula 2.7 porsiyento ng GDP noong 1995 sa 3.6 porsiyento, at badyet ng kalusugan mula 0.9 porsiyento noong 2000 sa 5 porsiyento noong 2022.
Dahil sa napakataas na efficiency ng alokasyon sa infrastructure na umaabot sa 47.6% economic rate of return base sa computation ng DoF noong 2021, umakyat ang ating economic growth rate sa 6.5 porsiyento sa sampung taon bago ang pandemya. Inaasahang magtutuloy-tuloy ito sa mga susunod na taon.