32.2 C
Manila
Sabado, Oktubre 12, 2024

Mga hadlang sa pagpasok ng mga dayuhang pridabong pamantasan

BUHAY EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

ISANG mainit na isyu sa kasalukuyan ang panukala sa Kongreso na bigyan ng 100 porsiyentong pagmamay-ari ang mga dayuhan sa mga pridadong kolehiyo at pamantasan sa ating bansa. Ang argumento ng mga nagsusulong nito ay upang mapataas ang kalidad ng edukasyon sa pagtuturo at pananaliksik sa pamamagitan ng internasyonalisayon ng lalong mataas na edukasyon sa ating bansa. Sa harap ng mababang kalidad ng edukasyon sa ating bansa ang pagpasok ng mga mahuhusay na pribadong pamantasan ay inaasahang magiging daan tungo sa paghubog ng mga produktibong yamang tao, paglikha ng mga inobasyon at makabagong teknolohiya.

Binabanggit ng mga tagapagsulong ng panukalang ito ang karanasan ng mga bansa sa Asean lalo na ang Singapore at Malaysia upang ipakita ng mga benepisyong matatamasa sa liberalisasyon ng higher education. Sa Malaysia, halimbawa, mayroon silang 10 sangay ng mga mahuhusay na pamantasan mula sa Australia, United Kingdom, Ireland at China na kasama sa pinakamatataas na 100 pamantasan sa QS World University Ranking. Kinikilala ang mga pamantasang ito sa husay sa pagtuturo at sa pananaliksik. Kasama sa listahan ang University of Nottingham na mula sa United Kingdom at mula sa Australia ay ang Curtin University at Monash University. Ang mga ganitong pamantasan ang gustong papasukin sa ating bansa at bigyan ng karapatang magmay-ari ng 100 porsiyento ng mga pribadong unibersidad dahil tunay silang makapag-aambag sa pagpapaunlad sa ating higher education at sa kalaunan sa ating ekonomiya.

Ang tanong ko sa mga nagpapanukala ng internasyonalisasyon ng ating higher education ay kung papasok ba sa Pilipinas ang mahuhusay na dayuhang pamantasan sa pagpapatupad ng liberalisasyon ng higher education? Upang masagot natin ang tanong na ito suriin natin ang mga kundisyong hinahanap ng mga dayuhang pamantasan sa pagtatayo ng mga sangay sa ibang bansa. Sa aking palagay may tatlong mahahalagang kundisyon ang tinitimbang ng mga dayuhang pamantasan bago pumasok sa mga dayuhang bansa: kompetisyon, presyo ng edukasyon at kita ng mga mamamayan.

Sa larangan ng kompetisyon, madali silang nakapasok sa Malaysia dahil makitid lamang ang pribadong sector sa higher education sa Malaysia. Sa maraming dekada, ang lumalaking populasyon ng bansa ay nagkaroon ng labis na demand sa higher education na hindi natugunan ng mga pampublikong pamantasan. Kaya’t sa halip na magtatag ng mga pribadong pamantasan maraming Malaysian ay binigyan ng scholarship ng pamahalaan upang mag-aral mga pamantasan sa Estados Unidos, UK at Australia. Natigil ang programang ito nang bumagsak ang ekonomiya ng Malaysia bunga ng Asian financial crisis noong 1990’s. Ngunit wala pa ring nagbalak na magtayo ng mga pribadong pamantasan matapos ang krisis hanggang pinayagan ng pamahalaan ang pagpasok ng mga sangay ng mga dayuhang pribadong pamantasan. Noong una, mga maliliit na dayuhang kolehiyo ang nagsipasok. Ngayon, mga kinikilalang pamantasan sa UK, Australia, Ireland at China ang nagtatag ng mga sangay dahil halos walang  kompetisyon.

Samantala, ang pribadong sector sa Pilipinas ay malawak at malakas. Kung mahuhusay sa pananaliksik at pagtuturo ang mga dayuhang pamantasan, matatapatan sila ng mga mahuhusay at mataas na kalidad na pamantasang Filipino. Sa larangan ng medisina, mahirap na kakompenstya ang University of Santo Tomas, Far Eastern University, University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center Inc (UERM) at Cebu Doctors University. Sa dentistry, naririyan ang Centro Escolar University, University of the East at Our Lady of Fatima University. Sa computer science, mahigpit silang lalabanan ng Dela Salle University (DLSU), Ateneo University, Asia Pacific College at marami pang iba. Sa engineering ang mga programa sa DLSU at Mapua University ay kinikilala sa ibang bansa. Samakatuwid, sa kundisyong ito, mahihirapang magtatatag ng mga sangay ang mga dayuhang pamantasan dahil haharap sila sa mahigpit na kompetisyon.


Sa larangan ng presyo ng edukasyon, ang tuition na sinisingil ng University of Nottingham sa Malaysia ay halos $ 7,780 bawat taon. Ang halagang ito ay halos katumbas ng 66.22 porsiyento ng tuition na sinisingil ng University of Nottingham sa United Kingdom. Marahil ang malaking diskwento ay bunga ng mas mababang pasweldo sa Kuala Lumpur kaysa London. Samantala, sa Pilipinas ang pinakamataas na average tuition fee sa mga pribadong pamantasan ay umaabot lamang ng $ 2,711.98 bawat taon. Ipagpalagay na nating ang pinakamataas na tuition fee sa Pilipinas ay $ 3,000 bawat taon; ito ay 25 porsiyento lamang ng sinisingil ng Nottingham sa UK at 38.6 porsiyento sa tuition na  sinisingil nila sa Malaysia. Malaki ang ikalulugi nila sa pagpasok sa ating bansa. Mahirap makipagkompensiya sa mga pribadong pamantasan sa bansa dahil sobrang baba ng ating tuition fee kung ihahambing sa kanila. Kung maniningil sila ng tuition na $ 7,780, mahihirapan silang  makakuha ng mga sapat na bilang na estudyante upang kumita sa pagtatatag ng sangay sa ating bansa.

Ang kita bawat tao ang gagamitin nating sukatan ng kakayahan ng mga pamilyang makapagbayad ng tuition. Ang kita bawat tao sa Malaysia ay umabot sa $ 12,000 noong 2020. Sa kitang ito maraming ordinaryong Malaysian ang kayang bayaran ang $ 7,780 tuition na sinisingil ng mga dayuhang pamantasan. Samantala, sa Pilipinas, ang kita bawat tao ay umabot lamang sa $ 3,224 noong 2020. Ang halagang ito ay wala pa sa kalahati sa sinisingil na tuition ng mga dayuhang pamantasan. Marahil may ilang mayayamang Pilipino ang kayang bayaran ang tuition na ito. Kahit pa 200 estudyante ang maenganyong mag-aral sa mga dayuhang pamantasan, ang bilang ay hindi sapat upang mabayaran ang gastos sa pagpapatakbo ng isang de kalidad na pamantasan.

Batay sa tatlong kondisyon, hindi papasok ang mga dayuhang pamantasan sa ating bansa tulad ng University of Notthingham. Lalong hindi papasok sa ating bansa ang mga pamantasan tulad ng Harvard, Yale, at Stanford na may mas matataas na gastos na umaabot sa mahigit sa $ 80,000 bawat taon. Kung hindi sila ang papasok sino ang papasok? Sa aking palagay ang mga maliliit na kolehiyo na pagpapatakbo ng mga programa sa liberal arts at kumikita kahit 200 lamang ang kanilang estudyante. Ito ba ng gustong mangyari ng mga nagpapanukala na buksan ang Pilipinas sa mga dayuhang diploma mill? Kung ganitong klaseng pamantasan ang papasok sa ating bansa papaano maisusulong ang paghubog ng mga produktibong yamang tao, paglikha ng mga inobasyon at makabagong teknolohiya?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -