27.5 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Kung masunod ang Amerika, ‘uulan ng missile’

LANGIT AT LUPA

- Advertisement -
- Advertisement -

“TALAGA bang gusto mong pumasok sa labanang ikaw ang larangan ng digmaan?”

Iyon ang mabigat na tanong sa Pilipinas ni Punong Ministro Lee Hsien Loong, pinuno ng Singapore. Mangyari, tinanong siya kamakailan tungkol sa pagpasok sa bansa natin ng malalaking puwersa ng Estados Unidos upang kontrahin ang China sa Asya, lalo ng sa banta nitong sakupin ang Taiwan kung magtangkang magsarili bilang bansa itong islang malapit sa Batanes.

Sa katunayan, nang payagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. gamitin ng US ang siyam na base ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), para lamang ito sa depensa ng Pilipinas, hindi Taiwan, dahil nga ayaw nating masangkot kung magkagiyera sa Taiwan ang US at China.

Sabi pa ni Marcos nang dumalaw siya sa Amerika noong nagdaang Mayo na “niliwanag din namin sa aming panig na hindi iyon (labanan sa Taiwan) ang layunin nitong mga base at hindi sa gayong paraan gagamitan sila.”

Ang problema binalewala si Marcos ng US. Hindi nito tinanggap ang panukala niyang para lamang sa depensa ng ating bansa ang mga kampong EDCA. Wala ito sa pahayag nila ni Pangulong Joseph Biden o sa patakaran ng alyansiya natin ng Amerika na inilabas ng Kagawaran ng Depensa ng US.


Sa totoo lang, sa mula’t-mula pa, balak na ng Amerikang gamitin ang mga base natin kung magkagiyera sa Taiwan. Noon pa ngang Mayo 2022, sa kunwaring digma o war games sa Taiwan ng Center for New American Security (CNAS), aatake ang mga eroplanong US mula sa Pilipinas at gaganti ang China laban sa atin.

Ito ang malaking panganib ng EDCA at siyang dahilang hindi ito dapat magpatuloy lampas ng Abril 27, ang petsang mapapaso ito kung hindi magkakaroon ng renewal o panibagong bisa sa pagitan ng mga pangulo ng Amerika at Pilipinas.

‘Pauulanan tayo ng missile’

Kung ituloy ni Marcos ang EDCA, mas malaking peligro ang baka mangyari sa atin, lalo na kung magkagiyera hindi lamang sa Taiwan, kundi pati sa pagitan ng China at Hapon at Hilaga at Timog Korea. Kasangkot ang US sa lahat ng labanang ito, at kung narito ang mga eroplano, barko, submarine at missile nila, damay tayo.

- Advertisement -

At kung payagan ni Marcos ang gusto ng Amerikano, magkakatotoo ang babala ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa panayam niya kay Pastor Apollo Quiboloy noong Marso ng nagdaang taon. Sinabi niyang dahil sa EDCA, magiging platapormang pandigma ng US sa Asya ang ating bansa, at “pauulanan tayo ng missile” kung magkagiyera ang China at Amerika.

Hindi lamang sa siyam na baseng AFP — dalawa sa Cagayan at Palawan, tig-isa sa Isabela, Nueva Ecija at Pampanga at malapit sa Lungsod Cebu at Cagayan de Oro — kundi sa iba pang lugar, sakaling masunod ang estratehiya ng US, tinaguriang Agile Combat Employment (ACE).

Isang buwan matapos pumayag si Marcos sa siyam na baseng EDCAng ipagagamit sa Amerika, nagpahayag si Heneral Kenneth Wilsbach ng US Air Force tungkol sa ACE. Sa ilalim nito, aniya, “ikakalat ang mga jet sa maraming maraming isla [upang] maging mas mahirap ang pagpuntirya ng kalaban — gagamit sila ng mas maraming pasabog” (https://tinyurl.com/yr72hr6x).

Uulan nga ang missile sa atin kung sa pagpapatuloy ng EDCA at pagsulong ng estratehiyang ACE, maglipana sa Pilipinas ang mga paliparan at daungang ipagagamit sa Amerika.

Pero may mas malaking panganib pa kung masusunod ang gusto ng Indo-Pacific Command ng Amerika sa Hawaii na maglatag ng maraming raket sa Pilipinas upang atakihin ang mga puwersa ng China sa lupa at dagat.

Nang bagong maging pangulo ng US si Biden noong 2020, naglathala ng liham sa kanya ang Center for Strategic and International Studies (CSIS), isa pang kilalang institusyon ng pananaliksik sa Amerika gaya ng CNAS.

- Advertisement -

Inihayag ng CSIS kay Pangulong Biden na dapat ipagpatuloy ang Visiting Forces Agreement na balak buwagin ni Pangulong Duterte noon, at ipatupad ang EDCA upang maisagawa ang estratehiya ng Indo-Pacific Command: maglagay ng mga missile laban sa China upang mabawasan ang lamang nila sa mga karatig-dagat.

“Mahusay na estratehiya ito,” wika ng CSIS. “Subalit ang Pilipinas lamang ang bansa sa Timog-Silangang Asya na maaaring mapaglagyan ng mga raket. Kaya sa planong ito, kailangang maisalba ang VFA at maipatupad ang EDCA” (https://www.csis.org/analysis/us-alliance-philippines).

Ito rin ang hangarin ng US Air Force sa pag-aaral na ipinagawa nito sa RAND Corporation, isa pang institusyon ng pananaliksik, noong 2020. Pinasuri sa RAND kung alin sa mga kaalyadong bansa ng US sa Asya ang tatanggap ng mga raket na makaaatake sa buong China at mga karagatang karatig nito.

Walang papayag, sabi ng RAND, kahit sa Hapon, Timog Korea at Awstralya. Hindi rin ang Pilipinas sa ilalim ni Duterte (https://www.rand.org/pubs/research_reports/RRA393-3.html). Subalit si Marcos ang presidente ngayon, at pinayagan niya ang EDCAng pinigil ni Duterte.

Kung pahabain pa ang EDCA, dagdagan ang mga base ayon sa estratehiyang ACE, at magpalaganap ng mga raket ng Amerikano, nanganganib tayong mga Pilipino.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -