ISANG classroom teacher na kalaunan ay naging DepEd secretary. Ganu’n ang kadalasang paglalarawan nila kay Dr. Fe Hidalgo, dating kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Pero bago pa ito, siya ay nanungkulan na rin sa DepEd bilang undersecretary sa pamumuno ng iba pang pangulo. She rose from the ranks, sabi nga. Kahit ang kababayan niya mula sa Batanes na si Butch Abad, dating Secretary din ng DepEd, ay nagsabing maraming guro ang mai-inspire ni Dr. Hidalgo sa kanyang naging buhay. Siya ang patotoo na kahit ang isang classroom teacher ay puwede ring maabot ang pinakamataas na posisyon sa larang ng edukasyon sa bansa.
Siya rin yata ang ating naging DepEd secretary na laging may baong aklat pambata sa mga pagkakataong naanyayahan siyang bumisita sa mga eskuwelahan. Kahit hindi ako bahagi ng Department of Education, tinatangkilik niya ang aking mga aklat pambata. Naniniwala siya na ang pagbabasa ang susi sa tagumpay ng isang tao.
“Alam mo, Luis, lagi akong bumibili ng maraming kopya ng aklat mong Sandosenang Sapatos,” bungad sa akin minsan ni Dr. Fe Hidalgo. “Paano kasi, kapag ikinuwento ko ito kapag bumibisita ako sa mga public schools, nagugustuhan ito ng mga guro kung kaya’t iniiwan ko na ang kopya.”
Nakakataba ng puso ang gayong kainit na pagbati ni Dr Hidalgo. Sa tuwing magkikita kami sa iba’t ibang pagtitipon, ito ang kaniyang bukambibig sa akin. Hindi niya nalilimutang banggitin ang aking mga aklat pambata. “May bago ka bang lumabas na children’s book?”
Natatandaan ko pa na sinabi ko sa kanya na sa susunod na bibili siya ng maraming kopya, ipaalam niya ito sa akin upang matawagan ang aking publisher at mabigyan siya ng magandang discount, bagay na ikinatuwa ni Doc Fe. Natatandaan ko na nakasabay ko siyang tumanggap ng ‘Reading Advocacy Award’ mula sa Reading Association of the Philippines (RAP) maraming taon na ang nakalilipas.
Noong 2019, bago ang pandemyang Covid-19, nagkaroon kami ng pagkakataong muling magkasama ni Doc Fe sa isang pagbibiyahe sa abroad. South Korea ang aming destinasyon. Naanyayahan ang mga librarians, authors, at ilang literacy experts na kasapi ng Friendship Library Association of the Philippines (FLAPI) at ng Be My Friend Foundation-Philippines (BMFF) na pinangungunahan naman ni Mrs. Fe Abelardo, isang retired librarian mula sa National Library of the Philippines (NLP), na bisitahin ang ilang libraries sa South Korea at tingnan ang kanilang mga reading-related initiatives.
Kabilang kami ni Dr. Hidalgo sa mga naanyayahan nilang makasama sa Korean trip na ‘yun. Binisita namin ang iba’t ibang libraries ng South Korea kung saan labis kaming namangha dahil kahit ang mga public libraries ay napakaganda at para bang state-of-the-art ang mga disenyo. Isa sa napuntahan namin ay ang Osan City na idineklarang ‘learning city for the disabled’ dahil sa literacy programs na ipinatutupad ng kanilang Ministry of Education (kabahagi ng Unesco Institute for Lifelong Learning)
Natuwa si Doc Fe sa mga napuntahan naming libraries sa Korea. Malaki man ang siyudad o maliit, tiyak na may magandang silid-aklatan. Mula sa lungsod ng Seoul hanggang sa Jeonju, Iksan, at Osan City, hindi kami nabigo sa mga pinasok naming libraries. Kay gaganda. At sadyang nakakaengganyong magbasa! Sabi niya, sana’y ganoon din daw kagaganda ang ating mga silid-aklatan sa bansa para mahikayat magpunta sa library ang mga bata’t kabataan. Naaliw din siya sa mga pinag-isipang reading programs at reading-related initiatives ng mga Koreano. May mga reading corners pa sila para sa mga toddlers. Kay rami rin nilang graphic novels at manga comics para naman sa mga teenagers.
“Gawin din natin ‘yan sa ating mga kababayan,” sabi niya. Siyempre, una sa kanyang naisip ay ang pagkakaroon ng mga reading centers o reading nooks sa kanyang lalawigan ng Batanes. Dito ipinanganak at nag-aral si Doc Fe ng kanyang basic education. Nakabukod ang isla ng Batanes sa main island ng Luzon kaya gusto niyang mapuno ng mga local na aklat-pambata ang kanyang lalawigan (mula Basco hanggang mga isla ng Sabtang, Batan, at Itbayat).
Doon ko higit na nakilala si Dr Fe Hidalgo, na mas kilala sa tawag na “Ma’am Fe” o “Doc Fe.” Nagtapos siya ng kanyang PhD sa isang prestihiyosong unibersidad sa Australia kung kaya’t Doc Fe kung tawagin siya ng marami. “Ako ‘yung doktor na hindi nanggagamot. Minsan, may nagpunta sa aming bahay sa Batanes nang malamang nandoon ako. Nagpapakonsulta ba naman at humihingi ng reseta,” natatawang kuwento sa akin ni Doc Fe.
Sa haba ng aming biyahe sa iba’t ibang lungsod ng Korea, wala kaming ginawa kundi magkuwentuhan. Marami rito ay mga salaysay noong nanunungkulan pa siya sa pamahalaan. Naalala kong tanungin siya tungkol sa isang pagkakataon na ang spotlight ay biglang tumutok sa kanya dahil sa isang isyu. Ito ay noong nabanggit niya sa harap ng mga reporters ang isang katotohanan na ‘kulang ang mga classrooms’ sa bansa. Siyempre pa ay hindi natuwa rito ang dating Pangulong Gloria Arroyo na waring na-upset sa ginawa niyang rebelasyon.
Paano niya hinarap ang ganitong pangyayari?
“Looking back, naisip ko na mabuti’t hindi ako napaiyak sa harap ni Pangulong Arroyo. Na kahit nagalit ang ating Pangulo, alam kong totoo naman ang sinabi ko, na talagang kulang ang mga classrooms sa ating bansa para sa malaki nating populasyon,” pagbabahagi niya. “Pero nang mga sumunod na pagkakataon na ini-interview ako ulit tungkol sa kakulangan ng mga classrooms, hindi na ako pumayag na magbigay ng komento. Naisip ko na dahil bahagi ako ng kabinete ng administrasyong Arroyo, ayoko nang palakihin pa ang isyung ito. Gagawin ko na lamang ang dapat kong gawin, sa abot ng aking makakaya, upang mapabuti ang kalagayan ng edukasyon at literacy sa bansa, pati na ang solusyon sa kakulangan ng mga silid-aralan.”
Binanggit ko sa kanya na dapat ay isulat niya ito sa isang memoir na sabi ko’y sulatin sana niya nang nagretiro na siya sa panunungkulan bilang DepEd secretary. Mayaman ang karanasan niya sa larang ng edukasyon at magandang matipon ang lahat ng kanyang karanasan at saloobin sa isang aklat.
“Binigyan mo pa ako ng assignment,” pabirong sabi niya.
“Opo. Ang DepEd secretary naman po ang bibigyan ko ng assignment!” natutuwang sagot ko sa kanya.
Pero naisip niyang maganda nga ang suhestiyon na gumawa siya ng memoir.
“Magandang love letter po sa mga teachers ng ating bayan ang gagawin n’yong aklat,” panghihikayat ko pa. At doon namin napag-usapan na baka nga dapat ay dalawang aklat ng memoir ang gagawin niya. Yung una ay maglalaman ng mga karanasan niya bilang isang karaniwang classroom teacher. Yung ikalawa ay ang mga karanasan niya bilang isang executive na naglingkod sa gobyerno bilang Undersecretary ng DepEd, at kalaunan ay ang pagiging Acting Secretary niya ng naturang kagawaran.
“Magiging bestseller po ito,” sabi ko sa kanya. “Sa dami po ng mga guro na tiyak na bibili ng aklat ng memoir n’yo…”
Nitong Marso 19, binawian na ng buhay si Doc Fe dahil sa karamdaman bunga ng thyroid cancer sa edad na 87. Hindi ko na nalaman kung nagawa nga ba niya ang assignment na sumulat ng aklat ng memoir.
Napaka-humble ni Dr. Fe Hidalgo kahit na noong nanunungkulan pa siya bilang Secretary ng Department of Education. “Kapag uuwi sa amin sa Batanes si Ate Fe, hindi niya ito ipaaalam agad sa lokal na dibisyon ng DepEd sa Batanes. Ayaw niya kasing may magarbo pang pagsalubong sa airport sa kanyang pag-uwi,” kuwento sa akin ni Juliet Cataluna, ang isang kaanak ni Doc Fe na saksi sa kasimplihan ni Dr. Hidalgo. “Ipaaalam na lang niya sa mga taga-DepEd doon na nasa Batanes na siya kapag nakarating na siya.”
Sumasaludo ang maraming guro ng ating bayan sa ipinakitang halimbawa ni Dr. Fe Hidalgo. Siya ang isang public servant na totoong ipinamuhay ang kahulugan ng salitang ‘public servant.’
Paalam na, Doc Fe. Sana’y ang mga pinapangarap mong mga reading corners sa bansa ay itaguyod ng marami nating kababayan.