27.8 C
Manila
Biyernes, Setyembre 13, 2024

Fire truck para sa Pag-asa Island sa Kalayaan, dumating na

- Advertisement -
- Advertisement -

DUMATING na ang bagong fire truck na itatalaga sa itatayong fire station ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Pag-asa Island sa bayan ng Kalayaan.

Ayon kay Kalayaan fire prevention officer Mark Anthony G. Ibale, habang nasa lungsod pa ang fire truck ay iprinisenta ito sa lokal na pamahalaang bayan ng Kalayaan partikular kay Mayor Roberto Del Mundo.

Nakatakda namang ibyahe patungong Pag-asa Island ang fire truck sa susunod na linggo lulan ng Mamsar Barge na sinakyan din nito mula sa Maynila.

Makikita sa larawan ang mga kawani ng BFP na itatalaga sa Kalayaan Municipal Fire Station na sina (mula sa kaliwa: FO3 Louie Albert Tabangay, FO3 Barrister Carl Conde, Municipal Fire Prevention Officer SFO1 Mark Anthony Ibale, FO3 Mark Rotsene C. Rabajante at FO2 Edward De Guzman. (Larawan mula kay SFO1 Ibale)

Sinabi pa ni Ibale na maaaring sa susunod na buwan ay maisakay na rin ang mga materyales na gagamitin sa pagtatayo ng kanilang fire station. Habang wala pa ito ay pansamantalang ipinahiram ni Vice Mayor Billy Alindogan ang kanilang gusali upang maging fire station.

“Ang pagkakaroon po natin ng bagong fire truck sa munisipyo ng Kalayaan ay napakalaking tulong, higit-lahat sa mga mamamayan ng Kalayaan ganundin para sa pagpapatupad ng kaligtasan ng bawat isang mga nakatira doon,” pahayag ni Ibale.

Napakahalaga din aniya ng fire truck dahil mayroon ng airport o airstrip sa Pag-asa Island.

“Malaking tulong ito para sa mga eroplanong lalapag at lilipad dahil kinakailangan talaga na bawat lipad at landing ng eroplano ay mayroong nakaantabay na fire truck in case of emergency,” dagdag ni Ibale.

Maliban kay Ibale ay mayroon pang apat na kawani ng BFP ang makakasamang maitatalaga sa Pag-asa Island. Ang mga ito ay sina FO3 Mark Rotsene Rabajante, FO3 Barrister Carl Conde, FO3 Louie Albert Tabangay at FO2 Edward De Guzman. (OCJ/PIA MIMAROPA – Palawan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -