26.5 C
Manila
Miyerkules, Setyembre 18, 2024

Regular na pagpapakuha ng BP, ipinapayo ng health expert

- Advertisement -
- Advertisement -

PINAYUHAN ng isang health expert ang publiko na magkusang magpakuha ng blood pressure (BP) sa mga rural health unit o sa ospital mismo.

Tinalakay ni Dr. Ted Angala ang iba’t ibang komplikasyon ng high blood sa Usapang PIA nitong Huwebes, May 9, 2024.

Ayon kay Dr. Ted Angala ng Baguio General Hospital and Medical Center, mainam na regular na magpakuha ng BP para malaman kung may high blood at mabigyan ng kaukulang gamot.

“Kung mataas ang BP, mapapagod ang puso kaya kadalasan ang mga may high blood, sila ang inaatake sa puso,” si Angala.

Sinabi rin nito na dapat alam ng mga tao kung ano ang mga risk factor ng high blood dahil madalas, wala itong sintomas maliban na lamang kapag may komplikasyon.

“Kung naninigarilyo sila, umiinom ng alak, hindi maganda ang kanilang lifestyle, maaari silang magpakonsulta dahil hindi mo alam kung may high blood ka kapag hindi ka nagpakonsulta,” aniya.

Inihayag ni Angala na bawat taon ay tumataas ang bilang ng mga nagkakaroon ng high blood.

Aniya, sa sampung katao, lima ang may high blood, tatlo ang may pre-high blood at dalawa ang less likely high blood.

Kapag nagkaroon ng komplikasyon, maaaring magresulta ito ng sakit sa puso, kidney failure, o stroke.

Dahil dito ay pinayuhan ni Angala ang publiko na panatilihin ang magandang lifestyle at umiwas sa paninigarilyo at pag-inom ng alak. Mainam din aniya na panatilihin ang magandang diyeta at iwasan ang mga matataba at maaalat na pagkain.

Ipinayo rin nito ang pagi-ehersisyo o brisk walking nang 15-20 minutos sa tatlo hanggang limang araw.

Ang normal na blood pressure ay 90/60 hanggang 120/80 habang maituturing na pre-high blood ang presyon na 130/80 at high blood naman ang 140/90.

Ang buwan ng Mayo ay idineklarang Hypertension Awareness Month sa bisa ng Proclamation No. 1761, Series of 2009. Layunin nito na mapigilan at makontrol ang hypertension at ang cardiovascular complications nito. (DEG-PIA CAR)

Caption

Tinalakay ni Dr. Ted Angala ang iba’t ibang komplikasyon ng high blood sa Usapang PIA nitong Huwebes, May 9, 2024.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -