MY kababayan, our freedom is being tested.
Ngayong Araw ng Kalayaan, inuudyukan ko ang lahat na magsama-sama at matapang na tumindig para protektahan ang ating pambansang interes.
Patuloy ang panghihimasok ng China sa West Philippine Sea. Walang patid ang pangha-harrass laban sa ating mga mangingisda, Coast Guard at Navy. Tinataya nila ang kanilang kaligtasan at buhay sa tuwing naglalayag, kahit na panatag dapat silang naglalakbay sa karagatan natin.
Patuloy nating ipaglaban ang ating karapatan sa ating teritoryo at labanan ang lahat ng pagtatangkang agawin ito mula sa atin at lahat ng likas yaman na nandito.
Malaking banta rin sa ating pambansang seguridad ang presensya ng mga POGOs, na naging pugad pa ng pang-aabuso at krimen ng mga dayuhan. Dapat ma-ban na ang POGO sa Pilipinas.
Patuloy nating labanan ang mga pwersang nagnanais na hadlangan ang ating pag-unlad. Walang ibang titindig sa mga isyu na ito kundi tayong mga Pilipino.
Ngunit ang tunay na kalayaan ay hindi lamang ang kawalan ng mananakop. Napakaraming mga Pilipino ang hindi pa rin tuluyang makalaya mula sa kahirapan.
Kailangan natin ng pantay na pagkakataon para sa lahat, proteksyon para sa mga kababaihan at bata, pangmatagalang hanapbuhay para sa mga tumataguyod sa pamilya, at mas mababang presyo ng pangunahing pangangailangan.
Nawa ay samahan nyo akong patuloy na ipaglaban ang mga ito sa Senado. Bawat Pilipino ay may karapatang magtagumpay sa isang bansang iginagalang ang dignidad ng lahat.
Maligayang Araw ng Kalayaan sa ating lahat! Mabuhay ang Pilipinas!