NOONG nakaraang linggo ay tinalakay sa kolum na ito ang problema ng desempleo kasama ang pagsusuri ng mga sanhi at epekto nito sa paglaki ng isang ekonomiya. Isa pang problema na may malalang epekto sa paglaking ekonomiko ay ang inflation o pagtaas ng pangkalahatang presyo.
Ang pagtaas ng pangkalatahang presyo ay maituturing problema dahil nagiging mahal ang mga produkto, serbisyo at mga produktibong sangkap. Ayon sa Philippine Statistical Authority (PSA) ang inflation rate sa bansa ay tumaas sa antas na 3.9 % noong Mayo 2024 mula sa 3.8% na naitala noong Abril 2024. Noong Abril 2023 ang inflation rate ay naitala sa 6.1 porsiyento. Kahit bumababa na ang inflation rate nananatili itong isang problemang ekonomiko.
Sa pananaw ng kabuoang demand, kapag ang pangkalahang presyo ay tumataas, ang kakayahang makabili ng mga ekonomikong aktor ay lumiliit batay sa kanilang limitadong kita. Dahil dito, liliit ang guguling pagkonsumo, pangangapital, guguling pampamahalaan. Sa pagliit nito, liliit din ang kabuoang suplay sa mga susunod na panahon upang umangkop sa maliit ng pangkalahatang demand. Ito ay magpapabagal sa paglaki ng ekonomiya sa mga susunod na panahon.
Sa pananaw ng kabuoang suplay, ang mataas na inflation rate ay magpapataas din sa presyo ng mga produktibong sangkap. Sa larangan ng paggawa, ang mga manggagawa ay hihingi ng mataas na pasahod upang tumugon sa tumataas ng presyo ng mga bilihin. Pati na rin presyo ng capital ay tumataas din sa pagtaas ng interest rate bunga ng pagtaas ng demand salapi upang matustusan ang pagtaas ng presyo. Kasama rin sa pagtaas ang presyo ng mga produktibong sangkap ang presyo ng mga hilaw na sangkap. Ang ganitong sitwasyon ay mauuwi sa pagtaas gastos sa produksyon na magdudulot ng pagbaba ng antas ng produksyon na magpapababa sa kabuoang suplay at magpapabagal sa paglaki ng ekonomiya.
Maraming mga sanhi ang mabilis na pagtaas ng pangkalahatang presyo. Una, ang pagbabago sa pangkalahatang demand ay tumataas nang higit na mabilis sa pagbabago sa pangkalahatang suplay. Ito ay nangyayari dahil magkaiba ang mga salik na nagtatakda ng pagbabago sa kabuoang demand sa pagbabago sa kabuoang suplay. Ang pangkalahataadng demand ay mabilis na tumataas dahil sa mabilis na pagtaas ng kita na natatanggap ng mga pamahayan na hindi naman kasama sa kita mula sa produksiyon sa loob ng bansa. Halimbawa, ang pagtanggap ng padalang salapi ng mga pamahayan ay magpapataas sa kanilang kakayahang makabili na hindi naman galing sa nalikhang kita mula sa produksiyon ng mga produkto at serbisyo sa loob ng bansa. Samantala, ang kabuoang suplay ay mabagal nagbabago dahil may hihintaying panahon upang matugunan ang lumalaking demand. Hindi agarang mababago ang kabuoang suplay dahil mahirap kumuha ng mga produktibong sangkap lalo na kung ang ekonomiya ay nasa ganap ng empleo. Matatagal rin ang pagkuha ng mga inaangkat na hilaw na sangkap.
Kaugnay ng pagbabago ng kabuoang demand ay ang pagtaas ng suplay ng salapi na ipinatutupad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Ang magaan ng patakarang pananalapi ay naglalayong pasiglahin ang matamlay na lagay ng ekonomiya sa pamamagitan ng murang panghihiram ng salapi o mababang interest rate. Dahil mura ang presyo ng salapi, maraming mamimili at kompanya ang manghihiram upang mapataas ang kanilang pagkonsumo at pangangapital. Ito ay magpapataas sa kabuoang demand na magpapataas ng presyo ng mga bilihin.
Isa pang dahilan ng pagtaas ng inflation rate ay ang pagkasira ng supply chain o ang daloy ng supply ng mga sangkap sa produksiyon. Kapag ang isang lugar ay nakaranas ng matinding bagyo, lindok at iba pang sakuna ang mga pananim at produkto sa lugar na ito ay nasisira. Ang pagkasira ng maraming produkto at materyal ay magpapatid sa daloy ng suplay kaya’t ang kakayahang makapagprodyus ng mga sector sa ibang lugar ay bumababa rin. Dahil sa pagbaba ng kabuoang suplay magtataasan ang presyo ng mga produkto at serbisyo. Ito ang pangunahing dahilan ng mataas na inflation rate sa Estados Unidos dahil hindi pa muling naibabalik sa normal ang napatid na daloy ng suplay bunga ng pananalasa ng pandemya.
Dahil nag-iiba ang mga sanhi ng inflation, kinakailangang nag-iiba rin ang tugon ng pamahalaan upang sugpuin ang problemang ito. Ngunit, ang malimit na ginagamit sa pagsugpo ng mataas ng inflation rate ay ang mahigpit na patakarang pananalapi. Angkop ang patakarang ito kung ang sanhi ng pagtaas ng pangkalahatang demand ay bunga ng magaan na patakarang pananalapi na nagbibigay na karagdagang kakayahan sa mga mamimili at kompanya na taasan ang kanilang pagkonsumo at pangangapital. Ngunit kung ang sanhi ng mataas na inflation rate ay ang pagkasira ng daloy ng suplay o ang pagbaba ng kabuoang suplay ang mahigpit na patakarang pananalapi ay hindi angkop na tugon. Ganoon pa man ito ay ipinatutupad pa rin dahil nais ipakita ng pamahalaan sa mga mamamayan nito na mayroon silang ginagawa sa pagkontrol ng mataas na inflation rate kahit alam ng BSP na labas sa kakayahan nito na tugunan ang pagkasira ng daloy ng suplay at ang pagbaba ng kabuoang suplay.