27 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Ang awtor bilang isang ‘Living Book’

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

NAANYAYAHAN ako kamakailan ng De La Salle University Integrated School sa Binan, Laguna na maging panauhin sa idinaos nilang ‘Living Book Talk.’ Ito ay isang storytelling platform kung saan ang panauhin ay parang librong babasahin ng mga mag-aaral. Bawat tao ay may pambihirang kuwento, karanasan, at aral na maibabahagi sa mga mambabasa. Sa Living Book Talks, ang bawat panauhin ay inaasahang magbabahagi ng kanyang mga personal na karanasan at tagumpay – ito man ay may kinalaman sa relihiyon, paniniwala, pangarap, kasarian, lahi, kapansanan, political affiliation, o propesyon.

Ang emosyon na ‘disgust’ ang napili ng mga librarians sa DLSU Libraries na itampok sa Living Book Talk ni Luis Gatmaitan

Ito ang naging paliwanag sa akin ng library coordinator ng DLSU-IS na si Candy May Schijf, isang Pilipina na nakapangasawa ng Dutch national, nang linawin ko sa kanya kung ano ang inaasahan sa akin bilang ‘guest author’ sa Living Book talk nila. Paano ito naiba sa isang pangkaraniwang author visit na ginagawa ng kanilang inanyayahang author? Nasa Grades 4-6 ng naturang paaralan ang aking audience sa nasabing imbitasyon. Kung nasa elementary grades ang mga batang makikinig, anong mga isyu ang nais nilang talakayin ko? “It might delve into topics such as hygiene, etiquette, and self-respect. They are at puberty and must take care of their hygiene,” ayon pa kay Schijf.

Sa ibang bansa, lalo na sa dakong Europa, may isang programang kung tawagin ay ‘Human Library’ kung saan ang layon nila ay matanggal ang prejudice ng mga makikinig tungkol sa isang tao na inanyayahan nila na magbahagi ng kaniyang karanasan. Ang mga makikinig ay inaasahang hindi magiging judgmental sa ibabahagi ng panauhin na maaaring isa sa mga sumusunod: isang HIV positive individual, isang taong may kapansanan, isang taong may mental health condition (gaya ng depression at anxiety),  isang refugee, isang taong nagbakwit (dahil sa giyera), isang taong nagumon sa alak (o droga), isang commercial sex worker, isang miyembro ng LGBT community, at iba pa. Kumbaga, sila ang mismong aklat na babasahin ng mga makikinig. Sila ang mga mistulang aklat na kukuhanin sa estante at sisimulang basahin. Sila ang ‘human library!’ Matapos ang naturang sesyon, umaasa silang mabubuksan ang mata ng nakikinig at maaalis ang ano mang bias o judgment na mayroon sila para sa isang ‘human library.’

Ang kolumnistang ito habang nagbabahagi ng kaniyang karanasan bilang awtor sa Grades 4-6 students ng DLSU Integrated School sa Laguna

Ang konsepto ng ‘Human Library’ ay nagsimula sa Copenhagen, Denmark at naging popular sa maraming bansa sa Europa gaya ng Germany, Austria, at The Netherlands. Madalas na ang audience nila ay mga adults.

Nagtatanong ang mga estudyante tungkol sa ilang puberty-related concerns sa kanilang ‘living book’

Pero dito sa Living Book Talks na isinusulong ng DLSU Libraries, mga estudyante ang karaniwang audience. Dahil hindi pa hinog sa gulang ang mga batang ito (nasa Grades 4-6), may mga isyu o usapin na hindi puwedeng talakayin para lamang matanggal ang prejudice sa napiling Living Book. Siyempre, kasama sa konsiderasyon ang ‘age-appropriateness’ sa mga bagay na dapat talakayin. Naisip rin nilang iugnay ang aking talk sa isang emosyon na karaniwang nararanasan ng mga estudyante nila. Sa sesyon na naanyayahan akong magsalita, ang emosyon na ‘disgust’ ang napili nilang bigyan ng pokus. Bigla tuloy pumasok sa isip ko ang imahe ng karakter na kulay berde sa pelikulang INSIDE OUT 2: si Disgust!

Kasama ng kolumnistang ito ang mga librarians at guro ng DLSU Integrated School: Veronica Bolos, Jorge Bundalian, Candy May Schijf, isang student na ardent reader, at Al Estrella (na isang Grade 5 teacher at children’s book illustrator)

“Ganoon po kami sa Living Book Talks, nais naming magbigay ng testimonial o sharing ang isang author na naanyayahan namin pero may emphasis sa isang partikular na emotion. Sa kaso n’yo po ay ang emosyong disgust ang nais naming itampok,” dagdag pa ni Schijf. “Pero dahil author kayo, nais din naming ipokus ninyo ang paliwanag sa isa o dalawang aklat na nasulat n’yo na sumusuri sa societal norms, personal boundaries, at ang kahalagahan ng discernment.”

Si Dr. Luis Gatmaitan ang tampok na awtor sa ‘Living Book Talk’ ng DLSU Libraries kamakailan

Tinanong ko si Veronica Bolos, librarian sa DLSU Integrated School, kung ano ang profile ng audience. Sabi niya, ang DLSU-Integrated School Laguna campus ay coed school. Ibig sabihin, hindi puro lalaki ang audience. Tapos, nasa age of puberty na ang mga batang ito. Isang panahon ito ng rapid growth development sa buhay ng mga kabataan kung saan patungo na ito sa direksiyon ng sexual maturation. Dito na nagsisimulang maging aktibo ng kanilang hormona: ang hormonang testosterone sa mga lalaki, at ang hormonang estrogen para sa mga babae. Dahil dito, magsisimula na ang maraming pagbabago sa katawan kagaya ng pagtubo ng mga buhok sa kilikili, sa dakong pubis, at sa binti. Nandiyan na rin ang pagdating ng unang dalaw (menarche) sa mga babae at ang isyu ng pagpapatuli sa mga lalaki.

Ang dalawang ‘chapter books’ ng kolumnistang ito na tumatalakay sa usapin ng puberty: Ang ‘Tuli o Di-Tuli’ para sa mga lalaki, at ang ‘Unang Dalaw’ para sa mga babae.

Naisip kong bigyan ng pokus ang dalawang chapter books (novelette) na nasulat ko para sa mga batang gaya nila na nasa Grades 4-6 at sadyang nasa puberty na nga: ang Tuli o Di-Tuli (tungkol sa praktis ng pagpapatuli sa bansa) na inilathala ng Hiyas ng OMF Literature at iginuhit ni Manix Abrera. Isa pang aklat ay ang Unang Dalaw (Hiyas-OMF Lit) na iginuhit ni Hulyen. Sakto sa edad nila ang dalawang aklat na ito.

Nang mismong araw na nandoon ako bilang kanilang Living Book at sinimulan kong talakayin ang mga body changes kaugnay sa puberty, nakita ko ang kanilang interes sa paksa. Binanggit ko rin na sa ganitong panahon ng kanilang buhay, mas aktibo na ang kanilang mga sweat glands kaya mas pawisin sila at nagiging amoy-maasim (hindi na amoy-baby!). Kasama ring nagiging aktibo ang kanilang mga sebaceous (oil) glands kung kaya’t prone sila sa pagkakaroon ng pimple/acne sa mukha at likod. Dito ko lalong itinampok ang kahalagahan ng hygiene o pagiging malinis sa katawan.

Nasaksihan ko ang kakaibang ekspresyon ng mga mukha nila (‘disgust’ ba ‘yun?) nang banggitin ko ang maraming mito o paniniwala kaugnay sa pagpapatuli: na magiging mutain ang anak ng tatay na di-tuli, na hindi tatangkad kasi’y di nagpatuli, at kung ano-ano pa. Sa mga babae naman, binanggit ko ang karaniwang paniniwala kaugnay sa buwanang dalaw: na masisiraan ng bait kapag naliligo kapag may mens, na hihinto ang mens kapag kumain ng maaasim, na kailangang lumundag ng tatlong steps sa hagdan sa unang beses na dumating ang mens, at ang pagpapahid sa pisngi ng underwear na isinuot noong unang dinatnan ng mens (‘yung nilabhan na) upang kuminis daw ang balat. Lahat ng mga paniniwala at kakaibang gawi  na nabanggit ay matatagpuan sa aking dalawang aklat.

Disgust ang emosyong nais maitampok ng giliw nating librarian sa DLSU. Sa tingin ko ay na-achieve naman namin ang purpose nito dahil maraming tanong ang sumunod nang buksan na ang open forum.  Ang isa pang librarian sa DLSU Laguna, si Jorge Bundalian, ay nagbahagi rin na ang kaisa-isang anak niyang lalaki ay nasa puberty na at malapit na ring magpatuli.

Binanggit ko sa audience, na humigit-kumulang sa 350 students, na ang pagdating ng puberty, at lahat ng pagbabagong mangyayari kaakibat nito, ay hindi nila dapat ituring na ‘disgusting.’ Embrace the changes, payo ko sa kanila. Kapag kumatok na ang puberty, pagbuksan at patuluyin nang maluwalhati ang pagdating ng mga body at mood changes – ang biglang pagtangkad, ang pagpiyok ng boses, ang pagtubo ng mga ‘funny hairs’ sa iba’t ibang bahagi ng katawan, ang pagdating ng unang dalaw, ang pamumukol ng suso (breast budding), ang pagdedesisyon kung magpapatuli o hindi, ang mood changes, at kung ano-ano pa.

Salamat sa DLSU Libraries sa pagkakataong ibinigay sa akin na maging LIVING BOOK sa kanilang mga estudyante.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -