25.8 C
Manila
Martes, Disyembre 3, 2024

Kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa sa Czech Republic, iginiit ni Robin

- Advertisement -
- Advertisement -

DAPAT proactive at may sapat na kakayahan ang mga opisyal ng Pilipinas sa Czech Republic upang tiyakin ang “equal pay” at iba pang benepisyo ng libo-libong Pilipinong manggagawa doon.

Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla sa courtesy meeting niya sa mga opisyal ng embahada ng Pilipinas sa Prague nitong Martes ng hapon (Martes ng gabi sa Pilipinas).

“Bilang paghahanda, nakikita natin ang pangangailangan na maging proactive ang ating gobyerno at siguraduhing handa ang ating Embahada na tutukan ang mga pangangailangan ng ating mga manggagawang Pilipino. Nararapat na siguraduhin na ang Embahada natin sa Czech Republic ay may sapat na mga empleyado upang mapangalagaan hindi lamang ang kapakanan ng ating mga kababayan pati na din ang ating bilateral relations sa Czech Republic,” ani Padilla.

Nangako siyang gagawin niya ang lahat na makakaya niya para makatulong sa paghahanda.

Sa kasalukuyan ay may 7,000 manggagawang Pilipino na maaaring makinabang sa “equal pay” sa Czech Republic.

Matapos ang state visit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa Czech Republic noong Marso, nagkaroon ng kasunduan na magpapahintulot sa pagpasok ng mahigit na 10,000 Pilipinong manggagawa sa Czech Republic kada taon.

“Mabuting balita po ito lalo na’t ang Czech Republic ang unang bansa sa Europa na nagbigay ng ‘equal wage’ para sa mga banyagang manggagawa nito,” ani Padilla.

Napagusapan din sa pagpupulong ni Padilla at mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas ang bumubuting relasyon ng Pilipinas at Czech Republic.

Kasama sa pagpupulong ni Padilla at opisyal ng embahada sina Ambassador Eduardo  Menez; Consul General Indhira Banares; at labor attache Atty. Llewelyn Perez.

Nasa Czech Republic si Padilla upang pag-aralan ang mga patakaran nito sa paggamit ng medical cannabis. Isinusulong ni Padilla na gawing legal ang medical cannabis sa Pilipinas bilang mura at epektibong alternatibo sa gamot para sa mga karamdaman.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -