NAGHAHANAP ka ba ng mura, de-kalidad na sapatos at bags? Magandang balita. Bukas na Balik-Eskwela Shoe Bazaar sa Lungsod ng Marikina.
Pinangunahan ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro ang pagpapasinaya ng naturang shoe bazaar kamakailan na matatagpuan sa Freedom Park ng lungsod.
Ayon sa pamahalaang lungsod, layon ng proyekto na gawing abot-kamay ang mura ngunit de-kalidad na Marikina-made genuine footwear and leathercraft products na akmang gamitin ng mga mag-aaral sa kanilang pagbabalik-eskwela.
Dumalo rin sa pagpapasinaya ang mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod ng Marikina sa pangunguna ni Vice Mayor Marion Andres; mga kinatawan mula sa Philippine Footwear Federation Inc. sa pangunguna ni Tony Andres Sr.; at mga kinatawan mula sa lokal na industriya ng sapatos. Naging espesyal na panauhin din si Cong. Eugene de Vera.
Ang shoe bazaar ay bukas araw-araw, mula 9:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi tuwing Lunes hanggang Huwebes, at mula 9:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi tuwing Biyernes, Sabado, Linggo, at pista opisyal (holidays).
Tatagal ang shoe bazaar hanggang Agosto 18, 2024. (JEG/PIA-NCR)