INANUNSYO na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Addres (SONA) ang pag-apruba sa rekomendasyon ng Department of Budget and Management (DBM) na taasan ang sahod ng mga empleyado ng gobyerno.
Ang salary increase ay bukod pa sa inanunsyong medical allowance na matatanggap rin ng mga kawani ng pamahalaan bilang karagdagang benepisyo simula sa susunod na taon.
“Mayroon ding napipintong umento sa sweldo na makukuha nila sa apat na tranche. Naglaan na po tayo ng pondo para dito simula sa taong ito at sa mga susunod na taon,” saad ni Pangulong BBM.
Ang bawat tranche ay naglalaman ng kaakibat na salary rates para sa bawat salary grade at step increment. Nakatakdang magpalabas ang Office of the President ng kaukulang Executive Order na naglalaman ng detalye patungkol sa naturang salary increase.
Nauna nang naglaan ang DBM, sa pangunguna ni Secretary Amenah “Mina” Pangandaman, ng ₱36 bilyong piso para sa Personnel Services expenditures sa ilalim ng FY 2024 General Appropriations Act (GAA) upang matiyak ang kahandaan ng pagpapatupad ng salary increase. Naglaan din ng ₱70 bilyong pondo ang DBM sa 2025 National Expenditure Program upang masigurong maipatupad ang 1st and 2nd tranches ng salary increase.
“Our civil servants are the backbone of our nation, and it’s our priority to provide them with a fair and motivating compensation system,” ayon kay Secretary Mina.
Ang umento sa sahod ng mga manggagawa ng pamahalaan ay inaasahang mararamdaman ng 165,007 sub-professionals; 1,170,647 professionals, tulad ng mga guro at abogado; at 22,640 na nasa executive functions.
Nauna na rito, nagsagawa ang DBM at Governance Commission for GOCCs ng isang pag-aaral para maging batayan para sa pagpapabuti ng pasuweldo at benepisyo ng mga kawani ng pamahalaan tungo sa pagkakaroon ng competitive, financially sustainable, at equitable compensation.
Ang pag-aaral na ito ay para malaman ang kakayahan ng gobyerno na makipagsabayan sa pribadong sektor sa pagbibigay ng nararapat na kompensasyon at benepisyo sa mga manggagawa. Gayundin para malaman ang estratehiya sa kompensasyon upang mapalapit ang sahod ng mga kawani ng gobyerno sa kasalukuyang market rates.