31.1 C
Manila
Linggo, Nobyembre 10, 2024

Ang papel ng ‘peace education’ sa buhay ng mga bata

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

Huli sa 2-bahagi

SA nagdaang National Children’s Book Day (NCBD) celebration sa Cultural Center of the Philippines, nahilingang magbahagi si Kristine Canon, isang guro at peace educator, ng kaniyang naging involvement sa pagtataguyod ng kapayapaan.

Si Kristine Canon ng ‘Teach Peace, Build Peace Movement’, tagapagsulong ng peace education sa bansa

Ang tema kasi ng NCBD ngayong taong ito ay nakaangkla sa ‘culture of peace’ – Payapa ang puso ng batang nagbabasa. Ang pagbabasa ng aklat ay sinasabing isang kanlungan, isang safe space, na puwedeng puntahan ng mga bata sa lahat ng panahon – may giyera man o wala.  Si Canon ay isa sa Founding Directors ng Creative Learning Paths School, isang progressive at inclusive school para sa peace education. Isa rin siya sa core formators ng ‘Teach Peace, Build Peace Movement’. Kabilang siya sa mga gumawa ng peace education training materials para sa mga public school teachers sa Bangsamoro region at Metro Manila.

Larawan mula sa OMF Literature-HIYAS

Narito ang ikalawang bahagi ng kaniyang keynote address:

“May tatlong kuwento akong nais ibahagi  patungkol sa mga ginagawa namin sa peace education missions. ‘Yung una ay tungkol sa isang guro na laging dumadalo sa aming mga community training. Hindi pa man natatapos ang kanilang training nang ibinahagi niya na nagkabarilan daw sa likod ng bahay nila. Pero hindi raw siya labis na nag-alala dahil sa mga bagay na natutuhan niya sa dinadaluhang peace education training. Ayon sa kanya, isa siyang peace hero!”


“Gayundin ang kuwento ng isang peace volunteer noong nagaganap ang Marawi siege. Nagkataon daw na suot nito ang aming ibinigay na T-shirt na ang nakasulat ay “I am a Peace Hero.” Noong dinadampot daw ng mga sundalo ang mga nagtatago (at isa siya doon), lakas-loob siyang tumayo at sumama sa mga sundalo kasama ng mga kapwa niyang nagtatago. Ipinakita niya sa mga sundalo ang suot niyang T-shirt at sinabing isa siyang peace volunteer, hindi terorista. Noong una, nagulat ako kasi’y parang wala lang sa kanila ang barilan at giyera, tapos nag-alala ako na ang tingin yata nila sa peace training namin at sa mga T-shirt na ibinibigay sa kanila ay parang anting-anting na magsasalba sa kanilang buhay!”

Pumapaya ang puso ng batang mahilig magbasa ng aklat (kasama ng kolumnistang ito ang isang avid reader ng kaniyang mga aklat).

“Iyong ikatlong kuwento ay tungkol sa isang bata na siguro’y mga 7 o 8 na taong gulang. Itago  natin siya sa pangalang Jamil.  Mahilig si Jamil na magdrowing ng iba’t ibang klase ng baril at mga eksena ng barilan ng mga sundalo. HIndi siya masyadong nagsasalita pero lagi siyang sumasali sa amin. Nalaman ko na ang pangarap niya ay maging miyembro ng violent extremist group na sikat na sikat sa kanila. Kasi’y astig daw ang tingin ng tao sa kanila. “

“Madalas ay nakaupo lang si Jamil kasama namin, nanonood, at kapag binigyan ng krayola at papel, magdodrowing na siya. Mahilig talaga siyang magdrowing lalo na ng barilan at patayan. Pati ang mga drowing niya ng mga kyut na minions (mula sa pelikulang ‘Despicable Me’) ay may mga hawak na baril, duguan at nagpapatayan. Ngunit habang lumilipas ang mga araw at panay ang pagdalo ng batang ito sa peace education program namin, nag-iiba na ang drowing niya. Unti-unting nawawala na ang mga baril. At nang pauwi na kami, kasama ng isang mahigpit na yakap ng pasasalamat, binigyan niya kami ng drowing ng pamilya niya – at ng tahanan nila na may araw at ulap sa taas, at may mga puno, halaman, at bulaklak sa baba at paligid nito.”

Ang PBBY board members kasama ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio S. Almario. Ang Philippine Board on Books for Young People (PBBY) ang lead agency sa pagdiriwang ng National Children’s Book Day sa bansa.

“Nakita ko sa kanila na ang kapayapaan ay hindi nakasalalay lamang sa panahon na walang giyera o armed conflict.  Hindi naman mapipigilan ng kahit anong training sa peace education ang giyerang nagaganap. Ang kapayapaan ay nakabatay sa pagnanais nilang magkaroon ng payapang buhay kahit na patuloy ang karahasan sa lugar nila. Ang payapang puso pala ay ang puso na may tinatanaw na pag-asa. Ang kapayapaan ay maitatanim sa puso ng bata kung pagmamahal (at hindi karahasan) ang bumabalot sa buhay niya.”

- Advertisement -

“Masuwerte tayo at ligtas at malaya tayo rito. ‘Yan ang pakiramdam ko sa tuwing uuwi ako sa Maynila matapos ang isang peace mission.  Ngunit mali pala ako. Akala ko kasi dati, ang peace education ay para lamang sa mga mag-aaral na hindi nabibigyan ng karampatang edukasyon dahil sa kanilang kahinaan o sa mga lugar na may armed conflict. Pero, ang kapayapaan ay hindi lamang ang kawalan ng giyera. Peace is not simply the absence of war.”

“Bilang isang guro, araw-araw kong nasasaksihan ang karahasan o violence at ang kawalan ng hustisya sa loob mismo ng ating mga paaralan. May mga guro tayo na namamahiya para katakutan siya at sundin ng mga bata. May mga estudyanteng bully na nananakit o nang-aagaw ng baon mula sa kapwa bata. May nagaganap minsan na pang-aalipusta o pang-iinsulto (pero biro lamang daw) sa loob ng eskuwelahan. Nandiyan din ang mga hindi intensyonal ngunit nakakapinsalang pananalita tulad nang “kababae mong tao, galawgaw ka! kalalake mong bata, iyakin ka!” Nasabihan na ba kayo nang ganu’n? O baka tulad ko, nasabi o naiisip niyo rin ‘yun? Matagal din bago ko nakitang marahas din pala ang mga salitang gayon (na akala natin ay normal lang dati).”

“Kinagisnan at kinalakihan na natin ang kulturang marahas. Sabi’y bahagi raw ito ng buhay-bata. Kaya dapat daw ay huwag magpapatalo. Turuan ang mga bata na lumaban at maghiganti sa mga nang-aapi. Kung ipagpapatuloy natin ang ganitong takbo ng isip, eh di wala pala tayong ipinagkaiba sa mga lugar na may armed conflict na nakasanayan na ang kultura ng karahasan.”

“Dumating ako sa punto na bilang magulang at guro, hindi ko yata kayang sikmurain ang katotohanang ito. Matindi kasi ‘yung paniniwala ko sa kabutihan ng bawat tao: na tayo ay nilikha na mabuti at mapayapa upang mapagsilbihan ang kapwa natin. Kailangang ipaalala natin itong muli sa ating mga sarili.”

“Kung pipiliin nating magturo ng kapayapaan, tayo ay makakalikha ng mapayapang kultura  na siyang makakasanayan ng mga kabataan ngayon. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga bata ng mga kuwento tungkol sa kapayapaan, makikita nilang hindi pala karahasan ang solusyon sa maraming conflict sa mundo.”

“Sa totoo lang, maraming pagsubok ang hinaharap ko sa araw-araw dahil sa pinili kong daan. Marami akong kritiko. Pumalpak man ako sa ibang aspekto,pipiliin ko pa ring tahakin ang landas na ito. Naisip ko na ang trabaho ko pala bilang magulang at guro ay hindi ituro ang karahasan para harapin ang marahas na mundo. Tungkulin kong baguhin at bawasan ang karahasan sa mundo upang mapalaki nang maayos ang mga bata.”

- Advertisement -

“Alam kong hindi ko kayang baguhin ang puso’t isip ng bawat tao sa mundo. Wala yatang makagagawa nu’n. Sabi ng isang lider na kakilala ko, subukan ko lang daw at umpisahan ito sa aking sarili at sa taong nasa harapan ko. Sama kayo? Ang kapayaan ay sumainyo.”

Si Kristine Canon, bukod sa pagiging kampeon ng literacy para sa mga bata, ay isa ring advocate para sa neuro-inclusion, restorative practice, at non-violent communications sa mga eskuwelaha at mga professional spaces. Siya ay isang certified Conitively Based Compassion Trainer at isang Peaceful Parenting coach.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -