NAGBABALA ang Department of Trade and Industry (DTI) – Occidental Mindoro kamakailan sa lahat ng nagtitinda ng vape products sa lalawigan na sumunod sa Republic Act 11900 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, mas kilala bilang Vape Law.
Ayon kay DTI Provincial Director Noel Flores, sa nakaraang Kapihan sa PIA, pangunahing layunin ng batas na bigyang-proteksyon ang mga konsyumer, lalo na ang mga kabataan, kung saan mahigpit nitong ipinagbabawal na bentahan ng vape products ang mga menor-de edad. Kailangan daw tumuntong muna ang isang indibidwal sa edad 18 bago ito payagang bumili ng e-cigarettes at iba pang vape products.
Sinabi pa ni Flores na upang matiyak na hindi maengganyo ang mga kabataan sa pagbe-vape, ipinagbabawal din ang pagbebenta ng mga ito malapit sa mga paaralan.
Ayon kay Flores, hindi lamang vape shops, maging ang iba pang mga tindahan ay hindi dapat magbenta ng e-cigarettes sa mga kabataang wala pa sa hustong gulang. Ang mapapatunayang lumabag sa Vape Law ay may parusang pagkakulong ng mula dalawa hanggang anim na taon, at multang P5,000 hanggang P5,000,000.
Nabatid din kay Flores na dalawang tindahan sa probinsya ang nahuli ng kanilang Regional Monitoring Enforcement Team na nagtitinda ng Flava vape products. Ang nasabing brand ng vape products ay ipinatigil na ng DTI na ibenta simula pa noong Marso 2024. Lumabag daw ang Flava Corporation sa ilang itinatadhana ng RA 11900, bukod pa sa hinihinalang smuggled ang mga produkto nito kaya binebenta sa murang halaga.
Bukod sa pagkumpiska sa mga Flava products na umabot sa P50,000 ang kabuuang halaga, pinatawan din ng kaukulang parusa ang nahuling vape shops.
Sinabi pa ni Flores na higit nila ngayong paiigtingin ang monitoring sa pagpapatupad ng RA 11900. Plano ng DTI na tutukan ang mga vape shops sa San Jose at isusunod na rin sa mga darating na panahon ang mga tindahan sa mga bayan ng Sablayan at Mamburao. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)
Caption
Ipinagbabawal na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagbebenta ng Flava vape products dahil sa paglabag sa Vape Law. Ipinakita ni DTI- Mimaropa Consumer Protection Division Chief Versuelo Garcia ang Flava kit na nakumpiska sa isang vape shop sa probinsya. (Larawan mula sa DTI Occidental Mindoro)