26.5 C
Manila
Miyerkules, Setyembre 18, 2024

Cayetano: Sweldo, reporma sa BIR dapat asikasuhin kasabay ng tax incentives sa mga negosyo

- Advertisement -
- Advertisement -

KASABAY ng pagtatalakay ng Senado sa tax incentives para sa mga negosyo at kumpanya nitong Lunes, hinikayat ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga kapwa mambabatas na bigyan ng katulad na pagpapahalaga ang isyu ng tamang sweldo sa manggagawa at paglaban sa korapsyon sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ipinahayag ni Cayetano ang kanyang manifestation sa plenaryo habang isinasagawa ang deliberasyon sa Committee Report No. 263, ang bersyon ng pinagsama-samang mga panukalang batas na naglalayong pagandahin pa ang tax incentives sa bansa.

“Sana po ‘pag ginawa nating urgent ito, urgent din yung concern na paano natin maaayos na may kumpyansa at walang lagayan sa BIR [at] paano rin natin siguraduhin na tumaas ang sweldo ng ating laborers,” panawagan niya sa mga kapwa senador.

Ani Cayetano, alam niyang “kailangang kailangan” sa pagpapaunlad ng ekonomiya ang mga batas na makapagpaparami at makapagpapalago sa mga negosyo, pero dapat itong diskusyunan “holistically” at “comprehensively”.

“Sana mapag-usapan din natin y’ung ano ba ang tamang amount na hindi naman tutumba o malulugi y’ung mga negosyo, pero at the same time y’ung ating mga laborers at workers kumita ng living wage,” pahayag ng Senador.

Ibinigay niyang halimbawa ang “napakaliit” na P35 na umento ng mga manggagawa sa National Capital Region na inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board – National Capital Region (RTWPB-NCR) nitong Hulyo.

“I-compare natin y’ung in-approve ngayon na tranche para sa gobyerno, makikita mo hindi living wage ang ating minimum wage,” aniya.

Tinawag ni Cayetano ang mga negosyo bilang “the goose that lays the golden egg” pero iginiit niya na sa pagprotekta sa mga ito, dapat ding mapangalagaan ang mismong mga trabahador nila.

“Parati nating sinasabing don’t kill the goose that lays the golden eggs. Pero yumayaman nang yumayaman y’ung may-ari ng [goose] who lays the golden eggs, habang y’ung nag-aalaga ng [goose] e pahirap nang pahirap,” aniya.

Binanggit din ni Cayetano ang matagal nang korapsyon umano sa mga ahensya ng gobyerno na kumokolekta ng buwis, na aniyay dapat ding tugunan para sa ikauunlad ng mga negosyo.

“Tayo (Pilipinas) ang pinakamataas ang tax rate [kumpara sa mga karatig-bansa] kasi tayo rin ang pinakamalakas sa lagayan. Twenty-five percent nga ang kinuha ng gobyerno, ang dineclare mo lang kalahati lang, o ‘di 12.5% lang ang binayad mo,” aniya.

“I’m not pointing fingers here now (and saying) na kasi may mga negosyanteng corrupt, or kasi may corruption sa BIR. Wala namang perfect eh. But that’s why inaayos natin ang sistema,” dagdag niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -