BINIGYANG–DIIN ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang Whole-of-Government Approach bilang susi sa ‘A’ Credit Rating.
“A whole-of-government approach to strengthening our economy will certainly help us achieve an ‘A’ credit rating.”
Ito ang ipinahayag ni Budget and Management Secretary Pangandaman, kasunod ng tanong ni Senator Loren Legarda sa Development Budget Coordination Committee (DBCC), ukol sa “Road to A Credit Rating Agenda,” sa ginanap na Senate briefing tungkol sa proposed FY 2025 National Budget.
“Strengthening our economic reliance and credibility is crucial, and I am committed to supporting legislative measures that will solidify our nation’s standing in the global economic arena,” sabi ni Senator Legarda.
Nagpahayag ng kumpiyansa ang Budget Secretary na makakamit ang bansa ng “A” credit rating kung gagamit tayo ng whole-of-government approach para mapanatili ang mataas na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Tinukoy ng Fitch ang “A” credit rating bilang “high credit quality,” na nangangahulugang “ang kapasidad para magbayad ng mga financial commitments ay itinuturing na malakas.” Noong June 2024, pinagtibay ng Fitch ang credit rating ng bansa sa BBB, na mas mataas sa minimum investment grade na may stable outlook.
Nangangahulugan ang mas mataas na credit rating ng mas mababang halaga ng panglabas na pangungutang at mas malaking posibilidad ng pagpasok ng mga pamumuhunan. Gayunpaman, upang makakuha ng credit rating upgrade, kailangang panatiliin ng bansa ang paglago sa 6 hanggang 7 porsiyento taun-taon at tiyakin na ang deficit ay patuloy na nababawasan para sa susunod na apat na taon.
Inaasahan ng DBCC na patuloy na bababa ang deficit mula 5.6 porsiyento ng GDP ngayong 2024 hanggang 3.7 porsiyento ng GDP sa 2028. Samantala, ang debt-to-GDP ratio ay bababa mula 60.6 porsiyento ngayong 2024 sa 56.0 porsiyento sa 2028, na nasa loob ng internationally accepted threshold na 70 porsiyento, gaya ng inirekomenda ng International Monetary Fund.
“It is crucial that each and every lawmaker understand the strategies in place to maintain and build upon this positive trajectory,” sinabi ni Senator Legarda.
Pinasalamatan ni Budget Secretary Pangandaman ang Senador sa paghikayat sa mga mambabatas na suportahan ang economic strategy ng gobyerno para sa paglago nito, at idinagdag ang kahalagahan ng pagtiyak na ang fiscal consolidation strategy ay on track.
Sa isang naunang panayam, ibinahagi ni Secretary Pangandaman na sa pamamagitan ng whole-of-government approach, ang mga economic targets ng DBCC ay natutugunan, kabilang ang pagkakaroon ng “A” credit rating sa 2028, pagiging isang upper-middle-income na ekonomiya sa 2025, at ang pagkakaroon ng single-digit poverty level sa 2028.
“Sabi nga ng ating presidente, we don’t stop there until maramdaman po ng ordinaryong Pilipino ‘yung mga numerong ipinapakita natin. These are indicators that are well acknowledged by our international and development partners, but at the end of the day, gusto natin maramdaman ito ng mga ordinaryong Pilipino,” ani Budget Chief.