NAGBIGAY si Senator Robinhood Padilla, chairperson ng Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs ngayong Agosto 21, 2024 tungkol sa Sheik Karim’ul Makhdum Day. Narito ang kabuuan ng kanyang talumpati.
”Ginoong Tagapangulo, sa mga kagalang-galang na miyembro ng lupon na ito, isang karangalan po para sa inyong lingkod ang tumindig muli sa pulpito upang ihain po sa plenaryo ang ulat ng Komite ng Kultural na Pamayanan at Usaping Muslim o Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs – ang Committee Report No. 238 – patungkol po ito sa panukala upang gawing National Working Holiday ang komemorasyon ng pagtatatag ng Islam sa Pilipinas:
AN ACT DECLARING THE SEVENTH DAY OF NOVEMBER OF EVERY YEAR A SPECIAL NATIONAL WORKING HOLIDAY IN COMMEMORATION OF THE ESTABLISHMENT OF THE FIRST PHILIPPINE MOSQUE AND THE INTRODUCTION OF ISLAM IN THE PHILIPPINES
”Sa pasimula pa lamang po, nais kong mahayag sa ating rekord na ang panukalang ito ay inihain ng ating kaibigan at dating kasamahan sa lupong ito, at ngayon po ay Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara.
”Natatandaan ko pa po mahal na pangulo noong siya ay nandito sa atin ay pinuri ang kanyang nagawa sa Senado at taumbayan. Isa ito sa kanyang panukala na bigyan ng pagkilala ang pagdating ni Sheikh Makhdum sa Pilipinas. Kung may panahon na dumating ang mga Espanyol dala ang Katolisismo may panahon dumating sa Pilipinas si Sheikh Makhdum at dinala ang Islam.
Alam ko naukit sa ating mayamang kasaysayan bago pagpasok ng Kristiyanismo hatid ng mga dayuhang Kastila noong 1521, matagal na pong nananahan ang mga Moro at matagal na pong lumaganap ang Islam sa iba’t-ibang bahagi ng ating kapuluan.
Katulad na lang sa Maynila kinikilala ang unang mayor ng Maynila si Raja Sulaiman isang Muslim. Sa katunayan inilalarawan po ng historyador na si Cesar Majul Adib na hindi natin maiaalis na sabay ang naging paglaganap ng Islam sa Pilipinas at rehiyon ng Timong Silangang Asya na naganap noon pang ika-8 siglo. Dahil na rin po sa ating strategical location na bahagi ng Arab Chinese trade route, marahan ngunit malalim ang naging paglaganap ng katuruang Islam sa ating mga sinaunang pamayanan.
Pagdating ng mga misyunaryong Muslim (du’at) sa isla ng Sulu, isa po sa mga misyunaryong ito si Shariff Karim’ul Makhdum na siyang nagtatag ng kauna-unahang mosque o bahay-dasalan sa Bohe Indangan, Simunul island, Tawi-Tawi. Ang mga pader ng istrakturang ito ang naging saksi sa pagbibigay-kaalaman, pagpapasa ng katuruan ng Propeta Muhammad sa mga unang Pilipino.
Ang ating mga historyador ay nagpapatotoo na sa pamamagitan ni Shariff Karim’ul Makhdum, naging sistematiko at pormal ang mga imprastruktura sa kasanayan at pananampalatayang Islam sa ating bansa.
Ginoong Tagapangulo, lumipas ang mahabang panahon, patuloy at lalo naging ganap ang pagyabong ng pananampalatayang Islam.
Hindi po natin maikakaila ang makabuluhang kontribusyon ng ating mga ninunong Muslim sa pagpapayaman at pagpapasigla ng kultura at sibilisasyong ng ating minamahal na Inang Bayan – isang bagay na ating kinikilala at ipinagmamalaki sa ating kontemporaryong panahon.
Bilang isang Muslim, at kinatawan ng milyun-milyong Muslim Filipinos sa buong bansa, isang karangalan po na tumayo sa pulpitong ito upang isulong ang pagtatakda ng Ika-7 ng Nobyembre upang maging national working holiday bilang Sheikh Karimul Makhdum Day.
Nais po nating maging bahagi ng ating rekord na sa bisa po ng Muslim Mindanao Act No. 17 of 1991 at Executive Order No. 40, idineklara ang ika-7 araw ng Nobyembre bilang special public holiday sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Bilang paglilinaw po, hindi po natin intensyon na baguhin ang umiiral na mga batas at regulasyon na saklaw ng Bangsamoro Autonomous Region. Mananatili pong non-working holiday ang araw na ito sa BARMM.
Ayon nga po sa Gobernador ng Tawi-Tawi, Governor Yshmael Mang Sali noong nakaraang pagdinig: “The passage of Senate Bill No. 1616 would increase national awareness about Islam and our culture as a Muslim. It will encourage educational institutions, public and private establishments, and the media, among others, to investigate, understand, exercise and cultivate sensitivity and tolerance towards us, Muslims, in our practices and traditions.”
Dagdag pa niya, “Sa pamamagitan din ng pagpasa ng bill na ito, magkakaroon ng pag-asa na ma-mainstream ang purpose ng Republic Act 10573”.
Ang tinutukoy po ng ating kaibigang Gobernador Sali na Republic Act 10573 ay “Act Declaring the Sheikh Karimul Makhdum Mosque, Considered as the Site of One of the Oldest Existing Muslim Houses of Prayer or Mosques in the Philippines, at Tubig Indangan, Simunul, Province of Tawi-Tawi, as a National Historical Landmark and for Other Purposes”.
Sa pamamagitan po ng pagpapasa ng panukalang batas na ito, mas mapapagtibay po natin ang nilalaman ng RA 10573 na may tatlong layuning pahalagahan ang kontribusyon ng pananampalatayang
Islam bilang bahagi ng ating pagka-Pilipino.
Ginoong Tagapangulo, sa unang tingin ay simple lamang po ang nilalaman ng panukala ngunit malalim po ang kabuluhan nito para sa aming mga Muslim at sa kasaysayan ng ating bansa.
Inuulit ko po – ang atin pong panukala ay maging national special working holiday ang ika-7 po ng Nobyembre sa bawat taon.
Tulad po ng ibang pagkilala na iginawad natin sa mga araw tulad ng National Baptist Day, National Bible Day, at iba pa bilang special working holidays sa pamamagitan ng pagpapasa ng batas, ang amin pong panalangin: nawa ay mabigyang katuparan ng ika-19 na Kongreso ang ating hinihiling na pagkilala sa ika-7 ng Nobyembre bilang araw po ng pagkakatatag ng unang mosque at pagpapalaganap ng Islam sa Pilipinas.
Bilang pangwakas, nais po nating bigyang diin ang puso ng Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na ipinasa ng ika-17 Kongreso. Sinasaad po sa RA 11054 ang layunin ng batas upang kilalanin ang pagiging lehitimo ng mga mamamayan ng Bangsamoro, gayundin ang pagtiyak sa kanilang pagkakakilanlan sa ilalim ng ating Konstitusyon at soberanya ng bansang Pilipinas.
Maraming salamat po, Ginoong Pangulo.