27.4 C
Manila
Lunes, Setyembre 9, 2024

Galit ng bayan: P21 isang kainan

- Advertisement -
- Advertisement -
NAG-AALIMPUYONG galit ang pinakawalan ng sambayanan sa testimonyang iniharap sa Senado ni Kalihim Arsenio Balisacan ng National Economic Development Authority (NEDA) na P21 lang isang kainan ang kailangan upang masabi na hindi na sila hirap sa pagkain.
Kung ingay at ingay din  lang ang pag-uusapan, baka mas nakayayanig pa sa pagsabog ng Bulkang Taal ang dagundong sa social media na likha ng pangyayari. Hindi lang mga lehitimong broadcast platform ang kumondena rito kundi maging ang mga sampu-samperang vlogger na nagpakita ng pambihirang pagkakaisa sa isang sosyal na usapin.
Lahat ay sumasalamin sa  damdamin ng sambayanang walang pagsidlan ng pagkamuhi. Sa kanilang palagay, napakairesponsable ng mga tinuran ni Balisacan. Maliwanag na taliwas ito sa tunay na kalagayan.
Sa panahon na ang pinakamababang presyo kada kilo ng bigas ay P55, ng galunggong P200, ng kamatis, bawang, sibuyas, luya, suka at asin na mga kailangan sa pagpaksiw ng isda P50, kakailanganin ng isang  karaniwang (5-miyembro) pamilya ang di kukulangin sa P305 upang matugunan ang isang lutuan. At kahit sabihin pa na ang isang lutuan na iyun ay maaaring pagkasyahin ng buong pamilya sa tanghalian at hapunan, hindi bababa sa P61 ang gastos ng isang tao kada kain, hindi na kinukwenta ang P3 kape at P4 pandesal sa almusal bawat isa.
Hindi na rin kwentado ang P23 na softdrink at P25 na banana cue (times two, isa sa umaga at isa sa hapon na merienda).
Direkta ang puna ng isang news anchor: “Hinamon ng isang grupo ang NEDA na mamalengke at magluto ng pagkain sa halagang P21 na kanilang basehan sa kada meal ng isang tao para hindi siya maituring na food poor.”
Ganito naman ang patutsada ng isang news correspondent: “Hanggang saan aabot ang P21 mo? Magkakasya ba iyan para sa isang disenteng meal? Base sa datos ng National Economic Development Authority o NEDA noong 2023, mahirap ka kung P20 lang ang afford mo sa kada agahan, tanghalian at hapunan. Pero kung may P64 ka pangbuong araw o P21 kada meal, hindi ka na raw mahirap.”
Direkta mula sa mga mangangain sa mga carinderia: “Magsasalita pa sila ng ganun sa amin. Gaano kahirap ba yun sa kalooban naming mahihirap? Buti sila… nakaupo lang ba sila?”
“Kanin, P10, manok P13, tas yung softdrink P15, P40 na agad. Kahit wala na yung softdrink, P23 na. Hindi po talaga kasya ang P21. Lalo po sa trabahador na kagaya namin. Siyempre ano po sa trabaho. Dapat mas malakas kumain.”
Sa ngayon, sobrang tipid na ang mga presyong yun sa totoo lang. Sa mga carinderia sa paligid ng aking tirahan, matagal nang ang pinakamababang order ng kanin ay P15 at ang manok ay P60.
Iba’t-ibang reaksyon ang tinanggap ng pahayag ni Secretary Balisacan. Bukod sa maraming galit, marami din ang pumuna na may pang-uuyam. Sa marami pa rin na nagawang daanin na lamang sa patawa ang kanilang mga hinanakit, nagsilbing pampatampok iyun sa markado nang tibay ng loob ng Pilipino: nagagawang ibabawan ang bawat balakid.
Sa isang video, pinagbilhan ng isang tindera ang isang customer ng mga nakaplastik na kapirasong kanin, isang estrelladong itlog at maliit na tumpok ng pansit bilang pagpapakita kung gaano kakonti ang P21.
Mangyari pa, inspirado tayo sa reaksyon ng mga personaheng pulitiko.
Upang isalarawan ang kanyang sarkastikong pagtanaw sa usapin, ipinakita ni dating Senador Francis Pangilinan na tinatanggap niya sa isang hapag sa restoran ang napakaliit na kaldero, halos sinlaki ng laruan lamang ng isang paslit, na naglalaman ng kanin.
Pormal naman at makatotohanan si Senadora Imee Marcos sa kanyang puna.
“P21 per person for the poverty level is to my mind entirely unrealistic, given that P91 is not about to pay for a person’s basic needs: food, housing, utilities, transport, communication, education, health and clothing. Even the World Bank has said that this is outrageous and that the amount should be much much higher (P21 kada tao para sa antas ng pagdaralita ay sa aking pagtingin ganap na di makatotohanan, kung iisipin na ang P91 ay hindi makasasapat na pambayad sa mga gastusin ng isang tao: pagkain, pabahay, mga utilities {kuryente at tubig} transportasyon, komunikasyon, edukasyon, kalusugan at pananamit. Maging ang World Bank ay nakapagsabi na ito ay nakasusuklam at ang halaga ay dapat na naging higit pang mataas).”
Kung naging katawa-tawa man ang pagtanggap sa P21 poverty level  na ipinalabas ng NEDA para sa sambayanang Pilipino, iyun ay dahil sa ano pa nga ba ang magagawa ng ordinaryong Pinoy kundi ang ituring na lamang ito na isang masamang biro.
Putak ng isang vlogger: “Mga pu*******! Ang lalaki ng sweldo nyo, ganyan lang ang gagawin nyo dyan sa NEDA. Magresign na lang kayo.”
Sa malaman ng lahat, ang NEDA ang siyang natukahan ng batas na sumala sa mga proyektong pangkaunlaran ng bansa. Kung hindi aprubado ng NEDA, hindi mangyayari ang anumang proyektong pangkaunlaran.
Ibig sabihin, sa pagtakda ng P21 poverty level, ito ay magiging pamantayang polisiya na nakasanib na sa mga aprubadong proyekto ng NEDA. Kung kaya sa pagpatupd ng proyekto, antimano nakapako na sa P21 ang poverty level ng sambayanan.
Sa madaling sabi, hanggang doon na lang ang ibubuti ng buhay ng Pinoy bagama’t walang pagpigil sa higit pang pagyaman ng mga oligarko.
At sa kaso ng mga nanuenuelduhan, halimbawa, paniguro na panatilihin sila sa mababang pasahod.
Tunay na kaisa ang kolum na ito sa mga galit na nagtatanong kung saan hinagilap ng NEDA ang mga datos hinggil sa dalita ng bayan. Nagmukhang katawa-tawa si Secretary Balisacan sa kanyang pangangapa ng sasabihin upang magpaliwanag sa mga senador. Paulit-ulit mo mang panoorin ang video ng paliwanag, talagang wala kang maintindihan sa kanyang sinasabi. Mga parirala sa English na pinagdurugtong ng walang katapusang “Ahh… Ahh…,” kasabay ng ganun ding di matapos-tapos na pabilog na pagmuwestra ng mga kamay na animo’y madyikerong pulpol na hindi magawa-gawa ang nilalayong madyik.
Patutsada ng isang tagapakinig, “Sa ka-Ahh…Ahh… mo, nagmukha ka tuloy na nagsisinungaling. Bawal ang magsinungaling.”
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -