27 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Parangal para sa mga nagsusulong sa pagpapaunlad ng Wikang Filipino

- Advertisement -
- Advertisement -
SA pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), idinaos ang parangal para sa Dangal ng Wikang Filipino 2024 sa Dusit Thani Manila, Lungsod ng Makati nitong Lunes, ika-19 ng Agosto 2024.
Ang Dangal ng Wikang Filipino ay isang mataas na pagkilala sa mga indibidwal, samahan, tanggapan, institusyon o ahensyang pampamahalaan o pribadong sektor na may natatanging ambag o nagawa tungo sa pagsusulong, pagpapalaganap, pagpapayabong at preserbasyon ng wikang Filipino.
Isinasagawa ang okasyong ito kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto na may temang, ‘Filipino: Wikang Mapagpalaya’, kung saan binibigyang halaga ang katangian ng wika bilang behikulo ng pagpapalaya. Ilan sa mga halimbawang binigay ng KWF ay: (1) Kung mayroong wikang magbibigkis sa gitna ng hidwaan, mawawakasan ang sigalot sa dalawang panig na hindi nagkakaunawaan; (2) Kung may mga publikasyon o babasahin na mababasa ng mga batang nasa laylayan ng lipunan, makalalaya sila sa iliterasiya; (3) Kung ang nasyon ay gagamit ng wikang Filipino sa pakikipagtransaksiyon sa pamahalaan, lalong mararamdaman ng mamamayan ang serbisyong pambayan na sa kanila ay inilalaan.

Ginawaran ng Dangal ng Wikang Filipino 2024, sina Dr. Raquel Sison-Buban, isang edukador, tagasalin, mananaliksik, tagapanayam, manunulat at alagad ng wika at Dr. Dolores Taylan, isang edukador, tagasalin, manunulat, at mananaliksik.

Ginawaran din ng  Kampeon ng Wika 2024 sina Raymund Pasion, PhD; Nora Laguda, PhD; Almayrah  Tiburon, Joel  Lopez, PhD; at Cristina Macascas, PhD.
Samantala, nagkamit ng 𝐃𝐚𝐧𝐠𝐚𝐥 𝐧𝐠 𝐖𝐢𝐤𝐚 𝐚𝐭 𝐊𝐮𝐥𝐭𝐮𝐫𝐚 𝟐𝟎𝟐𝟒: 𝐀𝐮𝐫𝐨𝐫𝐚 𝐒𝐭𝐚𝐭𝐞 𝐂𝐨𝐥𝐥𝐞𝐠𝐞 𝐨𝐟 𝐓𝐞𝐜𝐡𝐧𝐨𝐥𝐨𝐠𝐲 at 𝐒𝐨𝐫𝐬𝐨𝐠𝐨𝐧 𝐒𝐭𝐚𝐭𝐞 𝐔𝐧𝐢𝐯𝐞𝐫𝐬𝐢𝐭𝐲.
Sa kabilang banda, nagkamit ng 𝐒𝐞𝐥𝐲𝐨 𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐡𝐮𝐬𝐚𝐲𝐚𝐧 𝐬𝐚 𝐖𝐢𝐤𝐚 𝐚𝐭 𝐊𝐮𝐥𝐭𝐮𝐫𝐚 𝟐𝟎𝟐𝟒 ang 𝐁𝐢𝐜𝐨𝐥 𝐔𝐧𝐢𝐯𝐞𝐫𝐬𝐢𝐭𝐲, 𝐂𝐚𝐭𝐚𝐧𝐝𝐮𝐚𝐧𝐞𝐬 𝐒𝐭𝐚𝐭𝐞 𝐔𝐧𝐢𝐯𝐞𝐫𝐬𝐢𝐭𝐲, at 𝐂𝐞𝐛𝐮 𝐍𝐨𝐫𝐦𝐚𝐥 𝐔𝐧𝐢𝐯𝐞𝐫𝐬𝐢𝐭𝐲.
Ang parangal ay para sa mga Sentro ng Wika at Kultura (SWK) na nakabase sa iba’t ibang publiko at pilíng pribadong pamantasan at kolehiyo sa Pilipinas. Ibinibigay ang pagkilalang ito sa kanilang mataas na antas ng kahusayan at episyenteng pagsasagawa ng mga proyekto, at gawaing pangwika at pagkultura túngo sa ibayong pag-unlad, at pagsulong ng wikang Filipino at ng ibang mga wika ng Pilipinas.
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -