GINUNITA kahapon, ika-21 ng Agosto 2024, ang ika-41 anibersaryo ng pagkamatay ni Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., sa bantayog nito sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1, Lungsod ng Parañaque.
Pinangunahan ni Pangalawang Patnugot Tagapagpaganap Alvin Alcid ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang pag-aalay ng bulaklak. Sinamahan siya ng mga kinatawan mula sa Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission (HRVVMC), Manila International Airport Authority (MIAA), Bantayog ng mga Bayani Foundation, Inc.; August Twenty-One Movement (ATOM), Project Gunita, Spirit of EDSA Foundation, Chino Roces Foundation, NAMSERV, at Earth Saver.
Si Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. (1932-1983) ay isang prominenteng senador at lingkod bayan na nangkulan sa iba’t ibang tanggapan noong 1950s hanggang 1970s. Kinilala siya bilang isa sa mga pinuno ng oposisyon at isa siya sa mga unang inaresto matapos iproklama ang Batas Militar noong 1972. Nakulong siya ng pitong taon mula 1972 hanggang 1980 kung saan siya ay pinayagang lumipat sa Estados Unidos upang makakuha ng lunas sa malubhang sakit. Noong ika-21 ng Agosto 1983, siya ay umuwi sa Pilipinas at pinaslang ilang minuto matapos lumapag ang kanyang eroplano sa noong-Manila International Airport.
Ang kanyang pagkakapaslang ay kinikilala bilang mahalagang punto sa kasaysayan ng Batas Militar at muling pagbabalik ng demokrasya sa Pilipinas. Ang kanyang asawa, si Corazon C. Aquino, ay nagsilbing ika-11 Pangulo ng Pilipinas (1986-1992) matapos ang mapayapang 1986 EDSA People Power Revolution; samantala ang kanyang anak na si Benigno “Noynoy” S. Aquino III ay nagsilbing ika-15 Pangulo ng Pilipinas mula 2010 hanggang 2016. Ang araw ng kanyang pagkamatay ay isang Special Non-Working Holiday bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan sa bisa ng Republic Act No. 9256.