27.8 C
Manila
Biyernes, Setyembre 13, 2024

Tama bang magpautang sa kamag-anak?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG JUAN)

- Advertisement -
- Advertisement -

UNCLE, may ikukuwento ako sa inyo.

Ano iyon, Juan?

Kasi, Uncle, kawawa naman tong kaopisina ko na nagkakagalit-galit ang pamilya dahil sa pera.

Huh? Bakit?

Kasi, Uncle, pinautang ng kaopisina ko yung kapatıd nya. Tapos ilang beses na nyang sinisingil. Galit pa sa kanya kasi hindi daw dapat sya sinisingil kasi matanda daw ito sa kanya at malaki daw ang utang na loob ng kaopisina ko sa kanya. Kasi pinaaral daw sya nito sa mahabang panahon. Porke nakakaluwag lang daw ang kaopisina ko, mayabang na daw Ito. Kaya maşama talaga ang loob nya sa kapatid.

Ganun ba? Juan, palagay ko hindi nag-iisa ang kaopisina mo. Maraming kasong ganyan sa pamilyang Pilipino at kadalasa’y pera talaga ang pinagmumulan.

Kaya, Uncle, dapat ba tayong magpautang sa ating pamilya?

Sige, Juan, pagusapan natin yan.

Bakit nga ba nangungutang ang Pilipino?

Karaniwang dahilan ay para matustusan ang kakulangan sa pang-araw-araw na pangangailangan. O para makamit ang Ilan sa ating financial goals tulad ng edukasyon, bahay at lupa, sasakyan o travel.

Yung iba naman ay nangungutang para ipambayad din sa kasalukuyang utang. O di kaya’y para makapagsimula ng maliit na negosyo.

Meron ding nangungutang para Maira is ang selebrasyon ng mga mahalagang milestones sa buhay tulad ng kasal, binyag ng apo, pagpasa sa professional board o ang pagpapaayos ng bahay.

At siyempre, di mawawala ang medical emergencies o biglaang pagkakasakit ng miyembro ng pamilya na sa ating karanasan  ay hindi lahat ay merong sapat na ipon para sa mga situwasyong ganito.

Ayon sa pinakahuling Consumer Expectations Survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas nung first quarter ng 2024, halos 25 porsiyento ng households na sinurvey ang nangutang sa nakalipas na taon.

Halos 50 porsiyento ng inutang ay ginamit para sa pagbili ng basic goods, 25 porsiyento para sa negosyo, 19 porsiyento para sa edukasyon, 14 porsiyento para sa health at 8 porsiyento para sa pambayad ng iba pang utang.

Ang maganda pang sınabi sa survey na ito ay 32 porsiyento ay inutang sa kamag-anak o kaibigan, 21 porsiyento ay galing sa lending companies, 14 porsiyento sa individual money lenders, 7 porsiyento sa cooperatives, at 8 porsiyento sa bangko.

Maliwanag na talagang kasama sa kultura nating Pilipino ang mangutang sa kamag-anak o kaibigan. Bakit kaya?

Una, kaugnay dito ang values natin tungkol sa pagtulong sa ating pamilya, ang kakaibang pagtingin natin sa ating kadugo na sadyang dadamayan at pakikisamahan, at ang pagpapahalaga sa relasyon natin sa kapamilya.

Pangalawa, mas maluwag ang arrangements sa pagbabayad kasi mas naiintindihan ng kamag-anak ang situwasyon ng kapamilyang nangungutang. Kadalasan mahirap maningil sa kamag-anak at minsan sila pa ang galit kapag nasisingil. Dito nahahamon ang integridad, responsibilidad at palabra de honor ng mga nangungutang.

At pangatlo, ang “utang na loob” ay karaniwan sa ating mga Pilipino na kapag ang humihingi ng tulong ay natulungan tayo sa panahong tayo’y nangangailangan, magui-guilty tayo kung hindi sila mapagbigyan at masasaktan tayo kung mababansagan tayong walang utang na loob.

Dapat bang pautangin ang kamag-anak?

Talagang mahirap humindi sa humihingi ng pinansyal na tulong. Kaya lang, pag hindi ka tumulong, may maririnig kang hindi maganda. Pag tumulong ka at panahon na ng singilan, may magbabayad at meron ding manininghal na para bang kasalanan mo ang maningil ng bayad sa sarili mong pera.

Ito na lang ang tips ko sa magpapautang at mangungutang na kamag-anak:

Sa magpapautang, kailangan handa kang magpasensiya at umintindi kasi hindi lahat ay magbabayad sa oras ng pinag-usapan.

Siguro, mas maganda pang magbigay ka na lang ng iyong makakaya at huwag ng tratuhin ito na utang na kailangang bayaran.

Bago magpautang o di kaya’y mamigay ng tulong, siguraduhing ito ay hindi makakaapekto sa iyong financial stability, lalo na kung hindi na ito mababayaran.

Sa mangungutang, utangin lang natin yung kaya nating bayaran. Alalahanin na ang nagpapautang nating kamag-anak ay may mga pangangailangan din kahit sabihin pa nating maganda ang buhay nilang pinansyal.

Dapat tuparin ang palabra de honor na inaasahan ng nagpautang sa atin. Maging honest at huwag sirain ang tiwalang binigay ng nagpautang. At kung sinisingil at di makabayad, magsabi lang ng totoo at magpaumanhin. Huwag ng idamay ang “utang na loob” na usapin para lang magpa-guilty sa naniningil o makaiwas sa responsibilidad.

Kung maiiwasan, mangutang na lang sa iba kung ayaw nating masira ang relasyon. Wala akong alam na di dumanas ng pagkasira ng relasyon sa pamilya, kaibigan o iba pa nang dahil sa isyu ng pera.

O, Juan, alam mo na. Pautang nga.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -