BAGAMA’T suspendido ang pasok sa Senado dahil sa bagyong Enteng, nakipagpulong si Senador Raffy Tulfo sa iba’t-ibang mga ahensya ng gobyerno na sakop ng kanyang Senate Public Services Committee sa pamamagitan ng isang zoom meeting.
Agad binalaan ni Sen. Idol ang Philippine Coast Guard (PCG) na magkaroon ng strict monitoring and inspection sa lahat ng mga sasakyang pandagat.
Una na rito, walang papayagang pumalaot na anumang vessels dahil sa masamang panahon ngayon at doon sa mapapayagan sapagkat hindi naman apektado ng bagyong Enteng ang rota na dadaanan, kailangang siguruhin na seaworthy, hindi overloaded at sapat ang bilang ng life vests sa dami ng sakay na pasahero at crew.
Matatandaan sa mga nakaraan, marami nang napabalitang trahedya sa dagat bunsod ng masamang panahon na nakapaglayag pa rin ang isang seacraft at lumubog dahil sa overloading at maraming namatay bunsod ng kakulangan na rin ng lifevests. Kalaunan, napag-alaman na ito ay dahil na rin sa kapabayaan ng PCG.
Samantala, ikinatuwa naman ni Sen. Idol ang impormasyong nakalap mula kay Philippine Ports Authority (PPA) Spokesperson Eunice Samonte na bagama’t mahigit 4,000 passengers ang stranded sa mga pier, may naihanda na silang sapat na libreng mga snacks, inumin, at maayos na accommodation para sa mga nasabing pasahero nila.
Ngunit nagbitaw pa rin ng babala si Sen. Tulfo na kapag hindi totoo ang impormasyong ibinato sa kanya ng PPA, may mananagot sa kanila.
***
Nanggalaiti naman si Sen. Raffy sa Manila International Airport Authority (MIAA) management nang may nakarating sa kanyang impormasyon na maraming mga batya at tray ang nagkalat sa mga terminal ng NAIA ngayon para saluhin ang mga tumutulong tubig ulan mula sa mga butas na bubong.
On the spot naman na umaksyon si MIAA Spokesperson Atty. Chris Bendijo at personal na umikot sa mga terminal sa NAIA para inspeksyunin ang mga tumutulong bubong na ito, at nangakong agad na gagawan ng paraan ang problema para hindi na maulit muli.
Gayunapaman, sinabi ni Sen. Tulfo na kapag naulit pa rin ito ay maraming makakastigo.
Inutusan naman ni Sen. Idol si Atty. Bendijo na siguruhing masusunod ang “air passenger bill of rights” ng mga stranded na pasahero sa mga terminal sa NAIA, kasama na rito ang pagkakaroon ng mga libreng snack, bottled water at maayos na tatambayan o accommodation para sa kanila.
Iniutos niya rin kay Atty. Bendijo na dapat lahat ng VIP airport lounges, maliban nalang sa mga airline-owned, ay ilaan sa mga senior citizens, PWDs, pregnant women at iba pang nangangailangan ng assistance upang sila ay may matambayan.
Pinakakansela naman ni Sen. Idol kay CAAP Deputy Dir. Gen. Atty. Danjun Lucas ang lahat ng mga flights ng maliliit na eroplano sa general aviation, particular na ang mga privately owned o yung mga pinapaupahan.
Sa mga nakaraan, marami nang maliliit na eroplano at helicopter ang nag-crash o nawala bunsod sa katigasan ng ulo ng mga taga-general aviation na lumilipad pa rin kahit na masama ang panahon lalo na sa probinsya kung saan hindi strict ang monitoring.
Agad naman nangako si Atty. Lucas na ito ay masusunod.
***
Sa kabilang banda, naawa naman si Sen. Idol sa PCG ng kanyang malaman mula kay Lt. Commander Joel Simo-ag na kalunos lunos pala ang sitwasyon nito pagdating sa rescue operation, sapagkat iisa lang pala ang chopper na ginagamit ng PCG sa buong Pilipinas para sa pagrescue ng mga in-distress na sasakyang pandagat o nangangailangan ng tulong.
Sinabi ni Sen. Idol kay Simo-ag na sa darating na budget hearing sa Senado ng Department of Transporation na kung saan kasanib ang PCG, irerekomenda niya sa modernization program ng Coast Guard ang dagdag budget para pambili ng karagdagang mga chopper na magagamit sa SOS o rescue operation nito, na siya namang labis na ikinatuwa ni Simo-ag.
Sa darating na hearing ng Senate Committee on Public Services sa Huwebes, Sept. 5, tatalakayin ni Sen. Idol ang lahat ng mga nasabing problema.