KASAMA ang Department of Health (DoH) sa patuloy na pagbabantay sa mga aktibidad ng Bulkang Kanlaon kasabay ng pagpapaalala sa publiko sa patuloy na pangangalaga sa kalusugan at pagiging handa sa oras ng sakuna.
Napanatili ng Bulkang Kanlaon ang Alert level Number 2 ayon sa Phivolcs sa patuloy na mga aktibidad nito sa nakalipas na dalawang araw kasama ang pagbuga ng volcanic sulfur dioxide (SO2) gas mula sa bunganga ng bulkan na pinakamataas na SO2 emission na naitala mula nang magsimula ang instrumental gas monitoring nito.
Kaugnay nito, ayon sa Pagasa inaasahan ang masamang panahon ngayong katapusan ng linggo na maaaring magdulot ng flash floods o maging landslides sa ibang bahagi ng bulkan at kalapit na lugar.
Mahigpit na pinapayuhan ang lahat na maging mapagbantay at iwasan ang apat na kilmetrong-radius na Permanent Danger Zone (PDZ) upang mabawasan ang panganib mula sa biglaang pagputok ng bulkan, pagbagsak ng bato at pagguho ng lupa.
Sa kaso ng pagbuga ng abo ng Bulkang Kanlaon na maaaring makaapekto sa hangin sa mga komunidad sa ibaba ng bunganga ng bulkan, ang mga tao ay dapat magtakip ng ilong at bibig gamit ang basa, malinis na tela o dust mask.
Para sa iba pang paalala mula sa DoH tignan ang mga larawan sa ibaba at para sa mga katanungan at impormasyon maaaring tumawag sa DoH HEMB Operations Center 8651-7800 loc 2206/2207.