INIHAIN ni Rep. Rodante Marcoleta ang House Bill 9400 na layong magbigay ng direktang suportang pinansyal sa mga barangay sa buong bansa. Target ng panukalang ito na tulungan ang mga komunidad, lalo na sa 4th at 5th class na munisipalidad, sa pamamagitan ng paggamit ng mga hindi nagagamit na pondo ng gobyerno upang palakasin ang pamamahala at kapabilidad ng mga barangay.
Ayon sa pag-aaral, 12% lamang ng halos 42,000 barangay ang may sapat na pondo para magpatuloy ng operasyon, habang karamihan ay nahihirapan sa kakulangan ng budget. Marami sa mga barangay captain ay tumatanggap lamang ng ₱5,000 kada buwan, na mas mababa pa ang suweldo ng mga tanod, health workers, at Lupon Tagapamayapa. Dahil dito, apektado ang serbisyong publiko sa mga barangay.
Layon ng panukala na lumikha ng Barangay Affairs and Development Fund mula sa 3-4% ng mga nakatenggang pondo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Kasabay nito, magkakaroon din ng Barangay Affairs and Development Commission na magbibigay ng tamang pasahod at magsisiguro na maayos ang paggamit ng pondo para sa kapakanan ng mga barangay.
Nanawagan si Marcoleta sa Kongreso na madaliin ang pagpasa ng batas na ito upang mabigyan ng sapat na suporta ang mga barangay at makapagdulot ng pangmatagalang pagbabago sa mga komunidad.