NAHAHARAP sa patung-patong na kaso si dating Bamban Mayor Alice Guo at inaasahan na madaragdagan pa ito.
Ayon sa mismong abogado ni Guo na si Atty. Stephen David, sa isang panayam sa radyo, mayroon syang hinahawakang anim na kaso bukod pa ang kaso na hawak ng ibang law firm.
Nagpahayag na rin ang Department of Justice (DoJ) na inaasahang madaragdagan pa ang mga kaso ni Guo na nahaharap sa mga kaso ng katiwalian, human trafficking, tax evasion, at money laundering bukod pa sa kasong misrepresentation na isinampa ng Commission on Elections (Comelec).
Human trafficking
Nagsampa nitong Martes, Setyembre 17, 2024 ang Department of Justice (DoJ) ng kasong human trafficking laban kay Guo. Si Guo at ang kanyang mga kasamahan ay sinampahan ng Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, na inamyendahan ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.
Ayon sa paglalarawan ng UN Office on Drugs and Crime (UNODC), human trafficking o pangangalakal ng tao ang pag-recruit, transportasyon, paglipat, pagtatago o pagtanggap ng mga tao na pinilit, nilinlang o dinaya, upang pagkakitaan sila.
“Nakita ng ating mga prosecutors at law enforcement na kung pagtagpi-tagpiin mo, pagdugtungin mo yung lahat ng ebidensya ay malalim ang partisipasyon ni dating Mayor Alice Guo sa human trafficking,” ayon kay DoJ Undersecretary Raul Vasquez sa ulat ng ABS-CBN News.
Kasama sa kaso ang mga umano’y business partners ni Guo, kasama si Huang Zhiyang ang sinasabing “big boss’ ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub.
Diringgin ang kasong ito sa Pasig regional trial court matapos aprubahan ng DoJ na mailipat ito mula sa Branch 66 ng Capas, Tarlac RTC.
“Iyong main factor dito, si Mayor Alice Guo saka kanyang mga kasamahan, mga korporasyon. Tatlong korporasyon ito, iyong Baofu, Hongsheng, at Zun Yuan… Dahil maliwanag sa ebidensya na nakikipag-ugnayan sila upang maipalaganap ang mga kriminal na gawain ng POGO na ito…. Hiniling natin natin sa Korte Suprema na ilipat ang kaso sa mas neutral ground,” ayon sa pahayag ni DoJ Undersecretary Nicholas Felix Ty, pinuno ng Inter-Agency Council Against Trafficking.
Tiwala ang DoJ na malakas ang kanilang ebidensya na magdiriin sa mga akusado at sa ipagpapatuloy ng kaso.
Money laundering
Humaharap din sa kasong money laundering si Guo kasama ang maraming iba pa na isinampa ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), National Bureau of Investigation (NBI) at PAOCC nitong Agosto 30.
Ayon sa AMLC, pinagmumukhang galing sa malinis na paraan ang perang nagmula sa ilegal na paraan sa pamamagitan ng mga pasalin-saling mga transaksyon sa bangko ang ibig sabihin ng money laundering.
Sa pahayag ng AMLC, sinabi dito na kinasuhan nila ng money laundering ang suspendidong alkalde ng Bamban kasama ang 35 iba pa sa DoJ.
Sa naturang kaso, pinangalanan sina Jian Zhong Guo, Lin Wenyi, Sheila Guo, Seimen Guo, Katherine Cassandra Li Ong at iba pa na mga kasabwat dahil sa koneksyon nila sa Baofu, Hongsheng Gaming Technology Inc., at Zun Yuan Technology Inc.
Inakusahan sila na may kinalaman sa money laundering na nauugnay sa iba’t ibang krimen gaya ng estafa, qualfied trafficking in persons at paglabag sa Securities Regulation Code.
Sa imbestigasyon ng AMLC kasama ang NBI at PAOCC, nalantad na kumita ang mga akusado ng P101 milyon mula Hunyo 2020 hanggang Enero 2024 mula sa mga ilegal na gawain.
Gamit ang maraming bank accounts, inilipat-lipat ang pondo, para pambayad sana sa kuryente ng Baofu, upang hindi mahalata ang ilegal na pinanggalingan nito.
Kaugnay nito, nais ng AMLC na makumpiska ang mga ari-arian na nagkakahalaga ng mahigit P6 bilyon na kinita nina Guo at iba pa sa kanilang umano’y ilegal na aktibidad.
Kabilang sa mga ari-ariang ito ay mga lupain sa Tarlac, Pampanga, at Las Piñas City, mga commercial building sa Baofu compound, mga bank accounts na naglalaman ng malaking halaga, corporate assets, mga sasakyan, at helicopter na umano’y ginagamit sa pagsasagawa ng kanilang ilegal na operasyon.
Katiwalian
Hawak ngayon ng Valenzuela Regional Trial Court (RTC) ang dalawang kaso ng katiwalian o graft sa Ingles na isinampa ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa DILG, lumabag si Guo sa Anti-Graft and Corruption Practices Act nang bigyan nito ng business permit bilang alkalde ng Bamban ang POGO samantalang lipas na ang lisensya ng Hongsheng Gaming Technology, Inc. mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) bukod sa kulang pa ang mga ito sa ibang requirements.
Dahil lipas na o expired ang lisensya, itinuturing nang ilegal ang operasyon nito.
Ayon kay DILG Undersecretary Juan Victor Llamas, bukod kay Mayor Guo, kasama ring sinampahan ng kaparehong reklamo ang ilang local officials nitong nakaraang Mayo 24.
Dagdag ni Llamas, binawi dapat ni Guo ang permit ng Hongsheng ngunit nagpatuloy ito sa negosyo nito hanggang sa ni-raid na ito ng mga awtoridad.
Bukod kay Guo, sinuspindi rin ng Office of the Ombudsman sina Business Permit and Licensing Officer Edwin Ocampo at Municipal Legal Officer Adenn Sigua.
Sa kabila ng mga akusasyon ng katiwalian, nanindigan naman si Guo na tapat siyang nagsilbi sa bayan at mamamayan ng Bamban.
Itinuturing na kasong kriminal ang katiwalian na may sentensyang di bababa sa isang taon hanggang 10 taong pagkakakulong.
Kung mapapatunayang nagkasala, mawawalan na rin ang nasasakdal na muling tumakbo sa anumang posisyon sa pamahalaan at kukumpiskahin rin ng gobyerno ang kanyang mga ari-ariang mapapatunayang nakuha dahil sa katiwalian.
Bukod sa criminal complaint, may kakaharapin ding administrative complaint si Guo dahil sa kapabayaan nito na ma-supervise ang kanyang mga tauhan at pagbibigay ng permit kahit na kulang ang requirements, ayon kay Llamas.
Hindi pagbabayad ng buwis
Lumabas din sa pagdinig sa Senado na inilipat ni Guo ang bahagi ng kanyang pagmamay-ari sa Baofu Land Development,Inc. sa isang Jack Uy na taga Quezon City.
Sa pahayag ng Bureau of Internal Revenue (BIR), sinabi nitong sinampahan ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. ng kasong kriminal sina Guo, Uy, at ang corporate secretary ng Baofu na si Rachelle Joan Malonzo sa Department of Justice nitong nakaraang Agosto 14.
Sa imbestigasyon ng BIR, nadiskubre nitong hindi bayad ang Capital Gains Tax (CGT) at Documentary Stamp Tax (DST) na may kaugnayan sa naturang paglilipat ng shares sa Baofu.
Nahaharap ang tatlo sa paglabag sa Section 254 – Attempt to Evade or Defeat Tax, Section 255 – Failure to File CGT and DST Returns.
Si Carreon naman bilang Corporate Secretary ay nahaharap din sa paglabag sa Section 250 – Failure to File/Supply Certain Information.
“While the parties to the transfer are Guo and Uy, Carreon, as the Corporate Secretary of Baofu Inc. will also face the same criminal case for tax evasion due to her deliberate failure to report the non-payment and non-filing of CGT and DST returns to the BIR. She even verified under oath the General Information Sheet reflecting the transfer even if no taxes were paid and no returns were filed,” ayon sa pahayag ni Commissioner Lumagui.
Kasalukuyang ino-audit ng BIR ang lahat ng negosyo ni Guo kaugnay ng nagaganap na pagdinig sa Senado na naging daan upang madiskubre ang di nila pagbabayad ng buwis.
Pagpapanggap
Bukod sa mga nabanggit na kriminal na kaso, inireklamo rin siya ng Law Department ng Commission on Elections (Comelec) ng false material misrepresentation.
Buhat ito sa nadiskubre ng NBI na iisang tao sina Alice Guo at Guo Hua Ping na isang Chinese, ayon sa pagdinig sa Senado.
Nang kumandidato si Guo sa pagka-alkalde ng Bamban, idineklara niyang Pilipino siya.
Kailangang Pilipino ang sinumang nagnanais humawak ng ano mang posisyon sa gobyerno, base sa patakaran ng Comelec.
Sa inihaing counter-affidavit ni Guo, iginiit niyang nang inihain niya ang kaniyang Certificate of Candidacy idineklara umano niya ang kaniyang mga personal na impormasyon gaya ng kaniyang nasyonalidad at tirahan base sa mga hawak niyang lehitimong mga dokumento na galing sa gobyerno ng Pilipinas at nananatili umano itong may bisa at umiiral mula nang ihain niya ang kaniyang COC at hanggang sa kasalukuyan.
Kayat giit ni Guo hindi siya nakagawa ng anumang false material misrepresentation sa kaniyang inihaing COC.
Dagdag pa ni Guo hindi siya nabigyan ng due process dahil hindi siya nabigyan ng pagkakataon na i-authenticate ang resulta ng ginawang pagsusuri ng ebidensya na sinasabing nagpapatunay na siya at ang Chinese passport holder na si Guo Hua Ping ay iisa.