KAMAKAILAN lamang ay nagbaba ang Federal Reserve ng Estados Unidos (Fed) ng pinagbabatayang interest rate nang hanggang 50 basis points. Marami ang nagalak sa hakbang na ito ng Fed kasama na ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at mga negosyanteng Amerikano dahil magiging mura ang presyo ng salapi at bababa ang gastos sa panghihiram ng pondo na makapagpapalawak sa iba’t ibang gugulin. Dahil sa patakarang ito maaaring mapasigla nito ang tumatamlay na ekonomiya ng Estados Unidos at maiwasan ang nagbabadyang resesyon. Nauna ang BSP nang halos isang buwan nang ibaba nito ang pinagbabatayang interest rate ng 25% basis points na inihayag noong Agosto 15, 2024. Ang pagbababa ng interest rate ng BSP ay umaasa sa pagbababa rin ng interest rate ng Fed dahil kung hindi maaaring makaranas ng depresasyon ang PH piso.
Maraming mamamayan, negosyante at manunuri na tinitignan ang bisa ng pagbababa ng interest rate sa pamamagitan ng pagsusuri kung ano ang epekto nito sa bilihan ng mga instrumentong pananalapi tulad ng bonds at stocks? Ang pagsigla ng bilihan ng stocks ay itinuturing nilang mabisa ang magaan na patakarang pananalapi. Hindi gaanong tinitignan ang epekto sa bilihan ng bonds dahil mga korporasyon lamang at ahensiya ng pamahalaan ang sangkot sa bilihan ng bonds hindi tulad sa bilihan ng stocks kung saan maging ang mga ordinaryong mamamayan ang naglalaro sa bilihan.
Noong nakaraang linggo ay napabalita na maraming manlalaro sa bilihan ng bonds sa Pilipinas ay nagbenta ng kanilang mga lumang bonds at kumita sila dahil sa pagtaas ng ng presyo ng kanilang lumang bond bago pa man magbenta ng mga bagong bonds ang Bureau of Treasury ng pamahalaan.
Dahil ang mga lumang bonds na hawak ng mga manlalaro sa bilihan ng bonds ay nabili sa kapaligiran ng mataas na interest rate, ang presyo mga nito ay mas mababa sa presyong ibebenta ang mga bagong bonds bunga ng pagbaba ng pinagbabatayang interest rate sa antas na 6.25% na itinakda ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Magbigay tayo ng simpleng halimbawa upang ipaliwanag ang pagbabago ng presyo ng mga lumang bond.
Kapag ang isang bond ay may halaga sa papel (par value) na P2000 at nagbibigay ito ng taunang balik na P130, ang porsiyento ng balik sa papel (coupon rate) ay 6.5 porsiyento. Kung gagamitin ng Bureau of Treasury ang pinagbabatayang interest rate na bumaba sa 6.25 % batay sa itinakda ng BSP sa pagtatakda ng porsiyento ng balik sa papel ng mga bagong bond, magtataasan ang demand sa mga lumang bond. Kung ang mga bagong bond na may presyong P2,000 ay makapagbibigay lamang ng P125 na balik na mas mababa taunang balik na P130 ng mga lumang bond tataas ang demand sa mga lumang bond. Sa pagtaas ng demand sa mga lumang bond magtataasan din ang mga presyo nito na maaaring umabot sa halagang P2,080 upang maging kompetitibo sa balik ng mga bagong bonds
Ang epekto ng magaan na patakarakang pananalapi ay hindi gaanong malinaw sa bilihan ng stocks. Halimbawa, hindi naging masigla ang pagtanggap ng bilihan ng stocks sa Estados Unidos sa pagbababa ng Fed ng pinagbabatayang interest rate. Kadalasan, ang mababang interest rate ay inaasahang magpapataas sa kita ng mga kompanya at ng presyo ng kanilang mga stocks. Ang mababang interest rate ay magdudulot din ng pagtaas ng halaga ng discounted cash flow dahil ang ginagamit na discount rate ay bumaba. Ngunit patuloy pa rin ang pagbaba ng presyo ng mga stock ng mga kompanya na ipinagbibili sa stock market taliwas sa inaasahan.
Ang dahilan nito ay bunga ng napakaraming salik na nakakaapekto sa presyo ng stock ng mga kompanya. Nakabatay kasi ang presyo sa mga inaasahan o expectation sa kita ng kompanya, lagay ng ekonomiya, inflation rate at iba’t ibang pangyayari sa industriya.
Halimbawa, ang patuloy na pagbaba ng mga presyo ng stock at pagtamlay ng stock market sa nakaraang mga buwan ay bunga ng pagbabawas ng mga kompanya ng mga hinahawakang stock na nabili gamit ang hiniram na murang JP yen. Ngunit nang magtaas ng interest rate ang Bank of Japan, naging mabigat sa mga kompanyang nangutang ng JP yen ang paghawak nila ng mga stock dahil babayaran nila ang kanilang utang sa mas mataas interest. Upang mabawasan ang kanilang gastos at pagkalugi ibinenta na lang nila ang mga ito at nagbagsakan ang presyo ng mga stock. Ang pangyayaring ito ay hindi batay sa lagay ng ekonomiya ng Estados Unidos o sa pagbabago ng pinagbabatayang interest rate ng Fed.
Maraming sumusuri sa lagay ng ekonomiya ng mga bansa batay sa lagay ng bilihan ng mga stock. Tulad ng nabanggit nating halimbawa, ang pagbagsak ng presyo ng mga stock ay walang kinalaman sa lagay ng ekonomiya dahil lumalago ang GDP ng Estados Unidos at pababa ang direksyon ng inflation rate. Kaya’t hindi makatarungan sabihin bigo ang pagbababa ng interest rate ng Fed kung ang pagbabatayan ay ang hindi nagbagong lagay sa bilihan ng stock.