TIWALA ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Occidental Mindoro na susi ang Hapag Katutubo sa pagkakaroon ng sapat na pagkain ang mga katutubong Mangyan sa lalawigan.
Sinabi ni NCIP Provincial Director Julito Garcia na ang nasabing programa ay hango sa Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay (Hapag) ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na naglalayong tugunan ang kakulangan sa pagkain sa bansa at sinimulang ipinatupad noong 2023.
“Nakita ng pamahalaan ang potensyal ng Lupaing Ninuno upang punuan ang pangangailangan sa pagkain ng ating mga katutubo at makatulong sa food security ng bansa,” sabi ni Garcia.
Ayon pa kay Garcia, nakapaloob sa plano ng Hapag Katutubo sa Occidental Mindoro na pagyayamanin ng mga Tao-buid ang bahagi ng 20,000 ektarya ng kanilang lupaing ninuno sa Brgy. Poypoy, Calintaan sa pamamagitan ng pagtatanim ng prutas at gulay, pag-aalaga ng livestock, at paglalagay ng fishpond.
Ayon kay Garcia, upang magtagumpay ang programa, kakailanganin ng mga katutubo ang tulong mula sa iba’t ibang ahensya kabilang ang Department of Agricuture na maaaring magbigay ng pagsasanay sa pagtatanim at pag-aalaga ng hayop at isda, konstruksyon ng irigasyon mula sa National Irrigation Administration, at makinarya mula sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization.
Batid ng NCIP na isang malaking hamon sa mga katutubo sa lalawigan ang programa subalit naniniwala si Garcia na bukod sa magsisilbi itong tulong sa kasapatan ng pagkain, daan ang Hapag Katutubo upang umunlad ang kabuhayan ng mga Mangyan ng Kanlurang Mindoro. (VND/PIA MIAROPA – Occidental Mindoro)
Mga larawan kuha ng NCIP-Occidental Mindoro