PATULOY ang pagsasagawa ng blood donation drive ng Red Cross Baguio Chapter.
Ayon kay Vina Vanica Asuncion ng Red Cross Youth, hindi pa gaanong sapat ang suplay ng dugo sapagkat maging ang ibang parte ng CAR at mga karatig na rehiyon kagaya ng Region 1, at Region 2 ay sa kanila rin kumukuha ng suplay.
Paliwanag ni Asuncion, mayroong iba’t-ibang components ang dugo kung saan ay inilalaan ang mga ito depende sa pangangailangan ng pasyente o paggagamitan ng dugo.
Kabilang na rito ang whole blood, packed red blood cells (RBC), platelet at frozen plasma and cryo kung saan, may kanya-kanyang paggagamitan ang mga ito.
“For example, may open heart tayo na iba’t- ibang components po ang kailangan. Minsan kailangan po diyan packed RBC, kailangan din po ng platelet, kailangan din po ng fresh frozen plasma. Kung meron naman po nagda-dialysis, so kailangan po nila ng packed RBC. Kung mga operations po, parang sa general operations kailangan natin ng mga whole blood diyan. So different components, [iba’t-iba] rin ang ina-address.”
Ibinahagi rin ng Red Cross Baguio Chapter na sa kasalukuyan ay ang platelet ang may pinakamababang suplay sapagkat ito ay tumatagal lamang ng limang araw kumpara sa ibang mga blood components na nabanggit.
Samantala, pinapaalalahanan naman ang mga nais maging donor na mayroong mga kwalipikasyon bago mag-donate ng dugo.
“Actually, everyone naman basta healthy po, pwede po silang mag-donate. So, what I mean by healthy, at least 50 kilos po sila. Bago po mag-donate, dapat po nakakain na kahit light meal lang po and nakainom po ng at least 500ml of water. And then po, wala po silang ubo at sipon. Wala rin pong fever,” paalala ni Asuncion.
Iniimbitahan ng Red Cross Baguio ang mga nagnanais mag-donate ng dugo na huwag matakot dahil ang pagbibigay ng dugo ay nakatutulong sa pagdugtong ng buhay. (JDP/DEG/Sonmer Lei Sandino, PIA CAR-PHINMA UPang Intern)