31.1 C
Manila
Linggo, Nobyembre 10, 2024

Amerika kontra Alice Guo: Isang simponiya

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

KINUMPIRMA ni Atty. Stephen David, legal counsel ni suspendido Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, na ang dalagang ehekutibo ay tatakbo para sa reeleksyon sa Mayo 2025.

“Sa mga kasong kinahaharap ni Mayor Guo, hayaang ang taumbayan ang humusga,” ani Atty. David.

Unang kapuna-punang reaksyon sa anunsyo ay ang katarayan ni Senador Loren Legarda, na nagwika, “Ha? Ang kapal!”

Maaasahan lamang ang ganung reaksyon ng senadora. Sa pagdinig ng senado sa bintang na sangkot ang mayora sa operasyon ng POGO Philippine Online Gaming Operator) sa Bamban, paulit-ulit na pinaamin ni Legarda si Mayor Guo na ito ay isang Chino sa pamamagitan ng pagtatanong kung ano ang naaalaala ng mayora sa kanyang kabataan. Paulit-ulit din siyang sinagot nito, “Lumaki ako sa farm.”

Napikon ang senadora at pasermon na nagwika, “Paulit-ulit ka na. Lumaki ako sa farm… Lumaki ako sa farm… Tinuturuan ka yata ng abogado mo.” Tiim-bagang si Mayora, kulang na lang ang buweltahan ang senadora, “E, kasi naman, paulit-ulit na rin kayo… Ano ang naaalaala mo… Ano ang naaalaala mo… Yun nga ang naaalaala ko. Lumaki ako sa farm… Lumaki ako sa farm… Bakit kayo galit?”


Kawawang Alice. Kung alam niya lamang, ika nga. Hindi man lang ba niya nahahalata? Ang bawat isa sa mga senador na umuusig sa kanya ay nagsasalita na parang mga musikerong tumutugtog ng iisang melodiya ayon sa kumpas ng iisang konduktor. Simulan mo kay Senador Sherwin Gatchalian na nagsiwalat ng diumano’y mga huwad na impormasyon sa sertipiko ng kapanganakan ni Mayor Guo; kasabay ng mga pagbubunyag naman ni Senador Risa Hontiveros sa diumano’y mga koneksyon ng Mayora sa Hongsheng Gaming Technology, Inc. at Zun Yuan Technology, Inc.; sinundan ng pagdidiin ni Senador Joel Villanueva sa pagpapatotoo ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang fingerprint ni Alice Guo at ng isang Chino na nagngangalang  Guo Hua Ping ay iisa. Umingay na nang husto ang iskandalo nang sumawsaw na rin sa inquisition ang Quad Committee ng Kamara de Representante makaraang maunsiyami ang nilayong pagtakas ng Mayora nang mahuli siya sa Indonesia.

Sa pagtatanong ng senado, inamin ng Mayora na hindi niya kagustuhan ang tumakas; na napilitan lamang siyang gawin ito dahil may banta na papatayin siya; na sa kalagitnaan ng kanyang limang araw na paglalayag patungong Malaysia, kung may magagawa lamang siya ay babalik na lang siya sa Pilipinas at harapin ang anumang kasong isasampa sa kanya sa korte.

Subalit parang biyaya ng langit na sa halip na mapasama ang Mayora bunga ng pagpapasademonyo sa kanya ng mga mambabatas, napaganda pa ang pagtanggap sa kanya ng balana. Sa airport sa Indonesia na roon ay itinurnover siya ng Pulisya ng Indonesia kay DILG Secretary Benhur Abalos, nagmistula siyang superstar na pinagselfiehan ng mga tauhan sa paliparan. Lalo pa siyang pinagkaguluhan nang ang Kongreso at ang pulisya ay mag-agawan sa kustodiya sa kanya.

Halatang pikon na si Senador Hontiveros nang magpaalaala na si Mayor Guo ay hindi isang celebrity kundi isang pugante na naakusahan ng paglabag sa batas.

- Advertisement -

Malinaw na hindi mulat ang senadora na si Mayor Guo ay dumaan sa proseso na ang isang nakagawa ng tapat na pagmamalasakit sa kapwa at pinaratangan ng paglabag sa batas, ay sa halip na kamuhian, kinaawaan pa.

Sa bagay na ito, mapanghahawakan ang patunay ni Bamban dating Mayor Jon Feliciano na malaki ang inasenso ng kanilang bayan mula nang maupo bilang Punongbayan si Alice Guo.

Sa loob-loob ko lang, hindi ba ganito si Kristo? Naakusahan ng kung anu-anong kasalanan upang papagdusahin ng kalbaryo at ipako sa krus. Subalit masdan ang pagdidiyos sa kanya ngayon ng sangkatauhan.

Pero huwag na ang gayong paghahambing at baka magkasala pa tayo ng blasphemy.

Sa totoo lang, kung  ang mga akusador ni Mayor Guo ay para-parang mga musikero nga ng isang orkestra, sila ay tumutugtog ng mga nota ng iisang piyesa, ayon sa kumpas ng iisang konduktor.

Alam na natin ang mga musikero: Sina Senador Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Loren Legarda, Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, Ronald “Bato” de la Rosa,Jayvee Ejercito Estrada, etc., at mga Representante Ace Barbers, Dan Fernandez, Romeo Acop, Gerville Luistro, Migz Nograles, etc.

- Advertisement -

Ang pangangalanan na lang natin ay ang konduktor. May kahirapang tukuyin ito. Sa isang simponiya, ang mga musikero lamang ang nakaharap sa audience; ang konduktor na laging nakatalikod ay haharap lamang oras na tapos na ang musika. Subalit ang musika, bagama’t hindi nakikita, ay dinig na dinig mula intro hanggang coda.

Ano ang intro?

Ang pahiging ni Senador Win  na Chino si Mayor Alice, na peke ang nakalista sa kanyang birth certificate na Pilipino ang nanay niya na Amelia Leal, dahil ang kanyang tunay na ina ay Chino nga na nagngangalang Lin Wen Yi, at dahil ang kanyang ama na si Guo ay purong Chino nga, bawal pala si Alice na humawak ng pwesto publiko. Pero dahil kailangan niyang pekein ang kanyang pagkatao para mahalal sa pwesto publiko, nangangahulugan na malalim ang kanyang dahilan. Ano iyun? Na   bilang purong Chino, si Alice ay itinanim sa pamahalaan ng Pilipinas upang mag-espiya para sa China. Dito nagtatapos ang Intro ng simponiya. Susunod na ang mga Daloy at Contra Punta.

Unang Daloy  

Sa isang interbyu, inihalintulad ni dating Senador Panfilo Lacson si Mayor Guo sa espiyang Israelita na umangat sa pamahalaan ng Syria at nagawang makapag-kalkal ng mahahalagang sikreto nito para sa kapakinabangan ng kanyang bansang Israel.

Sa pagkabulgar ng mga kriminal na gawain ng POGO hub sa Bamban at sa pilit na pagsasangkot dito kay Mayor Guo ni Hontiveros, nagpahayag ng pangamba si Lacson na ang gobyerno ng Pilipinas ay maaaring napasok na nga ng mga espiyang Chino.

Unang contra punta

Ang pinakagrabeng pangyayari sa madalas na kiskisang malamang na malamang na makapagpapasabog sa totoong giyera ng China at Pilipinas sa South China Sea. Binangga ng barko ng China Coast Guard (CCG) ang barko naman ng Philippine Coast Guard (PCG) na naghahatid ng supply sa nakabalahurang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Malaking pinsala ang inabot ng barko ng PCG at naputulan ng hinlalaki ng kamay ang isang tripulante. Naghuhumiyaw sa protesta at pagkondena sa China ang malaking maka-Amerikanong bahagi ng mainstream media ng Pilipinas. At muling inulit ni PBBM ang madalas niyang panguntra sa China na isang-isang Pilipino lang ang masawi sa gawi ng China ay mangyayari ang dapat mangyari. Ibig sabihin, gagana na ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng Pilipinas at Amerika na nagtatadhana ng pagtatanggol ng US sa Pilipinas laban sa pag-atake ng banyagang pwersa.

Pangalawang contra punta

Pakita sa pagkabuo ng Gordian Knot Center for National Security na nakabase sa Stanford University.  Pinamumunuan ito ng isang dating opisyal ng United States Air Force na si Raymond Powell. Binuo ni Powell ang Project Myuoshu sa layuning pagliyabin nang husto ang galit ng mga Pilipino sa China upang papangyarihin ang matagal nang nais ng US na giyerahin ng Pilipinas ang China. Oras na lumala na ang hidwaang Chino-Pilipino sa totoong putukan, papasok ang US upang gawin ang tunay na intensyon nitong giyerahin ang China. Sa paligsahan sa ekonomiya, napangibabawan na ng China ang US, na tersero na lamang sa ilalim ng India. Giyera na lamang ang tanging naisip ng US  na paraan upang mabawi ang kanyang hegemoniya kontra China.

Sa Project Myuoshu, kukunan ni Powell ng satellite images ang inosenteng pagpapatupad ng China ng kanyang mga batas pangkaragatan tulad ng laser beaming at water cannoning at pagmumukhain itong panggigiyera na ng China sa Pilipinas. Sa isang pangyayari, mukhang scripted pa ang pagpapahabol ng isang bangkang Pilipino upang palitawin na ito ay hinaharang ng CCG na makapasok para mangisda sa Scarborough Shoal. Ipopost ni Powell sa kanyang Twitter account ang mga video ng nakunang mga insidente upang pickupin ng mga kasabwat sa mainstream media na siyang maglalathala sa mga ito bilang mga lehitimong balita.

Suma tutal, pinaglubid-lubid na mga kasinugalingan ang pinalilitaw na totoo upang gatungan pa ang nagliliyab nang galit sa China ng parami nang paraming mga Pilipino.

Pangalawang daloy

Bunga ng pagkakasangkot sa mga krimeng ibinibintang sa mga operator ng POGO hub sa Bamban, pinatawan si Mayor Guo ng suspensiyon ng Ombudsman. Sa panahong ito rin pinanindigan na ni Mayor Guo ang desisyon niyang huwag nang humarap sa pagdinig ng senado. Udyok ng banta sa kanyang buhay, pumayag siya sa alok ng isang nagmamalasakit na ilabas siya ng Pilipinas. Ayon sa salaysay ng kapatid na si Shiela, gabi nang umalis silang magkasama ni Mayor Guo sa farm sakay ng isang van, pagkaraan ng mga apat na oras na biyahe, nakarating sa naghihintay na maliit na bangka na kanilang sinakyan papunta sa naghihintay na malaking sasakyang pandagat na pagkaraan ng apat na araw na biyahe ay naghatid sa kanila sa Malaysia. Mula Malaysia naman ay nagbiyahe sila papuntang Singapore na roon ay kinatagpo nila ang magkasintahang Wesley Guo, kapatid ni Alice, at Cassandra Ong. Nagtuloy ang grupo sa Indonesia na roon ay nahuli sina Shiela at Cassandra. Habang balik sa kustodiya ng kongreso ang dalawa, patuloy naman sa pagtatago si Mayor Guo sa Indonesia, mag-isa sa pagpalipat-lipat ng hotel.

Ultimong daloy: Ang coda

Pagpasa ng Kongreso ng Estados Unidos sa $1.6 billion na pondong pampropaganda laban sa China. Sa napakalaking pondong ito nanggagaling ang mga gastusin ng Project Myuoshu na palala nang palala ang pagpaliyab ng apoy ng pandirigma ng Pilipinas laban sa China. Dito rin tiyak na galing ang pantustos sa mga gastusin ng Al Jazeera, ang kilalang international media network na pag-aari ng Emir ng Qatar, na sa terminolohiya ni Herman Tiu Laurel, presidente ng Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI), “client state” ng Estados Unidos. Bilang estadong sunud-sunuran lamang sa US, ang Qatar ay maasahan lamang na tumalima sa bawat naisin ng Amerika. Sa isyu ni Mayor Alice Guo, kapuna-puna na nagsimula siyang uminit makaraang lusubin ng pinagsanib na pwersa ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) at National Bureau of Investigation (NBI) at patawan ng kung anu-anong krimen ang mga nahuling POGO operator, mula illegal gambling at money laundering, hanggang hacking ng government websites, qualified human trafficking, kidnapping at murder. Pinagsademonyo si Mayor Guo agad-agad ng simpleng pagsangkot sa kanya sa mga krimeng ito. At sino ang nasa unahan ng pananangkot na ito?

Ang Al Jazeera

Kabubukas pa lang ng imbestigasyon ng Senado, nakabalita na agad ang Al Jazeera. Para bang si Mayor Guo ay isa na ngang international celebrity.

Saan galing ang impormasyon ng pagkapareho ng fingerprint nina Alice Guo at Guo Hua Ping?

Al Jazeera.

Sino ang nagsabi na ang batang Alice na kilala bilang Guo Hua Ping ay ipinanganak at lumaki sa dating upisina ng Communist Party of China (CPC) sa Fujian, China.

Al Jazeera.

Kaninong video ang nagpakita sa isang preso sa Thailand na She Zhijiang kuno na umaming espiya siya ng CPC, na kasama niya si Mayor Guo sa trabaho bilang espiya, at nanawagan kay Mayor Guo na sumuko na rin para sa kanyang kaligtasan. Di maiwasan ng Mayora ang magpuyos sa galit nang komprontahin siya ni Congresswoman Migz Nograles hinggil sa rebelasyon sa video, na nagtanong, “Bakit ka galit?” “Dahil… mahal ko ang Pilipinas. Hindi ako spy,” madamdaming sagot ng Mayora. Sino nga ang nagpakalat sa video?

Al Jazeera.

Al Jazeera na pinatatakbo nga ng estadong kliyente ng Estados Unidos na Qatar.

Kataka-taka ba na sa panahon ng pagpapasademonyo kay Mayor Guo ng senado, tumanggap ang Chief of Intelligence ng Qatar na si Abdullah bin Mohammed al-Khulaifi ng George Tenet award mula sa Central Intelligence Agency (CIA) dahil sa kanyang papel sa “pagsulong sa kooperasyon sa gawaing intelligence ng Qatar at America”?

Gaya ng Project Myuoshu na hindi kailangang maging totoo ang away ng China at Pilipinas upang pag-giyerahin silang dalawa, hindi kailangang maging totoong espiyang Chino si Mayor Guo upang epektibong makapagsulong sa imbing pakana ng Amerika na higit pang galitin ang mga Pilipino sa China at mangyari ang nilalayong digmaang Chino-Pilipino.

Sa pagsambulat na ito ng kanyang coda, magwawakas ang Mayor Guo Symphony. Ngayon lamang malalantad ang konduktor na haharap upang tumanggap ng papuri – si Uncle Sam, sino pa?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -