NAKAPAGTALA ang Bulkang Taal ng anim na maliliit na phreatic eruptions sa nakalipas na 24 oras, ayon sa abiso ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Linggo, Oct 6.
Ayon sa Phivolcs, tumagal ang mga maliliit na pagsabog mula isa hanggang tatlong minuto, habang ang isang phreatomagmatic eruption ay tumagal ng apat na minuto. Mula Setyembre 22, 2024, umabot na sa 30 minor eruptions ang naitala sa bulkan.
Naitala rin ang siyam na volcanic earthquakes, kabilang ang dalawang volcanic tremors na tumagal nang anim na minuto.
Samantala, 2,068 tonelada ng sulfur dioxide (SO2) naman ang ibinuga ng Bulkang Taal nitong Sabado at nagkaroon din ng katamtamang pagsingaw na umabot ng 900 metro ang taas, na napadpad sa timog-kanluran.
Sa kasalukuyan, nananatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal at maaari itong itaas kung magpatuloy o lumakas pa ang phreatomagmatic activity ng bulkan, ayon sa Phivolcs.
Patuloy namang nakaalerto ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) Calabarzon sa aktibidad ng Bulkang Taal at sa kahandaan ng mga lokal na pamahalaan sa paligid nito.
Sa isinagawang pagpupulong ng RDRRMC Calabarzon, iniulat ng mga lokal na pamahalaan na walang malaking epekto ang naitalang phreatomagmatic activity nitong Sabado, kasunod ng napabalitang pag-ulan na may kasamang putik sa isang lugar sa Agoncillo.
Ayon kay June France De Villa, Municipal Disaster Risk Reduction Officer ng bayan ng Agoncillo, bagama’t may ilang lugar na nakaranas ng pag-ulan, wala silang nakitang pag-ulan na may kasamang putik.
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng kanilang tanggapan sa mga barangay, lalo na sa mga lugar na malapit sa bulkan, upang maiwasan ang panic o pagkabahala ng mga residente.
Napagkasunduan ng mga miyembro ng RDRRMC ang patuloy na koordinasyon at ang paglalagay ng standby on duty sa online Emergency Operations Center para sa mas mabilis na pagpapalitan at paghahatid ng tamang impormasyon sa mga Batangueño. (PIA BATANGAS)