NANAWAGAN si Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino sa Department of Tourism (DoT) na maglatag ng transition fund at mekanismo para sa promosyon ng turismo sa Sulu sa nalalabing bahagi ng taon, gayundin ang paglilipat ng probinsya sa hurisdiksyon ng Zamboanga Peninsula Region (Region IX), magmula sa panukalang badyet sa susunod na taon.
Ito ang binigyang tuon ng senador sa pagdinig ng finance sub-committee sa panukalang badyet para sa DoT at mga ahensya nito para sa taong 2025.
Magugunita na si Tolentino ang pirming nangalampag sa pamahalaan para lumikha ng Sulu Transition Fund sa iba’t ibang departamento ng gobyerno. Ito’y matapos ibaba ng Korte Supremo ang pag-uutos nito na naghihiwalay sa probinsya mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“Matapos ang pagkakatanggal ng Sulu sa BARMM noong Setyembre 10, na sa aking pagkakaalam ay pinalawig hanggang Setyembre 15, lahat ng tourism employees na nakabase sa Sulu sa ilalim ng Ministry of Trade, Investment, and Tourism ay mawawalan na ng empleyo. Hihinto na rin ang mga proyekto at isasara naman ang mga opisina,” paliwanag nya.
Bilang tugon kay Tolentino, ibinahagi ni DoT Secretary Christina Garcia Frasco na bumuo na ang ahensya ng isang technical working group. Binanggit din nito ang isang kahalintulad na kaso noong buuin ang Negros Island Region (NIR).
Bilang dagdag, siniguro pa ni Frasco na nakapaloob sa mga plano ng pamahalaan ang tourism development para sa Sulu, na aniya’y kinikilala ng administrasyon bilang isang ’emerging tourism destination.’
“Sana po sa pag-finetune natin ng budget, huwag po natin makalimutan ang lalawigan ng Sulu kasi hindi lang sila bahagi ng tourism and culture, but they deserve to be a part of the greater pie in terms of national budgetary allocation,” saad ni Tolentino.
Hinimok ng senador na pagtuunan din ng DoT ang lalawigan ng Tawi-Tawi, lalo na’t kakapasa pa lang sa Senado ng panukala para ideklara ang ‘Sheikh Karim’ul Makhdum Day’ sa naturang lalawigan.
Pagdidiin ng senador, malaki ang maiaambag ng panukala sa promosyon ng tradisyon at kultura ng mga kapatid na Muslim, dahil kinikilala rin nito ang pagkakatatag sa pinakaunang mosque sa kasaysayan ng bansa.