25 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 7, 2024

PCG matagumpay na naibalik ang nawawalang mangingisda sa Infanta

- Advertisement -
- Advertisement -
MATAGUMPAY  na nakauwi si Ruben Dejillo sa kanyang pamilya sa Barangay Dinahican, Infanta, Quezon, matapos ang matagal na pagkakahiwalay, sa pamamagitan ng masusing koordinasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Si Ginoong Dejillo, 49 taong gulang, ay natagpuan ng mga tauhan ng MV Veronica, isang pampasaherong barko na naglalayag mula Itbayat patungong Basco noong Setyembre 19, 2024, matapos mawala nang 46 na araw sa karagatan ng Batanes. Siya ay agad dinala sa Batanes General Hospital upang malapatan ng lunas para sa severe malnutrition at dehydration at sumailalim sa masusing medikal na pagsusuri.
Ang PCG Station Batanes ay nagsagawa ng 24/7 na pagbabantay upang masiguro ang kaligtasan ni Dejillo habang nagpapagaling. Nang maglabas ang kanyang doktor ng medical certificate na idinedeklarang siya ay “fit to travel,” mabilis na inihanda ng Coast Guard District Southern Tagalog (CGDSTL) ang aerial transport mula Basco, Batanes patungo sa Coast Guard Aviation Command (CGAvCom) sa Pasay City.
Si Dejillo ay sinalubong ni Lieutenant Commander Paul Vincent La Rosa, isang medical nurse mula sa PCG, Lord Arnel Ruanto, Bise-Alkalde ng Infanta, at Police Major Ed Richard Pacana, hepe ng Pulisya ng Infanta.
Matapos mabigyan ng clearance ang Batanes mula sa epekto ng bagyo, agad na naisagawa ang aerial transport mission. Sa tulong ng eroplano ng PCG, BN Islander 4177, nakarating si Ginoong Dejillo kasama ang mga opisyales ng ligtas sa NAIA Terminal 4 bandang alas-tres ng hapon noong ika-4 ng Oktubre 2024.
Mula sa paliparan, sinigurado ng mga tauhan ng Coast Guard Station Southern at Northern Quezon ang seguridad at dagdag na suporta upang makauwi siya ng ligtas sa kanyang tahanan sa Barangay Dinahican.
Pagdating niya sa kanyang tahanan, magiliw na sinalubong si Ginoong Dejillo ng kanyang mga kaanak at pamilya, puno ng saya at pasasalamat sa kanyang ligtas na pagbabalik matapos ang matagal na pagkawala.
Lubos ang pasasalamat sa walang sawang pagtutok at suporta nina Quezon Governor Doktora Helen Tan at Batanes Governor Marilou Cayco upang maisakatuparan ang tagumpay ng misyong ito.
Ipinapakita ng misyong ito na sa kabila ng kakulangan, ang mga higit na nangangailangan ay dapat bigyan ng sapat na suporta at atensyon, lalo na sa panahon ng krisis. Patunay ito na sa serbisyong publiko, lahat ng pangangailangan, maliit man o malaki, ay mahalaga at dapat tugunan.
Teksto at mga larawan mula sa Philippine Coast Guard
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -