INILUNSAD na bilang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Currency Exchange Partner (CEP) ang Perpetual Help Community Cooperative (PHCCI) noong ika-25 Setyembre 2024 sa Dumaguete City, Negros Oriental.
Pinangunahan ang paglagda ng Pledge of Commitment ni PHCCI Chief Executive Officer Cliffordson Lariosa. Dumalo rin sa paglulunsad sina BSP Visayas Regional Office Director Anna Clara Oville at Dumaguete Branch Area Director Maria Jocelyn Ladero.
Bahagi ito ng BSP Piso Caravan program na nagsusulong ng BSP Clean Note and Coin Policy at Coin Recirculation program. Sa pamamagitan ng mga Currency Exchange Center (CEC) at CEP, mas nagiging madali ang pagpapalit ng mga marurumi (unfit) at sira-sirang* (mutilated) pera ng bagong (fit) salapi.
Bukas ang currency exchange counter ng PHCCI-Dumaguete Office mula Lunes hanggang Sabado, 8:30 a.m. hanggang 5 p.m.
Samantala, bukas araw-araw ang currency exchange counter ng PHCCI mall offices (Robinsons Mall and Citimall), 10 a.m. hanggang 6:30 p.m.
Para sa BSP-supervised financial institutions at ibang mga organisasyon na nais makibahagi sa Piso Caravan Program, makipag-ugnayan sa pinakamalapit na BSP regional office o branch sa inyong lugar.
Listahan ng BSP regional offices at branches: https://bit.ly/robbsp
*Susuriin ang pera base sa 3S (size, signature at security thread) na pamantayan ng BSP.