“Dahil kung wala sigurong ALS, hindi ko talaga mas madaling makamit ‘yung goal ko na tapusin ‘yung pag-aaral ko, of course, to enjoy the benefits of my hard work.”
Lumaki si Jeb Bayawon sa isang landfill area sa Cagayan de Oro, bunso man sa magkakapatid, maaga siyang namulat mamuhay na may responsibilidad. Natuto siyang mag-recycle ng mga lumang gamit at mangolekta ng mga plastic bottles upang makatulong sa kaniyang mga magulang. Huminto si Jeb sa pag-aaral simula nang mawala ang kaniyang ama dahil sa sakit na tuberculosis.
Sa kabila ng kaniyang kalagayan, nagkaroon siya ng matibay na determinasyon upang baguhin ito. Noong 2008, bumisita sa kanilang lugar ang Philippine Island Kids International Foundation, Inc. (PIKIFI) at hinikayat ang mga bata, katulad niya, na bumalik sa pag-aaral.
“I said yes; I want to go back to studying. They asked for my mother’s consent to see if she would allow us to live in a temporary shelter where they could provide our basic needs,” aniya.
Natapos ni Jeb ang pag-aaral sa Sacred Heart Village Elementary School – Phil. Island Kids Int’l Foundation Inc. Annex, ngunit hindi na ito nasaksihan ng kaniyang ina. “This is the time when I feel alone because most of my siblings are married, so nakapag-decide talaga ako na doon na lang ako sa foundation mag-stay,” paliwanag niya.
Sa edad na 17, sinabi ni Jeb na tila masyado na siyang matanda para maging Grade 7 student. Dito, siya nagpasya na mag-enroll sa Alternative Learning System (ALS) PIKIFI CLC West 1 District sa Division of Cagayan de Oro City, kung saan siya ay nagtapos noong 2013.
Ipinagpatuloy ni Jeb ang pag-aaral hanggang kolehiyo sa Mindanao State University at nakamit ang diploma noong 2018 sa kursong Bachelor of Secondary Education, Major in English. Bukod dito, nagplano rin si Jeb na kumuha ng Licensure Examination for Teachers (LET) at nakapasa sa unang pagkakataon.
Sa kaniyang tagumpay, taos-pusong ibinalik ni Jeb ang tulong na ibinigay sa kaniya ng PIKIFI sa pamamagitan ng pagtatrabaho bilang Monitoring and Evaluation Accountability Learning Officer sa isang proyekto.
Ibinahagi rin ni Jeb na nais niyang maging ALS Facilitator sa secondary education upang magbigay ng gabay at edukasyon sa mga Out-of-School Youth and adults na katulad niya. Sa ngayon, abala si Jeb sa kaniyang food cart business sa Cagayan de Oro.
Teksto mula sa Department of Education Facebook page. Mga larawan mula kay Jeb Bayawon.