NOONG nakaraang linggo tinalakay natin sa kolum na ito ang tagisan sa pagitan ng patakarang fiscal at patakarang pananalapi sa pagsugpo sa mahinang katatagan ng ekonomiya. Isa sa mga dahilan sa kahinaan ng bisa ng patakarang pananalapi sa epekto nito sa pagbabago ng pambansang kita ay ang tinatawag na liquidity trap.
Ang liquidity trap o kagustuhan sa paghawak salapi ay isang kalagayang nararanasan ng mga mamimili at negosyante kapag tumitingkad ang pagkiling nila sa paghawak ng salapi sa halip na paghawak o pagbili ng mga produkto at serbisyo. Ang pagkonsumo ng mga produkto at serbisyo sa pagitan ng panahon ay itinatakda ng pagbabago sa interest rate. Ang interest rate ay maaaring ihayag bilang presyo ng kasalukuyang pagkonsumo relatibo sa presyo ng pagkonsumo sa hinaharap. Kapag tumataas ang interest rate nagpapahiwatig ito na tumataas din ang presyo ng kasalukuyang pagkonsumo ng mga produkto kaysa presyo ng hinaharap na pagkonsumo. Dahil dito, liliit ang kasalukuyang pagkonsumo o tataas ang pag-iimpok ng mga mamimili. Nagpapahiwatig ito na hahawak ng maraming salapi ang mga mamimili o mag-iimpok sila upang magamit ang hinahawakang salapi sa hinaharap na pagkonsumo dahil mas mura ito kung ihahambing presyo ng kasalukuyang pagkonsumo.
Kapag bumababa naman ang interest rate nagpapahiwatig ito na nagiging mas mura ang presyo ng kasalukuyang pagkonsumo kung ihahambing sa presyo ng hinaharap na pagkonsumo. Sa ganitong sitwasyon, tataas ang pagkonsumo o iliit ang paghawak ng salapi o pag-iimpok dahil mas mahal ang presyo ng hinaharap na pagkonsumo.
Ngunit kapag nakararanas ang mga mamimili ng liquidity trap kahit anong pagbaba ng interest rate ay mas pipiliin nilang humawak ng salapi o mag-impok sa halip na itaas ang kanilang kasalukuyang pagkonsumo at iba pang gugulin. Ang ganitong gawi ay salungat sa prinsipyong inilahad sa itaas.
Noong dekada 1930, laganap ang naranasang liquidity trap ng mga mamimili at negosayante kaya’t hindi kumbinsido si John Maynard Keynes sa bisa ng mapagpalawak ng patakarang pananalapi o sa pagbababa ng interest rate upang pataasin ang pagkonsumo, pangangapital at iba pang gugulin at ang pambansang kita dahil pinipili ng mga mamimili at negosyante na itago ang murang salapi sa halip na gamitin nila ito sa iba’t ibang gugulin upang mapataas ang pambasang kita. Dahil dito nagpapatuloy ang resesyon sa ekonomiya.
May mga dahilan kung bakit nakararanas ng liquidity trap ang mga mamimili at negosyante sa panahon ng resesyon. Sa mga negosyante, tinatabangan silang mangapital kahit mura na ang pangungutang ng pondo dahil sa lagay ng matamlay na ekonomiya at mahinang demand masasayang lamang ang dagdag na kapasidad dahil kakaunti lamang ang bibili ng kanilang dagdag na produksiyon. Samantala, sa mga mamimimiling may pansamantalang trabaho, hindi lahat ng kanilang kinikita ay ginagamit sa pagkonsumo. Malaking bahagi ng kita ay inilalaan sa pag-iimpok dahil hindi sila nakasisiguro na may trabaho pa sila sa hinaharap. Ang kanilang pag-iimpok ay nakalaan sa hinaharap na pagkonsumo dahil ang kanilang trabaho at kita sa hinaharap hindi sigurado.
Sa kasalukuyan ang mapagpalawak na patakarang pananalapi ay humaharap din sa liquidity trap na nararanasan sa Japan. Ang matinding resesyon sa Japan na umabot ng mahigit sa tatlong dekada ay bunga ng liquidity trap. Isa sa pangunahing dahilan sa paglala at pananatili ng resesyon sa Japan ay bunga ng malaking proporsiyon ng matatanda sa kanilang populasyon. Dahil karamihan sa mga matatanda ay retirado na umaasa lamang sila sa kanilang pensiyon at naimpok na salapi sa nakaraan upang tustusan ang kanilang pagkonsumo. Sa ganitong sitwasyon ang anumang dagdag na kita o ayuda mula sa pamahalaan ay iniimpok nila sa halip na gamitin sa kasalukuyang pagkonsumo dahil hindi sila nakasisiguro na may tatanggapin pa silang kita sa hinaharap.
Pinalala pa liquidity trap ng humahabang inaasahang buhay ng mga mamamayan sa Japan. Kung ang inaasahang taon ng buhay ay aabot sa 95 taon samantalang nagreretiro sila sa edad na 70 taon, dapat paghandaan ng kanilang pensiyon at inimpok na salapi ang 25 taon ng pagiging retirado. Sa baba ng kanilang pensiyon at inimpok talagang titipirin ng mga matatanda ang kanilang pagkonsumo. Kayat ang anumang dagdag na kita ay hindi nila inilalaan sa dagdag na pagkonsumo bagkus ay idinaragdag nila sa kanilang pag-iimpok upang makasiguro sila na may pagkukunan silang kita sa kanilang katandaan. Ang ganitong sitwasyon ang nagpatagal at nagpalala ng resesyon sa Japan.
Ang aral ng liquidity trap sa atin ay nakatuon sa alokasyon ng ating kita sa pagkonsumo. Ang alokasyong ito ay hindi lamang sa pangkasalukuyang pagkonsumo ngunit sa panghinaharap din. Kung ang kita ng mga mamamayan sa hinaharap ay hindi nakatitiyak, mapipilitang magtipid ang mamamayan sa kasalukuyan upang ang inilaang kita sa hinaharap ay magagamit nila sa pagkonsumo sa hinaharap. Dito lumalabas ang kagustuhan sa paghawak ng salapi o liquidity trap. Kung may katiyakan sa hinaharap na kita, nawawala ang liquidity trap dahil ang pagkonsumo sa pagitan ng mga panahon ay nababatay sa epekto ng pagbabago ng interest rate.