27.8 C
Manila
Huwebes, Enero 16, 2025

Lagnas Bridge sa Sariaya, Quezon, sasailalim sa rehabilitasyon; mga kaugnay na hakbang pinaigting

- Advertisement -
- Advertisement -

PATULOY ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga hakbangin kaugnay ng pagsasara ng Lagnas Bridge sa bayan ng Sariaya, na napinsala ng magkakasunod na bagyo sa lalawigan.

Ayon sa DPWH, ang tulay, na bahagi ng Maharlika Highway at nagsisilbing pangunahing daan, ay kinakailangang sumailalim sa rehabilitasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.

Sa isang consultative meeting kamakailan, binigyang-diin ni Quezon Governor Angelina “Doktora Helen” Tan ang kahalagahan ng mas maayos na ugnayan upang mapanatili ang kaligtasan ng mga motorista habang isinasagawa ang mga pagsasaayos sa tulay.

Aniya, mahalagang maiwasan ang “total closure” ng mga pangunahing daan at tulay upang hindi makaapekto sa mga rescue operations, lalo na sa panahon ng kalamidad.

Napagkasunduan sa pulong na mananatiling sarado ang Lagnas Bridge sa mga malalaking sasakyan habang isinasagawa ang rehabilitasyon sa mga poste ng tulay.

Ang pagsasaayos ay tatagal ng apat hanggang anim na buwan, kabilang ang micropiling, ground sealing, at paglalagay ng sabo dam upang matiyak ang matibay na pundasyon nito. Ang mga poste ay nasira dulot ng malalakas na agos ng tubig at boulders na dala ng nagdaang mga bagyo.

Ang mga motorista ay inabisuhang dumaan sa mga alternatibong daan gaya ng Quezon Eco-Tourism Road, San Juan-Candelaria JCT Candelaria-Bolboc Road, at Candelaria Bypass Road.

Dumalo sa pagpupulong ang mga opisyal mula sa DPWH, mga alkalde ng mga karatig-bayan, kinatawan ng Quezon police, DRRMOs, at iba pang ahensya gaya ng Land Transportation Office at Bureau of Fire Protection.

Bukod sa pagtalakay sa teknikal na aspeto ng proyekto, binigyang-diin din ni Gov. Tan ang pangangailangan ng “proactive planning” para sa pagpapabuti ng imprastruktura at pagbuo ng mga alternatibong daan, lalo na sa mga oras ng kalamidad.

“Hindi lamang ang kasalukuyang kondisyon ng tulay ang dapat nating pagtuunan ng pansin, kundi pati na rin ang pagpaplano para sa mga access roads na magpapabilis sa ating response sa mga emergency,” dagdag pa ng gobernador. (R. Orinday/ PIA-Quezon)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -