26 C
Manila
Huwebes, Disyembre 12, 2024

APEC sa realidad ng mundo ng kalakalan

- Advertisement -
- Advertisement -

DI-MAPAPASUBALIANG batas ng kalakalan ay ang pagkakaroon ng prodyuser, ang tagapaglikha ng mga bilihin, at konsyumer, ang mamimili ng mga paninda. Kaiba sa sinundang sistema ng palitan ng mga kalakal, na kapwa prodyuser ang nagkakapalitan ng mga kalakal — halimbawa  ang huli ng mangingisda kapalit ng aning pagkain ng magsasaka — sa kalakalan, ang mamimili ay walang kakayahan ni anuman na magprodyus ng anumang pangangailangan sa buhay — pagkain , gamot, pananamit, ano pa? — kung  kaya bili na lang siya ng bili ng mga panindang likha ng prodyuser.

Ang ganitong batas ang siyang dapat na nasusunod pa rin sa kalakalan ng mga bansa. Bibili lang ang isang bansa ng mga kalakal na hindi niya kayang iprodyus. Ganunpaman, sa dami ng mga kalakal na kailangan ng bawat bansa, may mga pangangailangan na hindi kayang likhain ng isang bansa, kung kaya kailangang angkatin niya ito sa pana-panahon. Ganun din naman sa pana-panahon, umaangkat sa kanya ang ibang bansa ng mga bilihin na siya lamang ang may kakayahang lumikha. Sa ganitong kalakaran, napaiiral ang malayang kalakalan sa mundo.

Kung ano ang meron ka, iluluwas mo doon sa wala; kung ano ang wala ka, aangkatin mo doon sa meron.

Sa batayang prinsipyong ito ko inilalagay ang kahalagahan ng mga rehiyunal na porum  ekonomiko.

Kamakalawa, nagdaos ang Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI) ng talakayan kaugnay ng kararaang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Forum na ginanap sa Peru noong Nobyembre 15-16, 2024.


Malungkot na ang talakayan ng ACPSSI ay naitakda mismong sa oras ng aking hindi maiiwasang dialysis procedure. Sa okasyon sana na iyun ko nilayong ipaliwanag ang kaisipan hinggil sa kalakalan na nagsimula ko nang dalirutin sa murang gulang pa lamang. Nangyari nga lang na sa pagpalaot ko sa mga pakikibaka sa buhay, ganap nang natabunan ang murang pag-iisip  kong iyun hinggil sa kung papaano umiinog ang mundo ng mga kalakal: na ang anumang pangangailangan ng tao ay nagiging kalakal lamang dahil sa ito ay nililikha ng uring nag-mamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon at ipinagbibili sa mga uring walang kagamitan sa produksyon. Sa ganitong kalagayan, imposibleng magkaroon ng tunay na pagkakapantay ang mga tao sa lipunan.

Ang kalakalan ay siyang nag-iisang larawan ng di-mapagkasundong ugnayan ng mga nag-mamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon at ng dambuhalang sangkatauhan na ang tanging pag-aari ay ang lakas paggawa na gamit upang kumita ng pambili sa palengke ng kanilang mga pangangailangan sa buhay.

Kalakalan ang nag-iisang pwersa na nagpapaikot sa sandaigdigan.

Naririto tayo ngayon sa paksa ng Peru APEC 2024.

- Advertisement -

Simpleng tanong: Papaano maiiba ang kalakalan sa pagitan ng mga bansa sa kalakalan sa pagitan ng prodyuser at konsyumer?

Simpleng sagot: Walang dapat na pagkakaiba, dahil kung meron, hindi na kalakalan ang pinag-uusapan.

Samakatuwid, hangga’t may kalakalan sa pagitan ng mga bansa, hindi mangyayari ang pantay-pantay nilang pag-unlad. Lalagi nang may iilang naka-aangat na mga bansa na sa mga ito nakaasa ang karamihan sa mga nasyon ng daigdig na pawang hikahos.

Sa pamantayang ito dapat tingnan kung saan lumalagay ang Pilipinas? Oo nga’t kabilang siya sa APEC, subalit ang nangingibabaw na katanungan ay kung sa anong kategorya siya kabilang. Siya ba ay prodyuser o siya ay konsyumer?

Sumasagi sa ating alaala ang panahon ng martial law. Nasa P2 noon ang $1 (kontra sa P59 ngayon sa $1), at sa tantiya ng mga eksperto, pumapangalawa na ang Pilipinas sa Japan kung pag-uusapan ang pag-unlad sa ekonomiya.

Bakit nga ang hindi? Papalago ang mga industriya sa lahat ng larangan: mining, textile, automotive, infrastruktura, etc.

- Advertisement -

May higing pa na may panimula nang programang pangkalawakan si Presidente Ferdinand E. Marcos.

Pinakamatingkad na pag-unlad sa agrikultura ay ang paglikha ng International Rice Research Institute (IRRI) ng variety ng palay na kayang magbigay ng 99 kabang ani sa isang ektarya. Ito ang uri ng palay na niyakap ng Thailand upang pagkaraan ng maiksing panahon ay nagtampok sa bansang iyun bilang pangunahing manluluwas ng palay sa mundo. Ewan kung bakit sa kaso ng Pilipinas, pagkaraan ng rehimeng Marcos, bumalik ang bansa sa pagiging muling importador na lamang ng bigas.

Ang pagkalugmok ng industriya ng bigas ay salamin ng kabuuang

pagbagsak ng ekonomiya ng Pilipinas. Ganap na naglaho ang mga steel mill, mga pabrika ng tela, ang papalago nang industriya ng mga sasakyan, atbp.

Mula sa pausbong na prodyuser ng kabuhayan bumagsak ang Pilipinas sa pagiging konsyumer na lamang ng bawat pangangailangang pangkabuhayan. Maging ang mga kaliit-liitang paninda tulad ng bawang at sibuyas ay inaangkat na.

Ang kalunos-lunos, salat sa anumang produktong maaaring iluwas at pagkakitaan ng pandugtong sa pambansang kabuhayan, wala nang iba pang nailuluwas ang Pilipinas kundi ang ultimong buhay at hininga ng sambayanan: ang mga OFW.

Sa Hong Kong, sa Taiwan, sa Macau, sa Gitnang Silangan, sa Canada, sa Europa, sa Estados Unidos, etc., etc., naroroon sila, ang mga overseas Filipino workers, nagpapakahirap sa bawat klase ng trabaho upang maigapang sa paghihikahos ang mga pamilyang umaasa sa kanilang buwanang padala. Suriin kung hindi ang mga regular na remittances ng mga OFW ang isa sa pinakamalalaking kontributor sa dollar reserves ng Pilipinas.

Kung gaano kalaki ang kontribusyon na iyun ay larawan ng kung gaanong hirap ang dinaranas ng sambayanang Pilipino dahil sa pagbagsak ng Pilipinas mula sa papalagong Tiger Economy noong panahon ng amang Marcos tungo sa panahon ng anak na Marcos ngayon na ang bansa ay kabilang na sa mga kulelat sa hanay ng Asean (Association of Southeast Asian Nations.)

Anyare?

Bumagsak si FM sa EDSA People Power Revolt noong 1986. Nabago ang Konstitusyon ng Pilipinas at nabawi ng mga oligarko ang mga public utilities. Kaalinsabay pa rin ang paglimita ng mga oligarkong ito ng kanilang pamumuhunan sa real estate (lupa at panggitnang uring pabahay) at kalakalang tingi (retail trade) na ang bunga nito ay ang ganap na kawalan ng atensyon sa mga estratehikong industriyang siyang kinakailangan upang ang Pilipinas ay taas-noong makihanay sa kahit aling maunlad na bansa sa mundo.

Sa ngayon nagkakapalitan lamang sa karangyaan bilang pinakamayayamang Pilipino ang mga oligarkong hari ng kalakalang tingi at mga oligarkong panginoon sa palupa at pabahay.

Sa kaayusang ito, walang kapag-a-pag-asang lumahok sa pag-unlad ang kalakhan ng nagdarahop na sambayanang Pilipino.

Paano tinugunan ang usaping ito sa nagdaang APEC 2024?

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -