NADAGDAGAN ang gates na binuksan sa Ambuklao Dam sa Bokod, Benguet kasabay ng nararanasang mga pag-ulan dulot ng bagyong Pepito.
Ayon kay Brgy. Ambuklao Kagawad Brian Dalilis, ala una ng hapon nitong Linggo (Nov. 17) ay binuksan ang karagdagang gates ng dam.
Walong gates ang binuksan nang 0.5 meters o kabuuang 4 meters. Kagabi ay unti-unting dinagdagan ang gate opening hanggang sa kabuuang 7 metro.
Binigyang-diin ni Dalilis na naabisuhan ang mga residente sa lugar bago magpakawala ng tubig ang dam. Samantala, nadagdagan din ang binuksang gates ng Binga Dam sa Itogon, Benguet.
As of 5:00 pm nitong Linggo, anim na gates ng dam ang nakabukas o kabuuang 5 metro.
Kasabay ng mahigpit na monitoring ng mga kaukulang opisyal ay ang panawagan sa mga residenteng naninirahan malapit sa ilog lalo na sa mga daanan ng tubig mula sa mga nasabing dam na maging alerto at lumikas kung kinakailangan.
Ang tubig mula sa Ambuklao Dam sa Bokod, Benguet ay dumadaloy patungo sa Binga Dam sa Tinongdan, Itongon, Benguet habang ang tubig mula sa Binga Dam ay sinasalo ng San Roque Dam sa San Manuel at San Nicolas, Pangasinan sa kahabaan ng Agno River.
Una nang isinailalim sa tropical cyclone wind signal no. 4 ang buong Benguet kung saan, naranasan nang halos magdamag ang malakas na pag-ulan kasabay ng pagbayo malalakas na hangin dulot pa rin ng bagyong Pepito.
Ang Ambuklao at Binga hydro power dams ay nagsusupply ng power sa Luzon grid. (DEG-PIA CAR)