PINANGUNAHAN ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” Pangandaman ang pagsasagawa ng ikalimang bloodletting activity ng Dugtong Buhay Movement sa UP Manila Philippine General Hospital (UPM PGH) ngayong araw, ika-6 ng Disyembre 2024.

Ang Dugtong Buhay Movement ay itinatag at pinamumunuan ni Secretary Mina, na binuo sa pakikipagtutulungan sa Philippine Red Cross (PRC), Philippine Coast Guard (PCG), at Philippine National Police (PNP).
Nakibahagi rin sa ika- 5 blood letting activity ang UPM PGH, Bureau of Jail Management and Penology, Coca-Cola Philippines, PS-DBM at GPPB.
Sa nasabing bloodletting activity, binigyang diin ni Sec. Mina ang kahalagahan ng pagdo-donate ng dugo na aniya’y makapagliligtas ng buhay ng mga taong lubhang nangangailangan nito.
“Ngayon pa lamang po, gusto kong bigyang-diin na makapagliligtas at makapagbabago ng maraming buhay ang inyong kabutihan. Sa inyong partisipasyon, ipinapakita ninyo ang tunay na diwa ng pagkakaisa at serbisyo na nagpapalakas sa ating komunidad. Ang lagi ko nga pong sinasabi sa lahat ng blood donation drive natin, napakahalaga ng aktibidad na ito dahil nagbibigay tayo ng isang bagay na libre, pero walang katumbas ang halaga—ang magdugtong ng buhay,” pahayag ng Kalihim.
“Ngayong holiday season, ang dugong inyong handog ay maituturing na isang maagang regalo para sa mga nangangailangan,” dagdag pa ni Sec. Pangandaman.
Sa pagtatapos ng aktibidad, umabot sa 300 donors ang matagumpay na nakunan ng dugo.
Samantala, sa ngalan naman ng mga pasyente at healthworkers ng UPM PGH ay nagpasalamat si Chancellor Michael Tee kay DBM Secretary Pangandaman at sa mga partner institutions.
Layunin ng Dugtong Buhay Movement na itaguyod ang pampublikong kalusugan sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa boluntaryong pagdo-donate ng dugo upang makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng medikal na atensyon.
Alinsunod sa Bagong Pilipinas agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., binibigyang-diin ng bloodletting drive ang kahalagahan ng suporta ng komunidad para sa mga nangangailangan, lalo na sa panahon ng mga emergency.
Sinusuportahan din ng inisyatiba ang Republic Act No. 7719, o ang National Blood Services Act of 1994, na nagtataguyod sa pagkakaroon ng ligtas at sapat na suplay ng dugo sa bansa.