31.1 C
Manila
Huwebes, Enero 16, 2025

Ekonomiks ng Kapaskuhan

- Advertisement -
- Advertisement -

KAHAPON  ay ipinagdiwang natin ang Pasko, ang araw sa paggunita ng kapanganakan ni Hesukristo, ang Manunubos. Ito ay isang sagradong araw sa mga Kristiyano sa buong mundo ngunit parang nauuwi na ito sa komersiyalismo sa pagiging abala ng mga tao sa mahabang panahon ng paghahanda sa kinasasabikang araw. Sa ating bansa ang panahon ng Kapaskuhan ay sinisimulan sa pagpasok pa lamang buwan ng Setyembre at nagwawakas sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Santo Niño sa Enero.

Bakit ang panahon ng kabanalan ay nagiging panahon ng komersiyalismo? Bakit ang presyo ng mga produktong panghandaan tulad ng hamon, lechon, manok, baboy, karne ng baka, isda, pancit, spaghetti, gulay, fruit cocktail at prutas ay nagtataasan? May mga paliwanag dito. Una, ang suplay ng mga produktong panghandaan sa Christmas party at Noche Buena at mga regalo pang exchange gift ay nagtataasan ang gastos sa paglalaan ng mga ito. Ang limitadong sangkap sa produksyon sa harap ng napakaraming demand sa mga sangkap na ito ay nauuwi sa pagtaas ng presyo ng mga produktong nabanggit.

Ang ikalawang dahilan at marahil ang pinamatinding dahilan ay ang lumalaking demand sa mga produktong nabanggit sa panahon ng Kapaskuhan. Ang pagtaas ng demand ay bunga ng pagtaas ng kita at pag-usbong ng naiibang panlasa sa panahong ito. Tumataas ang kita ng mga manggagawa at nagmamay-ari ng negosyo sa pagwawakas ng taon. Sa huling dalawang buwan ng taon ay ibinibigay sa mga empleyado ang kanilang13th month pay na itinakda ng batas. Ang dagdag na kita ay nagpapataas sa kanilang kakayahang makabili at demand sa iba’t ibang produkto at serbisyo. Sa panahong ito ay tag-ani ng mga pananim ng mga magsasaka kaya’t ang aning palay ay ginagawang masasarap na duman sa Pampanga, pinipig, suman at sarisaring kakanin na may malaking demand sa panahon ng Kapaskuhan. Ang benta sa mga produktong ito ay nagpapataas din sa kita ng mga magsasaka na nakadaragdag sa kabuoang demand sa mga produkto at serbisyo.  Sa panahong ito ay naglalabas din ng ulat tungkol lagay ng kinita at tubo ang mga kompanya. Kadalasan ang mga negosyong kumita nang malaki nagbibigay ng dagdag na kita o bonus sa mga empleyado nito na nagpapataas sa kanilang demand sa iba’t ibang produkto at serbisyo.

Higit pa sa tumataas na kita ang nagpapalawak ng demand sa panahong ito ay ang kakaibang pag-usbong ng panlasa ng mga mamamayan, mahirap man o mayaman. Ang Kapaskuhan ay panahon ng padiriwang at pasasalamat. Ito ay nag-uugat sa kamulatang ang diwa ng Kapaskuhan ay panahon ng pasasalamat dahil ang Diyos ay nagkatawang-tao upang matubos ang sanlibutan sa kasalamang mana. Ang pagpapakumbaba ng Hesukristo upang tayo ay matubos ay isang makabuluhan at malalim na dahilan upang tayo ay magpasalamat sa Diyos at magdiwang. Ang diwa ng pasasalamat ay nagbubunga ng iba’t ibang ekspresyon ng kasiyahan. Ang kasiyahang mula sa mensahe ng Kapaskuhan ay nagbibigay dahilan o saysay sa mga pagdiriwang. Unang linggo palang ng Disyembe ay walang patid na ang mga Christmas party ng iba’t ibang kompanya at mga samahan. Kasama sa mga pagdiriwang at handaang ito ay ang paghahain ng lechon, masasarap na pagkain, matatamis na kakanin at mga ipinamamahaging papremyo sa raffle. Dahil sa sari sari at walang patid na pagdiriwang, abalang abala ang mga litsonan sa La Loma sa buong buwan ng Setyembre hanggang bisperas ng Bagong Taon upang maihapag ang lechon sa mga handaan.

Ang pasasalamat ay ipinakikita rin ng mga kompanya sa pagbibigay ng calendaryo, payong, ibat ibang regalo ng basket ng prutas at pagkaing de lata sa kanilang mga ordinaryo at piling kliyente. Nakatanggap ako taun taon ng malalaki at masasarap na ensaymada na gawa sa Pampanga galing sa publisher ng aking mga aklat bilang pasasalamat sa matatagal na pagsusulat at paglalathala sa kanilang kompanya.


Isa pang ekspresyon ng pagdiriwang ay ang demand sa mga bilungang prutas lalo na sa pagpasok at Bagong Taon. Ganoon din ang demand sa mga paputok upang itaboy ang mga masasamang espiritu at kamalasan sa buhay.

Batay sa pagsusuring ito, hindi komersiyalismo ang dahilan ng pagiging abala ng mga Filipino sa pagdiriwang ng Kapaskuhan. Ito ay nakaugat sa mensahe ng kapanganakan ni Hesuskristo na nag-alay ng buhay upang ang sanlibutan ay matubos at mailigtas sa kasalanang mana. Ang pagiging abala natin ay mga ekspresyon ng ating pasasalamat at pagdiriwang na ang Manunubos ay nagpakumbaba at sumasaatin. Samakatuwid, nakaugat pa rin sa tunay na diwa ng Kapaskuhan ang mga pinagkakaabalahan natin sa panahong ito.

Isang Maligayang pagdiriwang ng Kapaskuhan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -