27.3 C
Manila
Biyernes, Marso 28, 2025

Legarda, ipinaalala ang papel ng Maynila sa paghubog ng pagkakakilanlan ng Pilipino sa archival exhibition ng NAP

- Advertisement -
- Advertisement -

BINIGYANG-DIIN ni Senador Loren Legarda ang kahalagahan ng kultura at kasaysayan sa paghubog ng pagkakakilanlan ng mga Pilipino sa muling pagbubukas ng archival exhibition ng National Archives of the Philippines (NAP) na pinamagatang “Maynila: Nexus of Empire.” Tampok sa eksibisyong ito ang mahalagang papel ng Maynila bilang sentro ng impluwensyang Kastila sa Asya mula ika-16 hanggang ika-19 na siglo.

Larawan mula sa Facebook page ng Senate of the Philiippines

“Sa pagdaong ng mga Kastila, hindi nila nadiskubre ang Maynila. Bagkus, nakilala nila ito: isang siyudad na sentro ng komersyo, may umiiral na diplomasya, at may mayamang kultura,” pahayag ni Legarda. “Gayunpaman, nananatili ang matalinghagang katotohanan, na sa kabila ng pananakop ng mga dayuhan, nagawang hubugin ng Maynila ang sarili nitong imperyo,” dagdag pa ng Senadora na Tagapangulo ng Senate Committee on Culture and the Arts.

Tinutukoy ng eksibisyon ang mahalagang papel ng Maynila sa pandaigdigang Manila-Acapulco Galleon Trade na nag-ugnay sa Asya, Amerika, at Europa. Ipinapakita nito, sa pamamagitan ng mga sinaunang gamit, mapa, likhang sining, at kuwento ng kasaysayan, kung paano naging sentro ng kalakalan sa buong mundo ang Maynila at isang lungsod na pinagsama-sama ang iba’t ibang kultura.

“Ang pagiging Pilipino ay hindi nasusukat sa iisang kuwento lamang. Itinuturo sa atin ng Maynila na ang ating pagkakakilanlan ay hindi lang batay sa iniwang bakas ng kolonisasyon o sa mga tagumpay ng rebolusyon. Nabuo tayo mula sa pagsasama-sama ng iba’t ibang kultura, wika, pananampalataya, at kasaysayan, at dito matatagpuan ang ating pinakamatibay na lakas,” dagdag pa niya.

Si Legarda, kilalang tagapagtaguyod ng kultura at sining, ay aktibong sumusuporta sa mga programang naglalayong protektahan ang makasaysayan at kultural na pamana ng bansa. Malaki ang naging bahagi ng kanyang suporta sa NAP sa pagsasaayos ng Intendencia Building, pagpapabuti ng mga pasilidad para sa mga lumang dokumento sa buong bansa, at paggamit ng makabagong sistema sa pag-aaral upang manatiling madaling maabot at mahalaga ang kasaysayan ng Pilipinas para sa mga susunod na henerasyon.

“Marupok ang alaala, at maaaring baguhin o baluktutin ang kasaysayan. Pero sa mga eksibisyong tulad nito, nagiging anyo ng paglaban ang pag-alala: laban sa pagkalimot, laban sa kawalang-pakialam, at laban sa mga kuwentong hindi nagpapakita ng tunay na yaman ng ating pagkakakilanlan,” pahayag ni Legarda.

Inaanyayahan ng “Maynila: Nexus of Empire” na makita ang Maynila bilang isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng mundo.

“Habang naglalakad kayo sa mga gallery na ito, huwag lang basta tumingin. Magtanong, magnilay, makisali. Hindi ito ginawa para lang panoorin, kundi para ipaalala ang ating pananagutan: sa nakaraan na lumaban para sa ating kalayaan, sa kasalukuyan na may hindi pa rin pagkakapantay-pantay, at sa hinaharap na huhusga sa atin batay sa mga katotohanang haharapin natin,” pagtatapos ni Legarda.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -