Uncle, Ilan kayong magkakapatid?
Tatlo lang kami, Juan. Bakit mo natanong?
Kasi, Uncle, pinag-uusapan namin sa office ang isyu ng pag-aanak. May isang nagsabi na dose daw silang magkakapatid. Yung isa naman, isa lang anak at ayaw ng magkaroon ng kasunod pa. At yung isa naman, nagpapa-IVF o yung In-vitro fertilization para daw magkaanak sila. Iba-iba talaga ang kuwento.
Naku, matalinghaga talaga ang buhay. Yung ayaw ng magkaanak dahil sa hirap ng buhay, yun naman ang nagkakaanak ng marami. Yung gustong magkaanak, yun naman ang may problema sa pagbubunitis. At yung may kakayahan namang mag-anak ng marami, ayaw namang magdagdag ng anak.
Ano nga ba ang mga paniniwala sa pagkakaroon ng maraming anak?
Una, ang pagkakaroon daw ng maraming anak ang sagot sa kalungkutan pag tumanda na ang magulang.
Pangalawa, lalo na sa mga mahihirap na pamilya, malaking ginhawa ang maibibigay ng maraming anak kapag sila ay nagtrabaho na at tumulong sa pangangailangan ng pamilya.
Pangatlo, nakakatulong ang maraming anak sa pag-aalaga ng mas nakakabatang mga kapatid.
Pang-apat, mas maipagpapatuloy at malalaganap ang pangalan ng magulang kung mas marami ang anak.
At panglima, mas lumalakas daw ang kapangyarihan sa komunidad kung marami ang anak lalo na kung papasukin ang larangan ng pulitika o pamahalaan.
Sa kabilang banda, bakit ayaw mag-anak o magdagdag ng mas maraming anak kahit yung may malakas na kapasidad na magtaguyod ng mas malaking pamilya?
Ayon sa Commission on Population and Development (PopCom), ang average na bilang ng anak sa isang pamilyang Pilipino sa buong bansa ay bumagsak na sa 1.9 at sa mas mababa pang 1.4 sa National Capital Region.
Isa sa mga dahilan ng mababang bilang ng anak sa isang pamilya ay ang patuloy na pagtaas ng childcare costs o yung mga gastos sa pagpapalaki ng anak.
Ang pagpapalaki ng anak sa Pilipinas mula sa kapanganakan hanggang 18 years ay nangangailangan ng P 25,000 kada buwan o P 300,000 sa buong taon. Ito ay nangangahulugan na ang mga magulang ay dapat kumikita ng P 75,000 bawa’t isa o P 150,OOO sa buong taon para matustusan ang basic, emergency at long-term needs ng isang bata.
Mas malala pa ang gastos kapag ang anak ay may disability o kapansanan. Ayon sa UNICEF, tataas ang gastos ng 40-80 porsiyento sa mga pamilya na may inaalagaang batang may kapansanan.
At dahil sa kahirapan, maraming bata sa Pilipinas ang nakakaranas ng kakulangan sa pagkain at nutrisyon, stunting o ang pagiging maliit kesa sa tunay nilang edad at pagkakasakit dahil sa walang tamang health care, immunization, poor hygiene at maling pagkain.
Sa perspektibo ng pangkalahatang ekonomiya, may positibo at negatibong epekto ang pagkakaroon ng maraming anak.
Sa short-term, makakatulong ang pagkakaroon ng maraming anak sa pagtaas ng demand sa mga goods at services at sa pagtaas ng economic growth.
Pero hindi magiging matibay at pangmahabang panahon ang economic growth kung hindi susuportahan ng investment sa edukasyon, kaalaman, skills at training.
Malaki ang partisipasiyon ng pamahalaan sa polisiya nito sa investment sa edukasyon, sa pagbaba ng economic inequality at sa pagbawas sa financial burden o bigat na dulot ng pagtaguyod ng pamilyang may maraming anak.
Sa Singapore, maliwanag ang polisiya ng gobyerno tungkol sa kagustuhan nitong mas dumami ang mga anak ng mga Singaporeans at maging matibay ang susunod na henerasyon sa mga hamon at oportunidad ng makabagong ekonomiya.
Sa kanilang 2025 budget, bibigyan nila ng mas maraming financial benefits at suporta ang mga pamilyang may tatlo at higit pa na anak. Ang tawag nila dito ay Large Families Scheme na may layunin na baguhin ang pagbagsak ng kanilang fertility rate na 0.97 nung 2023 kung saan may isa lang o walang anak ang mga mag-asawang Singaporean. Nais din ng polisiyang ito na tulungan ang mga bata na maging mahusay at magkaroon ng magandang kinabukasan sa tulong ng mabuting edukasyon, health care at parental support. Makakatulong din ito sa pagpantay sa distribusiyon ng mga resources para sa lahat ng mga pamilya, lalo na yung may mas malaking pangangailangan.
Maiimpluwensiyahan kaya ng mga ganitong polisiya ang pag-anak ng mas marami? Lalo na sa mga ekonomiyang mataas ang aging population at kailangan magkaroon ng demographic shift o pataasin ang birth rate para mapalitan ang lumang henerasyon?
Ganito rin ang nangyayari sa mga Nordic na bansa tulad ng Finland, Sweden o Norway. Dahil mga social welfare states sila, Kaya nilang magbigay ng magandang parental support tulad ng world class maternity care, mahabang parental leave at pre-school childcare. Pero bagsak pa rin ang birth rate nila at marami pa rin ang ayaw mag-anak dahil sa epekto nito sa kanilang independence at career.
Mahirap talagang intindihin na para sa ekonomiya ang pagtaas ng birth rate at ang pagbuo ng mas magaling at mas mataas na kalidad na mga bata.
Ang bottomline ay Ito. Ang pagdami ng anak ay isang personal choice na produkto ng maraming konsiderasyon — cultural , psychological, biological, o cognitive.
Ang mahalaga ay preparado tayo sa mga inakong desisyon at handa ang Nanay at Tatay na tulungan ang mga anak na makatindig sa sarili nilang mga paa at umasenso. Masuwerte kung merong suporta ang gobyerno. Kung wala, magtrabaho ng mabuti at matutong magbudget at magsave para sa magandang kinabukasan ng ating mga anak.
O, Juan, pag nag-asawa ka na, ilang anak ang gusto mo?