PAMAGAT ng aking aklat na nalimbag mga limang taon na ang nakararaan. Hindi ko minarapat na daanin sa mga bookstore ang pagbebenta ng libro. Masyadong malaki ang hinihinging porsiyento ng bookstore. Kaya sariling sikap na lang. Ibig sabihin, hingi ng tulong sa mga mambabasa. Ipadala po ang order ninyo sa aking CP No. 09151915460 at ang kabayaran na P1000 para sa isang kopya sa aking bank account na Robinsons Bank, Account No. 102630100001455, Account Name Mauro Gia Samonte. Upon proof of payment, ipadadala ko sa inyo ang kaukulang dami ng libro.
Ang aklat ay kalipunan ng mga sanaysay hinggil sa China na nalimbag sa aking kolum na My Say sa Manila Times mula 2010. Nauungkat ko sa pitak na ito ngayon ang kahalagahan ng aklat sa kadahilanan na bawat salita ng pagpapaibawbaw sa China ay bugso ng sincerong pagtingin na sa mandato ng historikong materyalismo, China lamang sa mga pangunahing pwersa ng mundo ang lantay na nagtataguyod ng kaligtasan ng uring proletaryado.
China The Way, The Truth And The Life.
Panata ng paninindigan sa responsibilidad ng China na balikatin ang kaligtasan ng buong sangkatauhan.
Kung papaanong sa akin ang panata ay totoo noon, totoo pa rin ngayon, at depende na lamang kung anong alas merong nakatago ang Amerika sa kanyang manggas, totoo hanggang sa katapusan ng sansinukob.
Ang pananampalataya ko sa China ay naganap sa ilalim ng mga di pangkaraniwan na kalagayan.
Ang pagbabalikwas na Sisonita ng Communist Party of the Philippines (CPP) ay lumustay sa mga ganansyang natamo ng mga pinanday-sa-laban na
mga kadre ng CPP/NPA tulad nina CPP Chairman Rodolfo Salas Alias Kumander Bilog at New People’s Army (NPA) Chief Romulo Kintanar.
Sa pinakamapagpasyang sandali ng rebolusyon – ang snap presidential election ng 1986 – ang kabuuang pwersang rebolusyonaryo na kinabibilangan ng 25,000 regulars na lahat ay nasa pormasyong company, 500,000 armed people’s militia, at libu-libo pa ring mga sandatahang yunit pampropaganda (SYP) at suportang masa ay kinailangan na lamang magpartisipa sa eleksyon upang isulong ang rebolusyonaryong adhikain na durugin ang diktaduryang Marcos.
Subalit ano ang gugulantang sa akin? Ang boycott policy ng CPP!
Nagawa kong makinig sa akin si Kumander Bilog. Sabi ko sa kanya, ang US Seventh Fleet ay nakaangkla sa Manila Bay at ang international media ay nakabillet sa Manila Hotel. Malaking pangyayari ang magaganap. Sirang plaka na na ang snap eleksyon ay laro lanang ng Kano upang pagtibayin pa sa pwesto si Marcos.
Subalit ang panalo ni Cory ay isang kagimbal-gimbal na pangyayari na gugulantang sa buong mundo.
Kaya iatras ang boycott policy kung ibig nating magibabaw sa daluyong na magpapabagsak sa diktador, panukala ko.
Isa pang ideya na ipinanukala ko, makipagalyansa kay Marcos. Kayo na ang magsabi kung gaano ka pormidable ng ganung alyansa.
Laking malas, mahigpit na nanghawakan si Bilog sa Sisonitang protracted people’s war.
At tulad ng dapat asahan, ang sumunod ay ang kasaysayan: ang dakilang pagwawagi ni Cory.
Ang 25,000 regulars ay sa isang iglap mga muling nagbalik sa mga pormasyong gerilya na mga naglaban-laban bilang mga magkaaway. Kabilang sa mga trahedyang naganap ay ang pagpaslang sa mahal na kasamang Ka Rolly Kintanar.
Kung paniniwalaan si retired Philippine Army Chief General Antonio Parlade, ang NPA people’s war ay nangingisay na patungong ganap na kamatayan.
Ito ngayon ang punto ng ating diskusyon ngayon.
Mula pa sa madaling araw ng kasaysayan, ang tunggalian ng mga uri ay dinadaan sa armadong labanan.
Subalit sa pananagumpay ng rebolusyong burgis sa Francia noong 1848, umusbong ang kapitalismo. At doon yumabong ang mga lipunang bagamat kapitalista rin ay sa katunayan mga galamay lamang ng higanteng nanay na pangmundong kapitalismo.
Ang pagpaimbulog ng kapitalismo sa Europa ay nagbunga ng pagpalit ng sistemang encomienda ng Pilipinas tungo sa sistemang asyenda para sa produksyon ng mga hilaw na sangkap tulad ng asukal, niyog at abaka na kailangan ng mga kapitalistikong industriya ng Europa.
Mas mahalagang bunga, hindi na kailangang magrebolusyon ang mga natitira pang piyudal na lipunan sa mundo upang pumaimbulog sa kapitalismo.
Sa kaso ng China, niliwanag ni Mao Zedong ang ganitong kaayusan bilang “semi-piyudal, semi- kolonyal” na nangangailangan ng “protracted people’s war.” Pagkaraan ng limang taong giyera sibil, noong 1949 naitaboy ng Communist Party of China (CPC) ang kalabang Kuomintang na tumakas sa Formosa (Taiwan ngayon).
Ang ehemplo ni Mao Zedong ang pinilit gagarin ni Jose Maria Sison nang itatag niya ang Communist Party of the Philippines (CPP) noong 1968 at ilunsad nang sumunod na taon ang National Democratic Revolution, gamit ang estratehiyang “surrounding the cities through the countryside.”
Sa simula pa lang mali na ang estratehiya. Sa kapuluang binubuo ng 7,200 na isla, nasaan ang kalunsuran at nasaan ang kanayunan?
Inabot ng mahigit kalahating siglo, ang insurhensya ng CPP ay naagnas hanggang sa kamatayan na ng lider na si Sison.
Sa Pilipinas, ang Huk rebelion noong decada 50 ay ang kahulihulihang pagsisikap ng mga pwersang sosyalista na makapanunggab ng kapangyarihang pulitikal. Nagtagumpay si Ramon Magsaysay na pahupain ang pag-aalsa. At magmula noon ang anumang pag-aalsa laban sa kapitalismo ay naitakda nang mabigo.
Ang titigas ng mga ulo natin. Ang armadong pakikibaka para sa pagsulong ng proletaryado ay matagal nang passe. Mandato ng historikong materyalismo na sa sandaling ang isang sistemang panlipunan ay
nakatigas na sa isang panig ng mundo, ang iba pang atrasadong panig ay basta lamang pumapaloob dito.
Sa ngayon, tanging China ang sulong na lipunang nagbabandila ng sosyalismo.
Buong pananampalataya ko pa ring iwinawagayway ang panatang China The Way, The Truth and The Life.
- Advertisement -