SA pagtatapos ng akademikong taon, ang mga pribadong paaralan, kolehiyo at pamantasan ay naghahanda na ng mga ulat at datos na magagamit nila sa pagtatakda ng pagtaas ng kanilang tuition fee sa susunod na taon. Kasama sa mga datos na ito ay ang inflation rate at ang balik o tubo sa pagpapatakbo ng mga pribadong paaralan. Ang inflation rate ay hindi pinagtatalunan sa diskusyon dahil ang impormasyong ito ay galing sa isang ahensya ng pamahalaan. Dalawang kontrobersyal na isyu ay ang normal na balik na tubo at ang pagsasama ng buwis sa tubo ng mga korporasyon sa pagtatakda ng tuition fee o presyo.
Ang tubo ay maituturing isang gastos sa operasyon ng isang paaralang pribado dahil ito ay kumakatawan sa isinasakripisyo ng mga nagmamay-ari ng mga paaralan sa paglalaan ng kanilang pondo at oras upang mapatakbo ang paaralan. Ang itinuturing normal na tubo ay ang interest rate sa bilihan ng pondo. Sa ating bansa, ito ay nasa 5.75% sa kasalukuyan. Samakatuwid, ang normal na tubo ay dapat 5.75% dahil kung ang operasyon ng paaralan ay makapagbibigay lamang ng mababang porsiyento ng balik sa kanilang capital, dapat ay lumipat na lang sila sa ibang industriya na may matataas na balik o ilagak ang kanilang pondo sa bilihan ng salapi na makapagbibigay na 5.75% na balik o interest rate. Kung ang balik ng isang paaralan ay labis sa 5.75% makatwiran lamang na ipaglaban ng mga estudyante ang mababang porsiyento ng pagtaas ng tuition fee dahil ang kanilang paaralan ay may labis na tubo na mahigit sa normal na tubo o interest rate sa bilihan ng pondo.
Ang ikalawang isyu ay natutungkol sa pagsasama ng buwis sa tubo ng korporasyon sa pagtatakda ng tuition fee. Matagal na isyu na ito. Matatandaang noong nakaraang dekada marami ang nagreklamong kliyente ng Maynilad at Manila Waters kung bakit ang buwis sa tubo ng korporasyon ay nakapaloob sa taripa o presyong sinisingil ng dalawang kompanyang nabanggit. Umabot pa ang reklamo hanggang sa Korte Suprema at sa isang lupon ng arbitration na nakabase sa Singapore. Magkasalungat ang hatol ng dalawang lupon ng mga hukom. Sa aking palagay, dapat lamang nakapaloob sa presyo o taripa ang buwis sa kita ng korporasyon. Ganoon din ang aking paniniwala na ang buwis na ibinayad ng mga empleyado ng isang unibersidad mula sa kanilang sweldo ay nakapaloob sa pagtatakda ng tuition na sinisingil ng paaralan.
Kung tinatanggap nating ang tubo ay isang uri ng gastos, at ang presyo ng isang produkto o serbisyo ay nakabatay sa ginastos ng suplayer upang ito ay mabuo, ang tubo ay kasama sa pagtatakda ng tuition fee ng mga pribadong paaralan dahil ito ay kasama sa gastos sa pagpapatakbo ng pribadong paaaralan.
Himayin natin ang mga bahagi ng tubo ng korporasyon. Dahil ang itinuturing nating normal na balik o tubo sa operasyon ng isang pribadong paaralan ay 5.75% dapat tumubo ang pribadong paaralan ng 5.75 porsiyento. Samakatuwid, kung ang isang pribadong paaralan ay may may ari-ariang nagkakakahalaga ng P2 bilyon, ang normal na tubo nito ay P115 milyon. Ang halagang ito ay kasama sa gastos ng operasyon ng paaralan dahil ito ang halaga ng isinasakripisyo ng mga may ari ng PHP2 bilyong ari-arian. Sa tubong ito ng korporasyon, inilalaan ng korporasyon ang PHP 28.75 sa pagbabayad ng corporate income tax, PHP 69 milyon para sa dibidendo na ipinamamahagi sa mga humahawak na stock ng corporasyon at ang natitirang P17.25 milyon ay iniimpok o retained earnings.
Ang tinatanong ng mga estudyante ay kung bakit ang mga estudyante ang magbabayad ng P 28.75 milyon gayong ito ay buwis sa tubo ng korporasyon. Hindi ang mga estudyante ang nagbabayad ng corporate income tax; ito ay binabayaran ng korporasyon o nagmamay-ari ng paaralan. Ang binabayaran ng mga mag-aaral ay ang gastos sa pagpapatakbo ng paaaralan. Dahil ang buwis sa tubo ng korporasyon ay nakapaloob sa tubo ng korporasyon at ang tubo ay itinuturing gastos sa operasyon, ang buwis sa tubo ng korporasyon ay nakapaloob sa gastos ng opersayon ng paaralan kaya’t nakapaloob din sa tuition fee na sinisingil ng paaralan.
Ganoon din ang argumento kung bakit nakapaloob din sa tuition ng mga estudyante ang buwis sa sweldo na binayaran ng mga guro. Kahit na ang buwis ay binayaran ng mga guro at hindi ng mga estudyante, nakapaloob pa rin ito sa tuition fee nila dahil kasama ang buwis sa sweldo gastos sa paglalaan ng eduskasyon.
Mula maikling pagsusuring ito, nakita natin na patong patong na buwis ang nakapaloob sa presyo ng mga produkto at serbisyo dahil gumagamit ang mga kompanya ng mga manggagawa na binubuwisan at kumikita ito ng tubo na binubuwisan din ng pamahalaan. Kahit hindi ang mga mamimili ang tuwirang nagbabayad ng buwis sa pamahalaan, sila ang pumapasan ng mga ito dahil bahagi ito ng gastos sa produksiyon at presyo ng produkto at serbisyo.