HALOS kasabay ng pagkaaresto kay Dating Pangulo Rodrigo Duterte ng International Criminal Court (ICC), nagpalabas ang China ng malakas na pagkondena sa nangyari. Nanawagan ito sa komunidad internasyonal na irespeto ang sobereniya ng mga bansa. Na para bang ang aresto ay lumabag nga sa mga prosesong legal ng Pilipinas. Malayo ito sa katotohanan.
Sa isang panayam sa media, inilahad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na alas tres ng madaling araw, nakatanggap ang Interpol Manila ng Red Warning Notice, na ibig sabihin ipatupad na ang arrest warrant sa dating pangulo na akusado sa mga kasalanan laban sa sangkatauhan.
“Kaya, ayun,” paliwanag ni Bongbong, “gumana na ang mga plano ayon sa mga pinag-usapan.”
Ganyang ultimong kataas-taasang pinuno ng Pilipinas ay kaalam sa pag-aresto kay Duterte, papaanong masasabi ng China na iyun ay paglabag sa soberaniya ng Pilipinas?
Balintuna, sa usaping ito, lumilitaw na ang China ay kulang sa kaalaman. Hindi nito inalintana na sa pagpalit-palit ng mga presidente ng Pilipinas, iisa at iisa lamang ang pamantayang nasusunod: na ikaw ay sunud-sunuran sa Estados Unidos. Kung hindi, talo ka. Kung lumusot ka sa eleksyon at sa iyong pag-upo ay lumitaw na ikaw pala ay kontra-Amerikano, alin kung mapaaga ang wakas ng iyong panunungkulan o kung umabot ka pa sa susunod na eleksyon (sa panahon na pwede pa ang re-eleksyon), tiyak bagsak ka na.
(Balikan ang paglalahad sa bagay na ito sa nakaraang kolum: China The Way, The Truth and The Life.)
Kung, walang eksepsyon, ganyan ang di mapasusubaliang regla ng pagpalit-palit ng mga presidente sa Pilipinas, si Duterte ay dapat na dumaan sa ganyang pagpapanday ng mga presidente ng Pilipinas.
Ulitin ang prosesong dinaanan ni Duterte: atubili siyang tumakbong presidente noong 2016 at kinailangan ang tatlong pagdalaw ng Amboy na si FVR
bago siya pumayag na tumakbo; lagpas na ang taning ng filing ng candidacy, kaya nagkansel ng kandidatura si Martin Dino ng PDP Laban para makapagsubtityut si Duterte; subalit mayor ng Pasay City ang tinatakbuhan ni Dino at ito ang pinuna ni dating Senador Kit Tatad sa kanyang petisyon sa Comelec, na gayunpaman ay nangatwiran na malinaw na ang intensyon ni Duterte ay maging presidente, kaya tuloy ang kandidatura ni Duterte, na nanalong landslide.
Sobrang napakamakapangyarihan ng pwersang nasa likod ni Duterte para malagpasan ang sandamukal na balakid upang maging presidente. Ayon sa isang eksperto, CIA lamang ang may ganung kakayahan. Kapag sinabing CIA, Amerika. Pero laking surpresa, pag-upong pag-upo, parang namumulutan na lamang ng mani si Duterte sa pagmumura sa Amerika, sa Ambassador nito na si Philip Goldberg at kay Presidente Barack Obama.
Maaga pa sa kanyang termino, dumalaw siya sa China at sa Rusya at sa dalawa ay iminungkahi niya ang: “The three of us against the world (Tayong tatlo laban sa mundo).” Saang anggulo mo man sipatin, sa labanang Amerika-China, kampi-China si Duterte. At ang kabuuan ng kanyang termino ay kinakitaan ng muling pamumukadkad ng pagkakaibigang Chino-Pilipino na ganap na naabo sa buong panahon ng sinundang administration, ang kay namayapa nang pangulo na si Benigno Aquino III. Sa panahon ni Duterte muling pumaimbulog ang Pilipinas bilang Numero 1 na destinasyon ng mga turistang Chino. Nakatanggap ang Pilipinas ng libreng 2.5 milyun na doses ng Sinovac, muling namukadkad ang kalakalang Chino-Pilipino sa mga produktong agrikultural tulad ng gulay, prutas at mga kataying hayop, at tulong sa mga proyektong pangkaunlaran tulad ng irigasyon, riles ng tren at iba pang infrastruktura.
Sa panahon ni Duterte naitayo ang dalawang karagdagang tulay sa Ilog Pasig, isa sa Intramuros-Binondo sa Maynila at isa sa Estrella-Pantaleon sa Pasig. Nagkakahalaga ng $5 milyon, ang dalawang karagdagang tulay na nakapag-ambag sa malaking kagaanan ng trapiko sa Metro Manila, ay ganap na tinustusan ng China, kaloob sa Pilipinas gratis et amore.
Anupa’t sa buong anim na taon ng pamamayagpag ng Duterte administrasyon, matingkad ang litaw na paninindigan nitong pabor sa China.
Sa kabilang dako, ang mga ito ang di nabigyan ng kaukulang pagpapahalaga. Sa isang pakikipagkaniig sa kanyang mga tropa sa Mindanao, winika ni Duterte na mahina ang Pilipinas upang makipagbanggaan sa China, subalit bago matapos ang kanyang administrasyon, “mag-uusap kami sa loob apat na kanto ng PCA ruling.”
At sa kaisa-isang pagkakataon na siya ay makapagsalita sa General Assembly ng United Nations at dapat sinamantala niya iyun upang ilahad ang kanyang pabor sa China na paninindigan, ano ang kanyang ipinahayag?
“Ang PCA ruling ay bahagi na ng international law.”
Ano ang PCA ruling? Iyun ang hatol ng Permanent Court of Arbitration noong 2013 na nagsabing ang Nine Dash Line Map na pinanghahawakan ng China upang angkinin ang halos kabuuan ng South China Sea ay ilegal.
Iyung-iyun ang ang linyang pinaninindigan ng Estados Unidos – pinanghawakan ng mahigpit at hanggang sa mga sandaling ito ay siyang pundasyon ng pagbaka ng Estados Unidos sa pag-angkin ng China sa halos lahat ng mga katubigan at bahura sa South China Sea at sa gayon ay sa palakas na palakas na pag-udyok ng Amerika sa Pilipinas na giyerahin ang China.
Sa isang kailan lamang na kolum ko sa Manila Times, itinanong ko, “Can one be pro-Filipino without being anti-American (Pwede ka bang maging pro-Filipino nang hindi anti-Amerikano)? Ang sagot ko hindi. Hinihingi ng mga kasalukuyang kalagayan na ang pag-ahon ng Pilipinas sa dusa ay nakasalig sa pagyakap ng Pilipino sa mga layunin at simulain ng China.
Sa mga kritikal na sandali na si Duterte ay dapat na nanindigan pabor sa China dahil iyun ang wastong pagpapangibabaw sa interes ng bansang Pilipino, ano ang kanyang ginawa? Niyurakan niya ang China.
Pagkatapos ngayon heto ka’t walang pag-aatubili ang China na kondenahin ang bansang Pilipinas dahil sa pagpayag na arestuhin ng ICC si Duterte.
China, hinding-hindi na kita maintindihan.
(Itutuloy)
- Advertisement -