NAGSAGAWA ng orientation ang Department of Labor and Employment-CARAGA patungkol sa Department Order No. 249, series of 2025, ang binagong patakaran ng Single Entry Approach (SEnA). Upang bigyang-kaalaman ang mga kawani nito sa Assistance for Request Management System (ARMS), isang digital platform na binuo para mapabilis ang pagbibigay ng tulong sa mga manggagawa, sinimulan ng DOLE ang pagsasanay sa mga regional implementers ng Caraga noong ika-12 at 13 ng Pebrero sa Butuan City.

Ang DOLE-ARMS online tool ay dinisenyo upang mapabuti ang kahusayan sa pagresolba ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng employer at ng empleyado sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas mabilis at mas sistematikong paraan sa pagsusumite, pagsubaybay, at pamamahala ng Request for Assistance (RFA).
Nakatuon ang pagsasanay sa mga Single Entry Assistance Desk Officers (SEADOs) at iba pang kawani ng DOLE sa paggamit ng system para subaybayan ang mga kaso, paggawa ng report, at pag-analisa ng datos para sa mas mabuting desisyon. Pinangunahan ng DOLE-Caraga ang unang regional rollout at orientation sa mga bagong alituntunin sa Single-Entry Approach Program (SEnA) at sa bagong inilunsad na ARMS, na nakabalangkas sa Department Order No. 249, series of 2025.
Binigyang-pagkilala ni Undersecretary Benedicto Ernesto Bitonio Jr., na nanguna sa kaganapan kasama si DOLE Regional Director Jason Balais, ang mahalagang papel ng SEADO sa pag-asses ng mga reklamo at pagtuturo sa tamang ahensya na makakatulong sa mga manggagawa. Binigyang-diin ni Undersecretary Bitonio ang pangangailangan ng human intervention sa pagresolba sa mga isyu sa paggawa, at kanyang binanggit na may mga kaso na nangangailangan ng paglilinaw na hindi kayang tukuyin ng artificial intelligence.
Ang pagsasanay sa Butuan ay bahagi ng inisyatiba ng DOLE na sanayin ang mga regional labor officers at implementers sa buong bansa, upang matiyak na ang DOLE ay nagbibigay ng mabilis, patas, at mahusay na serbisyo para sa mga manggagawa. Nagsagawa din ng isa pang oryentasyon sa Central Luzon noong ika-13 at 14 ng Marso 2025.
Para sa karagdagang impormasyon sa DO 249, series of 2025 at DOLE ARMS, maaaring bisitahin ang DOLE website: www.dole.gov.ph at arms.dole.gov.ph. Karagdagang ulat mula kay Karen Decamotan/DOLE Caraga at DOLE PS)