Alam mo na ba, Uncle?
Ano yun, Juan?
Uncle, iniimbestigahan na ng gobyerno ang mga gumagawa at nagkakalat ng fake news sa social media.
Naku, Juan, iyan talaga ang nakakatakot sa mga panahong ito. Marami talagang fake news, misinformation at disinformation na kumakalat. At kinakalat pa lalo ng mga taong sadyang may oras at puso na mag-react sa lahat ng mga negatibong balita sa internet, na hindi naman sinusuri kung credibile ba o lehitimo ang source na pinanggalingan.
Uncle, sa politika lang ba talamak ito? O pati sa mundo ng finance? Di ba sinasabi mo nga na dapat mas magkaroon tayo ng mataas na antas ng financial literacy para mas may kaalaman tayo sa mga iba’t ibang aspeto ng pananalapi at lumakas ang kapasidad natin sa pangangalaga ng pinansyal na katayuan natin sa buhay?
Tama ka, Juan. Ang fake news, misinformation at disinformation ay problema din ng financial sector. Lalo na ngayon na ang teknolohiya ay sobra ng advanced. May mga “deep fakes” nga na tinatawag kung saan sa pamamagitan ng AI or artificial intelligence, mahihirapan ka ng madetect kung ang video na pinapanuod mo, lalo na yung mga nanghihikayat ng investment, ay totoong tao ba o lehitimong institusyon.
Ano ba ang nangyayari sa mundo finance sa kasalukuyang situwasyon ng fake news? Paano ba nakakaapekto ito sa mga desisyon at pagiisip ng mga investors? At paano ba maiiwasan o malalabanan ang mga fake news?
Ito ang mga realidad sa mga financial markets, lalo na sa mga stock markets, kahit saan sa mundo:
- Mabilis mag-react ang stock market sa kahit anong negatibong impormasyon bago pa ito ma-verify kung ito ay totoo o hindi. Sa Amerika, marami na silang karanasan kung saan bumagsak ang stock market nila dahil sa maling impormasyon na kumalat sa Internet o social media;
- Ang AI technology ay may mabuti at masamang aspeto na puwedeng sumira sa merkado sa kapasidad nitong makagawa ng maraming fake content o di kaya’y puede ding maka-detect ng fraudulent o pekeng content. Ito ay depende talaga sa hangad ng gumagamit nito; at
- Masyadong integrated ang social media at digital news platforms kaya mas madali ng magpakalat ng fake news.
Sa ating mga Pilipino, na pinapagtibay pa natin ang financial literacy sa bansa, mahirap na ngang gumawa ng desisyon tungkol sa saving, investments, retirement planning, healthcare at iba pa. Nandyan na nga ang mga financial advisors, insurance at wealth management professionals ng mga bangko at iba pang financial, investment at insurance companies na puedeng tumulong. Pero ang komplikasyon ay dinadagdagan pa ng mga fake news at content na madaling paniwalaan at mahikayat sa mga modus operandi ng mga financial scams.
Kaya ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Securities Exchange Commission (SEC) ay nagmamatyag at mabilis na gumagawa ng babala o aksyon para maiwasan ang mga pekeng balita o impormasyon na magpapahamak sa mga investors.
Tulad ng BSP na nagbigay na ng babala sa publiko tungkol sa mga fraudulent social media content . Sa isang banda, ang SEC ay patuloy na nag-iisyu ng advisories tungkol sa mga AI-generated deep fake scams at sila din ay nakikipagugnay sa iba’t ibang digital portals para ma-track ang mga fraudulent transactions. Pati ang Department of Information and Communications Technology ay sumusuporta sa SEC at nagbibigay ng technical expertise para sa mga deep fakes at iba pang scams.
Sa ibang bansa, tuloy din ang paglaban sa mga misinformation at disinformation. Halimbawa, sa Taiwan, may koordinasyon ang mga civil society groups, technology platforms, gobyerno at media.
Sa Finland naman, edukasyon ang kanilang solusyon sa problemang ito. Sinisimulan sa mga eskuwela ang digital literacy at may mga training din sila sa media literacy para sa mga communities at journalists.
Ang pagprotekta sa integridad ng financial markets ay kailangan talaga ng kooperasyon at kolaborasyon ng lahat ng sektor- regulators, financial institutions, tech companies, civil society- sa pagbuo ng standards at protocols para sa news verification at iba pa.
Sa mga investors dapat siguro maging mas segurista tayo kesa magpadalos-dalos sa ating mga desisyon.
Una, kailangan mag-verify ng news sa iba’t ibang reputabie at credible na news outlets. Tingnan mabuti ang mga mga komunikasyon na galing sa mga company websites, regulatory filings at press releases. Huwag pumatol sa mga sensational news. Maging suspetsyoso sa mga headlines na nakakagalit o nakakainis, lalo na sa mga artikulong mali-mali ang grammar at maraming typos.
Pangalawa, ang mga kompanya ay kailangan ding maging mas transparent, magkaroon ng open communication at itama kaagad ang mga maling balita o rumors para mas mabuo ang tiwala at kumpiyansa ng investors sa mga kompanyang ito.
Pangatlo, tingnan ang mga artikulo kung ito ay sponsored content o advertorials. Kadalasa’y may pinapaboran silang produkto o serbisyo.
At pang-apat, kailangan palakasin ang edukasyon para maiangat ang financial at media literacy. Malakas na kalaban ang mga fake news, deep fakes at iba pang tools ng financial deception o panloloko.
Totoo o fake? Isa talagang malaking hamon na kailangan ng balanse ng technolohiya, proseso at edukasyon para mabuti nating malampasan ang mga hirap sa kompleksidad ng impormasyon at palakasin ang integridad ng financial markets.
O, Juan, tingnan mo itong balitang ito. Totoo ba o fake?